Ni Phoebe Dorothy Estelle
Bilang mamimili ay may paraan ng pagbebenta na ayaw natin sa mga tindero. Kung babaliktarin naman natin ang sitwasyon ay mahirap din talaga ang magbenta lalo na kung maraming kalaban at may tinatangkilik na iba ang mga customers. Kung tutuusin ay maraming istilo ng pag-aalok o selling strategy na mapag-aaralan na epektibo, narito ang ilan:
1. Palaging base ang sasabihin sa makukuha ng customer. Sa online o offline selling, ang tahasang pagbebenta o “hard selling” ay madaling nakapagtataboy ng mga kliyente. Ang hindi alam ng ibang sellers ay hindi naman produkto at serbisyo ang binibili kundi ang kainaman na makukuha sa isang bagay. Halimbawa sa sabon na pampaligo, alam ng marami na ang sabon ay panlinis ng katawan. Subalit bibilhin din ito dahil epektibong nakakapagpakinis ng balat, mabango, at proteksyon sa mga mikrobyo na nagdadala ng sakit.
2. Tumulong sa partikular na customer. Lalo na sa mga nagsisimula pa lamang, mahusay na hakbang na pagtuunan ang isa munang espesyal na merkado kaysa puntiryahin ang kahit sino. Bakit? May mga klase, kategorya, at antas ang bawat grupo ng mga kliyente. Kung ang target market mo ay mga estudyante, mahihirapan kang bentehan sila ng mamahalin o hindi naman patok sa kanila. Kaya importante pa rin na kilalanin mo ang iyong merkado para matapatan mo ang kanilang pangangailangan.
3. Simplehan lamang ang pagpapaliwanag. Maaaring eksperto ka sa iyong larangan at maipagmamalaki ang iyong inaalok. Subalit, kung hindi ka maintindihan ng iyong mga potensiyal na kliyente ay hindi ka pa rin epektibo. Kaya pag-aralan kung paano makapagpapaliwanag na madali, mabilis, at makakaengganyo tungkol sa iyong produkto.
4. Tama ba ang presyuhan. Kung magbebenta ka ng mahal dapat ay panalo ang rason kung bakit. Kung magbebenta ka naman ng mura ay dapat maipakita mo na may kalidad ang iyong produkto. Tandaan na ang palabang presyo ay istratehiya na agad sa pagbebenta. Totoo na marami ang naaakit sa mura pero sa bandang huli ang pinakamahalaga pa rin ay ang pagiging sulit ng ibinayad. Kaya nga may handang magbayad ng mahal kung kapalit naman ay ginhawa sa pakiramdam, pagod, at sa kanilang oras.
5. Gumawa at iensayong mabuti ang linya sa pagbebenta. Para sa mga biglaang pagkakataon na makakita ng potensyal na kliyente at maging doon sa nagmamadali o abalang-abala ay dapat na may nakahanda kang linya sa pagbebenta. Isa sa sikat ay ang tinatawag na “elevator pitch” na ang haba ay hindi lalagpas ng 90 segundo o haba ng byahe sa pagsakay sa elevator.
6. Makinig mabuti sa sinasabi ng iyong kliyente. Kung handa ka na hindian, mas lalong dapat na handa kang makinig sa komento ng iyong kliyente. Sa pakikinig ay makukuha mo ang kanilang kiliti para mabago ang takbo ng usapan na pabor sa inyong dalawa. Dito mo rin makukuha ang kanilang tunay na hinahanap at ayaw. Hindi mo man sila mabentahan ngayon ay mapagbubuti mo naman ang paraan ng iyong pagbebenta.
7. Ipadama ang kainaman ng iyong inaalok. Hanggang maaari ay mainam na hindi lang sa salita malalaman ang iyong produkto. Dapat ay nahahawakan at nasusubukan ito para mas kumbinsido. Dito papasok ang istratehiya gaya ng “30-day trial period” at “product sample.”
Kung sa pagkakataon na sa panulat o tawag lamang pwede magpaliwanag, paghandaan kung paano maibabahagi ang iyong produkto sa antas na parang naramdaman ito. Kung ito ay Pinoy style na sinigang na baboy ay kasing linamnam ba ito ng lutong-bahay ni inay? Ito ba ay pinaasim ng batang sampalok o kamias? Sinahugan ng sariwang mga gulay, at inihain sa tamang init na magpapabusog sa nagugutom at giniginaw na sikmura?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento