Ni Rey Ian Corpuz
Isa
pa rin malaking hamon para sa sektor ng ating turismo kung papaano nito
mapapataas ang bilang ng mga bumibisitang dayuhan. Ang Japan, halimbawa, ay
kaliwa’t kanan ang mga programa tulad ng advertising sa lokal na telebisyon at
maging sa social media sites gaya ng blogs.
Hindi
naman papahuli ang Pilipinas na kung saan kamakailan lang ay naging
agaw-atensiyon ang pagpaskil ng mga magagandang tanawin sa labas ng tren ng
Yamanote Line sa Tokyo at kung international exposure ang pag-uusapan ay
maraming taxi at bus na bumabaybay sa London na kung saan nakapaskil din ang “More
Fun in the Philippines” slogan at posters.
Ngunit
ayon sa datos ng Department of Tourism noong 2014, nagtala lang ng 463,744 na
mga Hapon ang bumisita sa Pilipinas, pangatlo sa pinakamalaki sunod ng South
Korea (1,175,472 katao) at Amerika (722,750 katao).
Kung
ating ikukumpara sa mga kapitbahay natin sa ASEAN, medyo kulelat po tayo. Ang
mga turistang Hapon sa Thailand ay umabot ng 1,265,307 noong 2014, sa Vietnam
ay umabot ng 647,956 at Indonesia na nasa 620,722 katao.
Bakit
kaya? Marami namang Pilipino rito sa Japan. Sigurado akong karamihan sa atin ay
mga tourist ambassadors kung saan ipinagmamayabang natin ang ating bansa. Tama
ba? Pero sa pamamalagi ko rito ng halos pitong taon, may nakikita akong
problema na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos.
1.
Walang direktang eroplano papunta sa destinasyon.
Sa totoo lang, lahat ng mga Hapon na kilala ko ayaw nang magpalipat-lipat ng eroplano.
Gusto nila ay kung ano iyong pupuntahan nila na lugar ay doon lang. Sa ngayon
ang NAIA lang sa Manila at Mactan sa Cebu ang may direktang flights mula sa
Japan. Kung ibibida natin ang Boracay na worldclass resort, kailangan nilang
mag-domestic flight mula sa NAIA o sa Cebu. Sa Japan, “time is platinum.” Hindi
basta-basta nakakapagbakasyon ang mga tao at kung pwede man, gusto nila hindi “mendokusai”
at mabilis.
2.
Poor transportation infrastructure. Isa ito sa
mga reklamo ng aking kaibigan. Sabi niya, mas kaya pa raw niya na pumunta ng
Paris nang mag-isa. Papaano naman ay galing airport hanggang sa hotel ay kaya
niyang mag-tren. Kagaya na lang dito sa Japan, kahit saang major international
airport ka dumaong, kaya mong pumunta kahit saan sa pamamagitan ng tren o bus o
hindi kaya ay fast craft gaya ng sa Kansai. Sa Pilipinas, kailangan mong
pumakyaw ng taxi, swerte ka lang kung hindi ka lolokohin sa presyo. Walang bus
sa atin sa Pilipinas na pwedeng sakyan ng mga turista galing airport at lalong
walang tren.
3.
Manlolokong taxi drivers. Lalung-lalo na sa
Metro Manila. Kahit ordinaryong Pilipino ay walang sinasanto ang mga taxi
drivers. May mga mabubuti naman din na mga driver pero karamihan namimili ng
pasahero, hindi ginagamit ang metro, pakyaw system, humihingi pa ng dagdag at
marami pang iba.
4.
Kulang sa value-added services ang mga bakasyunan.
Halimbawa, dito sa Japan, kung gusto nilang magbakasyon tulad ng onsen, ay may
ibang activities na pwedeng gawin ang mga Hapon sa isang resort tulad ng pagpapamasahe
o sightseeing sa lugar na malapit sa hotel. Sa Pilipinas, ‘pag dagat, dagat
lang. Iyong iba siguro ay may mga restaurants pero karamihan kulang ang
serbisyo. Maliban sa main activity, dapat ang mga resorts sa atin ay may mga
sub-activities din na pwedeng i-offer sa mga bisita.
5.
Kultura ng panloloko sa mga dayuhan. ‘Di porket
dayuhan ang customer ay bigla mong tataasan ang presyo ng iyong serbisyo o
paninda. Ito ay malaking pagkakamali ng mga Pilipino. Dapat maging tapat tayo
sa pagnenegosyo. Hindi porket may pera sila ay ibig sabihin mayaman sila. At
hindi porket hindi nila alam ang ating lenggwahe ay pwede na natin silang
lokohin.
6.
Kulang sa cultural at heritage sites. Mabibilang
lang sa mga daliri ang ating UNESCO World Heritage sites tulad ng sa Bohol at
Vigan. At karamihan pa nito ay puro simbahan lang. Kung pupunta ka sa siyudad,
puro lang malls ang mapupuntahan mo. Kulang na kulang tayo sa park at mga
pasilidad na nagpapakita ng ating kultura tulad ng mga museo. Ang mga Hapon ay
hindi pupunta sa Pilipinas kung ipapagmayabang mo lang ang SM Mall of Asia at
Ayala Mall. Ang kakulangan ng mga ganitong kaakit-akit at magandang tanawin na
pwedeng bisitahin ang isa rin sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang mga
dayuhan lalo na ang mga Hapon na bumisita sa ating bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento