Ni
Florenda Corpuz
TOKYO, Japan – Bigo man ang mga
pelikulang Pilipino na makasungkit ng parangal sa 27th Tokyo
International Film Festival kamakailan, nakuha naman ng mga ito ang papuri at
paghanga ng mga hurado at manonood mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Pinuri sa prestihiyosong film
festival ang pelikulang “Ruined Heart” (Pusong Wazak!) ni Khavn de la Cruz na
lumaban sa Competition section. Ito ay tungkol sa kwento ng pag-ibig sa pagitan
ng isang kriminal at isang masamang babae. Kinunan ang pelikula sa Pilipinas sa
loob ng apat na araw tampok ang Japanese superstar na si Tadanobu Asano at
Mexican actress na si Nathalia Acevedo sa sinematograpiya ng batikang
cinematographer na si Christopher Doyle.
Umani rin ng magandang papuri ang
“Above The Clouds” ni Pepe Diokno na pinagbibidahan ng rock legend na si Pepe
Smith at Kapuso star na si Ruru Madrid. Ang pelikula ay tungkol sa kwento ng
isang 15-taong-gulang na bata na nag-hiking trip kasama ang kanyang lolo at upang
malampasan ang kalungkutan nang pagkawala ng kanyang mga magulang sa isang
bundok sa itaas ng mga ulap. Lumaban ito sa Asian Future section.
“I hope our film gives people a
broader view of what our cinema is, and see some of the most beautiful parts of
the Philippines and our culture,” pahayag ni Diokno.
Naging mainit din ang pagtanggap
sa “Mula sa Kung Ano ang Noon,” ang limang oras na obra ng award-winning
director na si Lav Diaz na ipinalabas sa World Focus section ng Festival.
Ang Tokyo International Film
Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento