Linggo, Disyembre 7, 2014

Seguridad at hustisya

Ni Al Eugenio

Tulad dito sa Japan, kinakailangang mayroong maaasahang hustisya at mapagkakatiwalaang seguridad ang isang bansa upang ito ay maging maunlad.

Kung sa Amerika ay may 911, dito naman sa Japan ay may “hyaku to bang” o 110. Bakit kaya ito ang mga numerong napili upang tawagan kung may emergency? Noong araw kasi na wala pang push button na mga telepono, kailangang ipihit ang mga dial nito mula sa mga numerong nais tawagan. Ang mga numerong 1, 0 at 9 ay madaling hanapin hindi tulad ng mga numerong 7 o 4 na nasa loob ng mga dial. Tulad din ng mabilis na pag-dial ang pagresponde ng mga pulis at iba pang kinauukulan. Mayroong mga lugar dito sa Tokyo at Osaka, na sa loob lamang ng kulang sa tatlong minuto ay mayroon na agad darating na responde sa pinanggalingan ng tawag. Maging ito ay aksidente, sunog o pinagganapan ng krimen.

Dahil sa napakalaki naman ng mga bayan at lungsod sa Amerika, hindi bumibitaw ang operator ng 911 sa kausap na humihiling ng tulong habang nagmamadali ang mga rumiresponde patungo sa lugar na kailangang puntahan.

Ang mga imprastraktura na itinatayo sa mga mauunlad na bansa ay may matibay din na seguridad at may kalakip na garantiya na ang mga ito ay tatagal at may mga sistemang hindi basta-basta papalya upang hindi maging abala sa pagsulong ng progreso ng iba’t ibang industriya. Kung sakali mang may maganap na aberya, mayroon ng mga nakahandang mga pamamaraan upang masolusiyunan kaagad ang darating na problema.

Ang mga naglilingkod sa mga ganitong uri ng tungkulin ay hindi lamang naroroon upang tumanggap ng kanilang buwanang sahod ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong pagpapahalaga sa kanilang mga gawain at ito ay parte ng kanilang dangal. Dahil dito, ang mga naglilingkod sa mga ganitong gawain ay may sapat na benepisyo mula sa pamahalaan upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga tungkulin at hindi na nila gaanong iniisip ang mga pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Kung sakaling may maganap na mga katiwalian sa mga nanunungkulang ito, ang mga batas ng mauunlad na mga bansang ito ay hindi nangingiming parusahan ang mga nagkamali. Walang kai-kaibigan, walang kama-kamag-anak, walang kumpare at inaanak   at lalong walang pagtanaw ng utang na loob.

Ang mga nanunungkulan sa gawaing paglilingkod sa mga mamamayan ay mayroong kahihiyan at delikadesa sa kanilang katawan. Walang nagmamanhid-manhiran at makakapal ang mukha na kung makagagawa ng pagkakamali ay kusa nang nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin at hindi na naghihintay pa ng mas malaking kahihiyan. Alam nilang  matatalino rin ang mga mamamayan.

Tulad din sa Pilipinas, ang mauunlad na mga bansang tulad ng Japan ay mayroon rin Konstitusyon at mga batas na naaangkop sa kanilang mga nakaugalian at mga paniniwala. Pinag-usapang mabuti at pinag-aralan ng kanilang mga mambabatas at kapag naisabatas na ay ipinapatupad ng walang pinapanigan at walang kinakaawaan. Sa ganitong pamamaraan ay nagiging maayos ang paghahanapbuhay ng bawat mamamayan na siya rin nagiging dahilan kung bakit patuloy ang pag-unlad ng kanilang bayan.

Papaano natin ihahambing ang ating bansa sa mga mauunlad na mga bansang ito?  Sa kasalukuyan ay ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon ang paglaki ng ating ekonomiya. Sinasabi nila na marami na ang nakumbinsi nilang mga dayuhang mangangalakal upang maglaan ng hanapbuhay para sa ating mga mamamayan. Kung ito nga ay totoo, napakalaking tulong talaga ang magagawa nito para sa libu-libo nating mga manggagawa upang magkaroon ng trabaho. Kung totoo nga ito, baka mabawasan na rin ang ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang makapaghanapbuhay. Ngunit kung totoo nga ito, hanggang kailan naman kaya ang garantiya na magtutuluy-tuloy ang pangarap na ito.

Hanggang sa kasalukuyan, tulad din ng matagal ng kalakaran sa ating bayan, wala pa rin tayong makikitang malaking pagbabago sa pamamaraan ng ating mga nanunungkulan upang masolusyunan ang mga pangunahing problema sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga mamamayan. Mga problemang tulad ng trapik at transportasyon. Mga pangkaraniwan ng mga krimen tulad ng holdap, rape, droga at prostitusyon.

Totoo, kahit na sa mauunlad na bansa man ay may mga problemang ganito ngunit hindi katulad ng sa Pilipinas na halos araw-araw at ang karamihan ng mga nasa likod ng ganitong mga gawain ay ang mga may katungkulan din sa pagpapatupad ng batas.

Ang ating bansa ay maraming magagandang batas ngunit ang problema ay hindi ito mabuting naipapatupad lalo pa at ang uusigin ay mayaman, kilala at may mataas na katungkulan. Ang mga batas sa atin ay para lamang lalo pang pahirapan ang pangkaraniwang mga mamamayan. Mga pamamaraan na punung-puno ng tinatawag na “red tape” o mga kinakailangan upang matapos kahit na isang simpleng papeles lamang na kung dito ikukumpara sa Japan ay ilang minuto lamang ang kailangan. Ang tatlong bagay na magagawa ng isang tao sa munisipyo rito sa Japan ay baka kung sa Pilipinas ay isa lamang at abutin pa ng ilang araw.


Papaano tayo makakasiguro na magtatagal manatili sa Pilipinas ang mga dayuhang mangangalakal? Papaano na kung magbago ang administrasyon? Kung magbago ang ihip ng hangin? Wala pa rin tayong kasiguruhan na magtutuluy-tuloy ang paglago ng ating ekonomiya. Dahil sa ating bansa, hanggang ngayon, ay hindi maaasahan ang seguridad at hustisiya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento