Ni MJ Gonzales
Sa negosyo ang tumatayong
pinakaamo ay customers o parokyano. Ang makuha at mapanatili ang matamis nilang
oo ay ang magdidikta sa itatakbo ng isang kabuhayan. Kaya naman hindi basta
lamang makabenta ang importante, dapat ay ipadama na sila ang bida sa iyong kumpanya.
Kilala
mo ba sila? Maraming negosyo na ang atake sa promosyon
ay pangkalahatan. Ang problema rito ay
maaari ngang marami ang magkainteres pero iilan lang pala sa kanila ang
talagang customer. Ibig sabihin niyan ay nasayang ang iyong ginastos sa hindi
epektibong istratehiya sa pagpapatalastas. Ang mahalagang punto rito ay ang
kawalan ng pagkilala sa pinupuntiryang mamimili o target market.
Maaaring sari-saring tao
ang naaakit na bumisita sa iyong tindihan o shop pero balewala ang dami na ito kung
sa pagsusuri ay mababa ang halaga ng kita dahil iilan lamang pala ang bumibili.
Kaya mainam na malaman kung sino talaga
ang merkado mo para sila ang mahikayat
na bisitahin ka, mamimili sa iyo, at maramdaman nila na kailangan ka nila para
balik-balikan ka.
Sino
ka ba para tangkilikin nila? Hindi lamang dahil sa
tindi ng kumpetisyon ang kainaman ng pagkakaroon ng magandang imahe o
reputasyon. Ang ilan pang nakapaloob dito ay tiwala at pagiging tapat ng
mamimili. Ang kanilang pagtangkilik ay nagsisimula sa impresyon na iminamarka
mo sa kanilang isipin sa bawat pagbili nila sa iyo. Nagbibigay ka ba ng kalidad, ginhawa, natumbok
mo ang kanilang gusto, nagsasabi ka ba ng totoo, at maaasahan palagi?
Hanggang maaari sa lahat
ng pagkakataon ay dapat pinapangatawanan mo ang iyong ipinapangako sa iyong mga
kliyente. Masira ka ng isa ay mahirap
na, kung mauulit pa ay mitsa na ng hindi magandang reputasyon. Sa ibang punto, hindi rin mapaghihiwalay ang
isang negosyo sa may-ari nito. Kaya minsan kahit gaano kaganda ang produkto ay
mababalewala kung ang may-ari at tauhan nito ay may ‘di kanais-nais na imahe sa mata ng marami.
Handa
ka bang sundan sila? Maliban
doon sa matatag na kumpanya ay araw-araw ay may mga ipinanganganak na
magagaling sa iba’t ibang klase ng negosyo.
Ang pwede mong maging laban sa kanila ay ang iyong gilas sa pagpulso sa
pangangailangan at manguna sa pag-aalok ng mga bagay na kailangan ng iyong
mamimili. Kung hinihingi rin ng pagkakataon na may baliin o baguhin sa iyong
pamamaraan para mapabuti ang iyong serbisyo ay dapat gawin.
“It is not the strongest
of the species that survives, nor the most intelligent that survives. It is the
one that is most adaptable to change,” ang sabi ni Dr. Leon C. Megginson, isang
Louisana State University professor at may akda ng librong “Small Business
Management.”
Kaya
mo bang sumubok? Sa pangkalahatan, ang anumang klase ng pamumuhunan ay dumadaan sa pagsubok. Pwedeng ito
ay may kinalaman sa bagay na hindi mo pa alam, sa bagay na hindi ka kumportable
o kaya sa iyong kinatatakutan. Hindi
naman na kailangan na magpakalayo-layo ka sa iyong nais.
Katunayan ay hindi
ipinapayo na gawin mo ang isang investment na hindi mo naman gamay at nalalaman.
Ang mahalaga ay gaano ka ba kapursigido na itaas pa ang iyong antas at
magpakadalubhasa sa iyong napiling larangan.
Tama na maraming bentahe
kung ang negosyo na mayroon ka ay malapit sa iyo. Subalit, maaari rin na ang
iyong nalalaman sa iyong kinahihiligan o “passion” ay limitado kaya ka
napag-iiwanan at tinatanggihan.
Para maging angat sa iba
ay marapat na hindi ka nagdadalawang-isip na gumastos, palawigin ang iyong
nalalaman, at sumubok ng mga istratehiya.
Halimbawa na computer products ang ibinebenta mo, hindi ba dapat na alam
mo ang pinakabago, pinakamahusay, at pinakamainam para sa isang customer na
magtatanong?
Matutugunan
nang mabilis at epektibo ang mga komento? Mainam kung palaging positibo ang komentong
matatanggap. Subalit minsan ay may papasok at papasok pa rin na negatibo at kakaibang komento tungkol sa iyo.
Kahit negatibo man, pero
kung mapapamahalaan nang tama ang pagtugon sa “customer feedback” ay mainam
itong serbisyo sa kliyente. Ito ang
magtatawid upang patuloy kang tangkilikin at magbigay sa iyo ng mahusay na
panukala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento