Ni
Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio |
TOKYO, Japan – Puspusan na ang ginagawang paghahanda
ng East Japan Railway Co. para sa pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng
Tokyo Station na gaganapin sa Disyembre 20.
Nagbukas sa publiko noong 1914,
ang Tokyo Station ang nagsisilbing central railway terminal ng kapital ng
bansa. Idinisenyo ito ni Kingo Tatsuno, ang kauna-unahang modern architect ng
bansa. Bahagya itong napinsala noong 1923 Great Kanto earthquake. Matindi naman
ang nasira sa tuktok na palapag nito ng wartime bombings noong 1945.
Dumaan sa malawakang pagsasaayos
ang red-brick Marunouchi building at muling binuksan sa publiko noong Oktubre
2012 matapos ang lima’t kalahating taon. Ngayon, ang iconic na Tokyo Station ay
naibalik na sa orihinal nitong rangya at kagandahan; ipinagmamalaki ang bagong komersyal
na pasilidad, kabilang ang hotel, gallery at underground car park.
Bilang bahagi ng pagdiriwang,
iba’t ibang kaganapan ang nakalinya tulad ng pag-decorate sa tren tulad ng sa
red-brick Marunouchi side façade na tumatakbo sa Yamanote loop line. Isang
exhibit din ang magaganap sa station gallery kung saan ipapakita ang 100 taong
kasaysayan ng operasyon ng istasyon.
Iimbitahan din ang publiko na
magsumite ng mga litrato ng Tokyo Station kung saan ang magwawagi ay
idi-display sa loob ng mga tren simula Disyembre 13.
Ipinalabas naman noong nakaraang
taon ang 100th anniversary memorial movie na “Subete wa Kimi ni Aeta
kara” (It All Began When I Met You), ang Japanese version ng Hollywood film na
“Love Actually” kung saan ang Tokyo Station ang nagsilbing backdrop.
Sa kasalukuyan, ang Tokyo Station
ang pinakamalaki at pinakaabalang istasyon ng tren sa buong bansa kung saan
umaabot sa 4,000 tren ang tumatakbo kada araw. Nasa mahigit isang milyon naman
ang mga pasaherong sumasakay at bumababa rito araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento