Martes, Enero 29, 2019

Ika-45 anibersayo ni Hello Kitty ipagdiriwang sa Sanrio Puroland



Gugunitain ng Sanrio Puroland, na kilala rin sa tawag na Hello Kitty Land Tokyo, ang ika-45 anibersaryo ni Hello Kitty sa pamamagitan ng mga serye ng selebrasyon ngayong 2019. Sisimulan ang pagdiriwang kasabay nang paglulunsad ng “Sweets Puro,” ang unang seasonal event ng theme park para sa taon.

Nagsimula ang pagdiriwang ng Puroland noong Enero 12 pati rin ng sister park nito na Harmonyland.

May konseptong “My First Kitty,” iniimbitahan ang mga Hello Kitty fans para sa isang memorable Hello Kitty experience.

Sa pagbubukas pa lamang ng theme park ay may pagkakataon na silang makilala at mabati si Hello Kitty sa Lady Kitty House na napapalamutian ng mga kulay rosas at lila. Mayroon din mga special anniversary rosettes na idinisenyo sa 45 popular na makasaysayang Hello Kitty styles mula 1974 hanggang 2017.

Iikot naman sa temang “Sweet and Strawberries” ang Sweets Puro na tatagal hanggang Marso 12. Popular ang strawberry picking sa Japan sa pagitan ng mga buwan ng Enero at Mayo.

Mayroon din bagong illumination show tampok ang kulay rosas. Tatawagin itong “Ichigo Ichie” na ang ibig sabihin ay “once in a lifetime” at galing din sa salitang “ichigo,” na nangangahulugang strawberry sa salitang Hapon. Para markahan ang event ay magsusuot ang karamihan sa mga karakter sa Puroland ng mga strawberry costumes.

Marami rin makikitang anniversary photo spots sa loob ng theme park tulad ng strawberry carriage na napapalamutian ng mga regalo para kay Hello Kitty. Makakapagpalitrato rin ang mga Hello Kitty fans sa Puroland Lady Kitty House photo studio kasama si Hello Kitty habang suot ang kanyang special 45th anniversary robe na nababalutan ng flower petals.

“Hello Kitty has been spreading joy for 45 years amongst an ever increasing fan base covering all age groups,” ani Kentaro Kawai ng Sales Department ng Sanrio Entertainment Co. Ltd., ang operator ng Puroland.

“We are grateful to all fans and visitors and want them to have a wonderful and uplifting experience at Sanrio Puroland and to feel being a part of the spirit of this celebration which is only possible because of them,” dagdag niya.

Mararating ang Puroland 30 minuto sa pamamagitan ng train mula sa Shinjuku at isang oras naman mula sa Tokyo Station. Nagkakahalaga ang ticket ng ¥3,300 para sa mga matatanda at ¥2,500 para sa mga bata tuwing Lunes hanggang Biyernes habang nasa ¥3,800 para sa mga matatanda at ¥2,700 para sa mga bata tuwing Sabado at Linggo.

Martes, Enero 22, 2019

Suwerte sa negosyo at karera, pwedeng kusang maakit?


Ni MJ Gonzales



Heto na ang Bagong Taon at uso na naman ang mga pampasuwerte. Ito rin kasi ang panahon ng pag-asam na sana’y gumanda ang takbo ng karera, pananalapi, pagnenegosyo, o ibang bagay.  Maaaring may aspeto na hindi natin hawak pero marapat nga lang ba na iasa sa lucky charms ang katuparan ng ating mga kahilingan?  Posible kayang sa halip na hintayin ang buwenas ay kusa itong dumating sa ating landas?

Karma

Ang aral sa likod ng “kung ano ang iyong itinanim ay siya mo rin aanihin” ay maraming beses na binanggit sa kasaysayan at pilosopiya.  Ito ay nakapaloob din sa “golden rule’ ng Confucian, sa Bibliya, at  maging sa paniniwala sa iba’t ibang relihiyon.

Maiuugnay din ito sa “karma” na mula sa aral ng Hinduism, Buddhism, Jainism at Sikhism.  Ang pinagkaiba nga lamang ang karma ay bunga ng masama o mabuting nagawa sa iba.  Kaya naman kung nais mong umani ng buwenas o good karma sa hinaharap ay mabuting sundin mo na ngayon ang golden rule.

Ganito rin naman ang pundasyon sa likod ng tagumpay ng mga negosyante. Ang mga kliyenteng ginawan nila nang mabuting serbisyo ay siya rin na magbabalita sa kanila sa ibang tao. Ang kanilang mga empleyado na kanilang pinakikisamahan nang mabuti ay nagbibigay nang mahusay na serbisyo para sa pag-asenso ng kanilang kumpanya.  Maliban dito ay may mga taong handang magbigay ng rekomendasyon para sa mga taong ginawan sila nang mabuti.

Serendipity

May mga magagandang bagay na biglaang dumarating na hindi mo inaakala o inaasahan na tinatawag din na “serendipity.” Subalit, sa maliit o malaki mang porsyento ay ang buwenas na dumating ay maaaring resulta ng kagagawan dati. Maaaring iyon ay isa pa lang natabunan na alaala, kakilalang nakaligtaan na, o hindi mo nakitang pagkakataon.  Kaya bagaman hindi mapanghahawakan ang hinaharap ay pwedeng mag-aya ng serendipity sa pamamagitan ng iyong gawa. Paano?

Bawat isang tao ay may kani-kaniyang galing at talino.  Mayroong mabilis na umaangat habang mayroong naghihintay ng kanilang pagkakataon.   Sa mga umangat at aangat ay hindi ibig sabihin noon ay sila na ang pinakamahusay sa kanyang larangan.  Subalit, maaaring sila ang nakilala dahil sila ang handang magpakilala.

Tulad ito ng suwerteng nakamit ng mga sikat na artista, sila man ay puno ng talent o medyo-medyo lamang. Ang rason sa kanilang suwerte ay maipapalagay na masayang aksidente o serendipity.  May nakapasok sa reality show, nanalo, at naging sikat na artista. Mayroon natagpuan sa sinehan, restaurant, o kasama lang ng isang contestant na nag- audition.  Kaya kung hindi sila lumabas sa kanilang bahay at naglakas-loob, wala rin ang suwerte.

Siyempre walang makakapagsabi kung ilan ang dapat mong makilala o ilang beses na magpakilala (networking). Pero posible may isa o ilan sa kanila ang makapagbibigay sa iyo ng oportunidad  na hinahangad o hindi mo inaasahan.  Tandaan lang na para dumami ang iyong kakilala, kailangan mo rin matutuhan na magpakilala nang mainam at kumilala ng pagkatao.

Eureka

Nagkaroon ka na ba ng sandali na napa- “aha” ka at doon nagsimula ang pagbabago sa iyong pananaw?   Ang isang tawag doon ay “eureka” na isang pagpapahayag ng kasiyahan ng mga Griyego. Nasasambit ito kapag may natuklasan o napagtagumpayang bagay. 

Maaaring hindi inaasahan ang eksaktong “aha moment” ngunit hindi ka rin darating doon nang ganun-ganoon lamang.  Maaaring nagsimula iyon sa iyong pagiging mausyoso, interesadong matututo, at dumiskubre ng bagay-bagay.  Katunayan maaaring ang kasanayan na pwede mo pa lang mapakinabangan o mapagkakitaan ay nagsimula sa interes na iyong napag-aralan.

Ang punto sa mga ito, kasama na ang “law of attraction,” ay ang suwerte ay hindi lang ayon sa tadhana, lucky charms, at kahit pa ilang beses na pagdarasal.  Ang suwerte sa karera, negosyo, o pagyaman ay pwedeng ikaw din pala ang makakagawa. Kung negatibo kang mag-isip at umaksyon, kahit nariyan na ang ipinagkaloob ng Maykapal ay balewala rin.   Kaya para masiguro mo ang buwenas mo sa hinaharap ay maging positibo sa isip, salita, at gawa. Ika nga ni Peter Drucker, “The best way to predict the future is to create it.”  
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Family budget is a family matter



Kumpara sa pansariling budget, mas mapanghamon ang pagba-budget para sa pamilya. Ang pera ay hindi na para sa isa kundi paiikutin para sa  kapakanan ng lahat. Iba pang usapan dito kung mayroong mga anak na pinapaaral, ari-ariang pinupundar, o utang na binabayaran.

Usapang regular

Mahalaga na mapag-usapan ng mag-asawa kung paano at ano ang budget ng pamilya. Papasok dito ang inaasahang araw-araw, linggo-linggo, at buwan-buwang babayaran para malaman kung magkano ang perang regular na bubunuin.  Kung may isa lamang ang bahala sa budget, napakainam kung suportado ito ng kabiyak sa pinansyal at aksyon. Mahirap din kasi mag-budget kung wala namang titipirin at hahatiing pera. Kung dalawa naman ang kumikita sa pamilya ay dapat magkasundo sila sa pagpapartehan na gastos.

Ang mga regular na binabayaran ay kuryente, tubig, telepono, internet, tuition fee, upa ng bahay (kung umuupa), insurance, at iba pa. Kasama rin dito ang alokasyon ng pera para sa pamasahe, baon, uniform, at grocery.   Humigit-kumulang ay alam ang halaga ng babayaran sa mga ito, maliban na lang kung hindi marunong sa pagtitipid ang pamilya.

Regular din at malaking bahagdan din sa family budget ang napupunta sa pagkain. Subalit isa ito sa mahirap na ikalkula dahil sa paiba-ibang presyo sa merkado, gayon din sa sistema ng paghahanda at pagtatabi ng pagkain.

The short term and long term goals

Kapag may malaking perang hawak ngayon at nabayaran na ang mga bills ay posibleng mauwi itong sobrang perang panggastos sa anumang gusto. Ito iyong mga luho o bagay na may halaga pero hindi pa naman kailangan. Pasok dito ang pagbili ng bagong damit, mobile phone, at kasangkapan. 

Ganito ang ideya kung walang isinasaalang-alang na short term at long term goals. Kapag hindi mo inisip at sineryoso ang iyong mga layunin ay madali mo rin itong makaligtaan.  Kaya ang resulta ay sala-salabat na problema sa hinaharap na apektado ang buong pamilya. Ilan na rito ay ang hindi inaasahang pagkakasasakit, pagkawala ng trabaho, matumal na negosyo, o sakuna.  

Ang isa pang dagok sa kawalan ng layunin ay paglimot sa pagbabayad ng utang. Kung ito ay utang na may interes at hindi nababayaran sa takdang oras, maaaring ang kapalit ay mahahalagang bagay sa budget.  Katunayan ay may mga pagkakataon na may naibebentang  ari-arian at napapahinto sa pag-aaral na anak dahil sa kagipitan. Kagipitang nagsimula sa  lumobong halaga ng utang.

Budget vs lifestyle

Ang isang simple pero radikal na paraan para maging kontrolado ang budget ay nagsisimula sa pagtuturo nang maayos na pamumuhay. Malaking tulong kung walang may bisyo at walang maluho sa pamilya.  Ang lingguhang pagkain sa labas pagkatapos ng pagsimba ay gastos. Subalit, mas mainam naman ito kaysa kanya-kanya ang gimik ng magulang at mga anak.

Gayon din kapag ang magulang ay magandang ehemplo at nadidisiplina ang anak pagdating sa pera, ang pagsunod sa budget ay hindi mahirap.  Bukod sa madali nilang makukuha kung bakit ay madali rin silang makikiayon sa sitwasyon. O baka nga hindi pa nila maramdaman ang krisis dahil likas na sila ay simple. Malayo ito kung ang buong pamilya ay nasanay sa pagsunod sa layaw. Mahihirapan ang pamilya kung may krisis at kung paano sila mag-budget.

Ang isa pang maganda sa simpleng pamumuhay ng pamilya ay pagkilala na wala sa materyal na bagay ang kasiyahan. Kung iuugnay ito sa pagba-budget, hindi makakagawian ng mga anak na maging maiinggitin at ikumpara ang kanilang sarili sa ibang kabataan. Kung gustuhin man nilang bumili ng bagay ay naroon ang kontrol. 

Martes, Enero 8, 2019

Tanghalang Pilipino stages ‘Manila Notes’: Hirata Oriza’s cosmos of our lives


Ni  Jovelyn Javier


“I believe this play can be relatable in any city, because when the country develops and middle-income people are increasing, they always have the same kind of problem - like women have to work or a mother or with family, who’s gonna take care of the aging parents; so all these kind of problems that we showed are relatable to whatever kind of city we do the play.”

Ito ang ibinahagi ni internationally acclaimed Japanese playwright-director at Seinendan Theater Company founder Hirata Oriza sa isang talk session pagkatapos ng isang pagtatanghal ng “Manila Notes” – ang Filipino adaptation ng kanyang award winning play na “Tokyo Notes.”

A fitting finale presentation by an ensemble cast

Itinanghal ang Manila Notes, na mula sa pagsasalin ni Palanca Hall of Famer Rody Vera, bilang 32nd season production ng Tanghalang Pilipino (TP) na kolaborasyon nito sa Cultural Center of the Philippines (CCP) at Japan Foundation, Manila.

Tampok sa naturang dula sina dating TP artistic director Dennis Marasigan, PETA actress Meann Espinosa, TP Actors Company alumna Mayen Estanero, Jonathan Tadioan, Marco Viaña, Lhorvie Nuevo,  Antonette Go, Joshua Tayco, at Manok Nellas (TP Actors Company), at mga university theater arts alumna na sina Micah Musa (University of the Philippines Los Baños), Manuel Tinio (De La Salle University), at Manjean Faldas (College of St. Benilde) na personal na pinili ni Hirata.

Fragmentary conversations in an art museum

“I would like to focus on the middle class, their feelings of loneliness and dissatisfaction. In making this play for East Asia, there’s the common theme about family. In the past, the eldest son took care of the parents – everyone else knew their place. Nowadays, the familial relationship has become more complicated – some people would carry burdens, some with guilt, so there’s this conflict within the family.”

Ginaganap ang kwento ng Manila Notes sa isang art museum sa Maynila kung saan makikita ang mga painting ng Dutch painter na si Johannes Vermeer, pagkatapos ilipat ang mga ito mula sa Europa dahil sa isang giyera sa rehiyon. Nakatakda ang dula sa taong 2034 kung saan isa nang developed country ang Pilipinas at mas may kaya na ang middle class.

Sa museo ay makikitang nagtipun-tipon ang mga miyembro ng pamilya Tenorio, mga magkaibigan at magkakilala na matagal hindi nagkita, at mga magkasintahan na nag-uusap tungkol sa samu’t saring paksa.

Nariyan ang mga itinatagong ‘di pagkakasunduan ng mga magkakapatid, sama ng loob ng isang maybahay, pamana, karera, pagpapakasal, pag-ibig, hinaharap, sa pamilya at sa pangangalaga sa tumatandang magulang.

Mula sa backdrop ng malayong giyera, mabubunyag sa mga pag-uusap ang klase ng pamumuhay ng mga Pinoy, mga problemang kinakaharap nila at kanilang mga saloobin sa isang modernong lipunan.

A YasujirĂ´ Ozu-inspired work, the contemporary colloquial theater 

“My idea was if his creation is “Tokyo Story” (1953) then why not make something a step before the story, which is “notes” so it’s Tokyo Notes. I stayed true to the structure of the story and depicted the struggles or sadness that the ordinary Japanese go through on a daily basis.”

Itinuturing ang Tokyo Story ni YasujirĂ´ Ozu na isa sa “greatest films of all time” na tungkol sa isang ageing couple, sina Shukishi at Tomi at kanilang malayong paglalakbay para dalawin ang kanilang dalawang malalaking anak sa Tokyo ilang taon pagkatapos ng giyera.

Dagdag pa ni Hirata, tila mala-dayuhang bagay ang giyera sa isip ng batang henerasyon, layon ng dula na maiparating sa mga manonood ang mga implikasyon ng isang giyera bagaman hindi man direktang apektado.

“In the world of colonization, within that is a person or people who are colonizing a group of people – that kind of relationship of colonizer and colonized also exists in our daily lives.”

Taong 1994 naman ng inilunsad ang Tokyo Notes, na isang “contemporary colloquial theater” na malayo sa istilo ng Japanese theater at walang malaking pangyayari o hidden plots, sa halip ipinapakita ang ordinaryo at pang-araw-araw na usapan na gaya sa totoong buhay.

Isinalin na sa 13 wika ang dula at nagkaroon ng adaptations sa Europe, U.S., Canada, France, at sa Asia – Seoul Notes (2004), Taipei Notes (2017) at Bangkok Notes (2017).

Nakatakda naman gawin ang international version nito sa susunod na taon at itatampok ang mga aktor mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya.



‘Awakenings’ exhibition: An artistic expanse of changes in Asian societies




Nagbukas nitong Oktubre ang “Awakenings: Art in Society in Asia 1960s-1990s” exhibition sa National Museum of Modern Art in Tokyo (MOMAT) at nagtapos noong Disyembre 24, 2018 bago ito tumulak sa South Korea  at Singapore sa susunod na taon.

Bukas naman ang MOMAT mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at may admission ticket na ¥1,200 (adults), ¥800 (university students) at libre sa mga high school students, at persons-with-disability at kanilang kasama.

Makikita ang exhibition sa Art Museum Special Exhibition Gallery ng MOMAT na matatagpuan sa 3-1 Kitanomaru-koen, Chiyoda-ku.

An exploration of different responses to shared problems

Nahahati ito sa tatlong tema: Questioning “Art”: Development of New Ways of Artistic Expression, Artists and “City”: Places Where New Arts Developed, at In Pursuit of New “Solidarities”: The Formation of Artist Collectives.

Sa una, bunsod ng paglaki ng campus activism sa mundo, sinimulan nito ang kritisismo sa modernisasyon at pagkwestiyon sa konsepto ng “art.”  At sa halip na umayon sa kilala nang pamamaraan noon gaya ng paintings at iskultura, nabuo ang mga bagong klase ng artistic expression gamit ang mga pang-araw-araw na materyales at katawang-tao.

Sentro naman ang imahe ng mga siyudad bilang “nurturing environment for artistic experiements” noong 1960s at pagkatapos ng dekada sa ikalawang tema, kung saan binago ng mabilis na modernisasyon ang pamumuhay ng mga tao. Ngunit nagkaroon naman ng mga problema sa kahirapan, consumer society, at ethnic conflicts.

Tampok naman sa ikatlong tema ang paglitaw ng mga artist groups na may adbokasiya ng pagkakaisa at mga grupong may cross-genre activities, gayon din ang “communicative power of art.” At sa paglalayong maibahagi ang realidad sa maraming tao, nadiskubre ang bagong pamamaraan ng ekspresyon ng sining nang magsimulang gumamit ng mga billboards, banners, murals, at videos.

The transitional period of modern art to contemporary art

Kulminasyon ito ng limang-taong proyekto ng MOMAT, National Gallery Singapore, National Museum of Modern and Contemporary Art Korea (MMCA), at Japan Foundation Asia Center.

Tinipon dito ang 140 obra (paintings, sculptures, prints, photographs, performances, videos, installations) ng mahigit sa 90 artists/groups na mula sa iba’t ibang panig ng Asya kabilang ang Japan, Hong Kong, South Korea, Taiwan, Malaysia, Indonesia, Thailand, India, China, Singapore, at Pilipinas.

Sa loob ng 30 dekada, marami ang naging mga kaganapan sa rehiyon dahil sa pagkakaroon ng kalayaan mula sa kolonisasyon, modernisasyon, at mga ideolohikal na kumprontasyon sa panahon ng Cold War, Vietnam War, pagbagsak ng mga rehimen, at pag-usbong ng pro-democracy movements gaya ng People Power Movement sa Pilipinas noong 1986.

Ilang halimbawa ng mga obrang tampok ang “Fullness of Time” ni Filipino artist Renato Habulan, mga posters/paintings ng United Artists’ Front ng Thailand, experimental short film na “Eyes” ni Rajendra Gour ng Singapore, at “The White Hare of Inaba” (1970/2012), isang video pieces digest ng performance group Zero Jigen ng Japan.