Huwebes, Pebrero 8, 2018

Sapat ba ang ipon mo ngayon?

Ni  MJ Gonzales


Ang pagkakaroon ng negosyo, bahay, lupa, kotse, at maginhawang buhay ay ilan lamang sa pangarap ng bawat Pilipino.  Subalit, gaano naman kaya sila kahanda na pag-ipunan ang mga ito?

Ayon sa National Baseline Survey on Financial Inclusion noong 2015 ng National Strategy for Financial Inclusion, isang proyekto ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at  12 pang ahensyang  katuwang nito, 25 porsyento ng mga Pilipino ang walang  ipon, 32 porsyento ang  huminto na sa pag-iimpok habang 43 porsyento naman ang nag-iimpok.  Saan ka ngayon kabilang rito?

‘Di makapag-ipon

Maraming posibleng dahilan kung bakit hindi nakakapag-ipon.  Ilan na rito ay nag-ugat sa nakasanayang kaugalian gaya ng pagwawalang bahala o “mañana habit” at “ningas-kugon” o sa umpisa lang masigasig.

Maaari na rin maiugnay ito sa kakulangan ng kaalaman sa pananalapi (financial literacy) at mga institusyon na pwedeng  malapitan. Subalit, ano naman kaya ang mayroon sa mga taong kumikita naman ng sapat o sobra pa at pwedeng yumaman pero sa halip ay nababaon pa sa utang? 

Ayon pa sa survey ng NSFI ay 4.4 porsyento ang mga Pilipinong may utang sa bangko habang 47 porsyento naman ang may utang sa ‘di pormal na sektor gaya ng kamag-anak at maliliit na lending companies.

Kung aanalisahin ay ang kawalan ng ipon at paghiram ng pera ay ilan sa sanhi upang maging mahirap patatagin ang estado ng pananalapi. 

Paano at magkano?

Pagdating sa pag-iimpok ay mga disiplina na maaaring sundin. Isa na rito ang 70/30 o 60/40 rule na madaling sundin lalo na ng mga nagsisimula pa lamang mag-ipon.  Ito ay simpleng pag-aatado ng perang kinita o sahod kapag nakuha na.  

Ang 60 hanggang 70 porsyento ng kita ay para sa panggastos gaya sa bayad sa ilaw, tubig, pagkain, pamasahe, at iba pa habang ang 30 hanggang 40 porsyento ay ang bahagdan na itatabi para ipunin. Ang bahagdan ay depende kung saan komportable  kaya pwedeng magsimula sa 90/10 hanggang umabot sa 50/50 kung kakayanin.

Ang pinakamahalaga rito ay disiplina na unang itabi ang 30 hanggang 40 porsyento na perang iipunin. Ito ay upang masigurado na agad ang ipon at makundisyon ang sarili na magkasya sa inilaang perang panggastos.

Sa pagbuo ng pundasyon ng personal na pananalapi (personal finance) ay ipinapayo na magkaroon ng emergency fund, retirement fund, insurance, pambayad ng utang, investment fund, leisure fund, at iba pa.

Dito magandang gamitin ang “envelope method.” Sa disiplinang ito sa pag-iipon ay gumagamit ng sobre, garapon, o anumang mapaglalagyan para mapaghiwa-hiwalay ang mga perang panggastos (expenses) at pondo gaya halimbawa ng travel fund. 

Ang pinakadapat na unahin sa lahat ng klase ng pondo ay ang emergency fund. Ito ang klase ng ipon na para sa mga ‘di inaasahang gastusin gaya ng pagkakasakit, pagpapagawa ng nasirang gamit, o pagkawala ng trabaho.  Hindi naman kailangang malaki ang emergency fund, kundi  dapat ay sapat na sa tatlo hanggang anim na buwang halaga ng buwanang gastos. 

Sunod na rito ang investment at ang napakahalagang retirement fund na ang halaga ay depende sa inaasahan mong pamumuhay sa iyong pagtanda.  Kasama rin dito ang bilang ng taon na sa tingin mo ay ikaw ay mabubuhay kapag ikaw ay magretiro na. 

Panahon o pera

Hindi lamang pera ang sangkap sa pag-iipon at katunayan ay mas mahalaga ang panahon kaysa eksaktong pera.  Kapag nagsimula ng mas bata gaya ng mga nasa 20 pataas ay kahit maliit na halaga lang basta’t tuluy-tuloy ay napakainam na.

Ang maliit na halaga basta maipon sa mahabang panahon ay lumalaki at lumalago lalo na kung nakalagak sa tamang investment na may interes. Iba na rin ang usapan kung may edad na nagsimula dahil sa rami na posibleng gastusin gaya  sa pagpapaaral, medical checkup, at iba pa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento