Huwebes, Agosto 6, 2015

Kultura at turismo ng Northern Luzon ipinakilala sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


   Ipinakilala ni Edgar Banasan sa mga lumahok ang ilan
sa mga tradisyonal na bamboo instruments ng Kalinga.
(
Kuha mula sa ASEAN-Japan Centre)
Ipinakilala sa mga Hapon ang tradisyonal na kultura, turismo at mga instrumentong musikal ng Northern Luzon sa isang seminar na ginanap sa ASEAN-Japan Centre sa Onarimon kamakailan.

Pinangunahan nina Ayaka Yamashita at Edgar Banasan, co-founders ng jewelry brand na EDAYA na ang inspirasyon ng disenyo ay nakuha mula sa mountain tribes ng Northern Luzon, ang pagtitipon bilang mga lecturers ng seminar na dinaluhan ng aabot sa 45 partisipanteng Hapon mula sa iba’t ibang lugar sa Tokyo.

Si Yamashita ay isinilang sa Fukuoka noong 1985. Nang magtapos sa kolehiyo sa University of Tokyo, nagtungo siya sa Northern Luzon upang magsagawa ng pananaliksik tungkol sa “Minority and Arts.” Dito ay nakilala niya si Banasan at matapos makuha ang kanyang master’s degree ay sinimulan nila ang EDAYA noong Hulyo 2012.

Ang tubong-Kalinga naman na si Banasan ay kilalang master of traditional bamboo musical instruments maker and player. Tumugtog na siya kasama ang Ramon Ubusan Folkloric Group at si Grace Nono.

Nagsimula ang seminar sa lecture ni Yamashita kung saan niya ipinakilala ang ethnic at cultural background ng Northern Luzon, partikular ang mga lugar kung saan namumuhay ang mga tao ng Kalinga. Tinukoy din niya ang mga pamosong tourist spots sa Northern Luzon kabilang ang Banaue Rice Terraces.

Ipinakita naman ni Banasan ang ilan sa mga traditional bamboo instruments ng mga tao ng Kalinga tulad ng balingbin (Bamboo buzzer), tongatong (bamboo tube) at olimong (nose flute).

Namangha ang mga dumalo sa galing at ganda ng tunog ni Banasan at tumaas ang kanilang interes sa Pilipinas partikular sa kultura ng mga tribo.

Bukod sa seminar, nagkaroon din ng jewelry, photo panel at traditional costume exhibit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento