Cesar Santoyo
Nabalitaan na marahil mula sa radyo,
telebisyon at pahayagan at maaaring napanood rin ang kasaysayan sa nobelang pang-telebisyon
ang buhay ni Efren Penaflorida, ang CNN Hero of the Year 2009. Kinilala sa
buong mundo ang “Kariton Klasrum” ni Efren dahil sa pagsisigasig ng programa na
mabigyan ng pagkakataon sa edukasyon ang mga batang hindi nakakapag-aral sanhi
ng maraming kadahilanan na nag-ugat sa kahirapan.
Isang edukador si Efren kaya nang
siya ay inanyayahan para magsalita sa Fukuyama Ken ay kinuha na rin ang
pagkakataon na makadaupang-palad niya ang kanyang mga kapwa edukador at mga
Pilipinong guro ng wikang Ingles sa Japan.
Sa paksang “Teaching With The Heart”
na inihanda ni Efren para sa SEELS English Teachers Training ay lumapat ang
ugnayan ng buhay nating mga Pilipino maging ikaw ay nasa sariling bansa o nasa
ibayong dagat. Higit sa lahat ang puso sa pagiging gurong Pinoy.
Sa pagsasalaysay ni Efren sa
SEELS English Teachers training sa Nagoya noong ika-5 ng Hulyo ng kasalukuyang
taon ay nakita ang kanyang pangingilabot sanhi ng trauma na sinapit na ‘di
maiwasang balikan at sabihin ang madilim na nakalipas sa istorya ng kanyang
buhay. Ito ay ang nagbigay liwanag niyang karanasan kung papaano nasimulan ang
Kariton Klasrum.
Sa murang edad ay nabiktima si
Efren ng “bullying,” mga masasakit na salita at pisikal na pananakit ang
kanyang natanggap, at dahil dito ay nawalan na siya ng gana na pumasok sa eskuwela.
Dagdag pa ni Efren, mas ninais na niya noon na sumali at sumama na lamang sa
mga pagsasanay ng mga gangster upang makaganti.
Sa kabutihang palad ay may isang
instrumento sa buhay ni Efren na nagbigay gabay at inakay siya sa tamang daan.
Dahil sa karanasang ito ay nakita niya ang kanyang sarili na umaakay sa tamang
landas sa mga batang kalye na nasa pingid ng madilim na kinabukasan.
Sinimulan ni Efren ang pagtutulak
ng kariton na may lulan na mga libro at mga gamit sa pag-aaral at pagtuturo
para abutin ang mga batang pinapabayaan ng lipunan. Bumagyo man o umaraw,
murahin sila at kutyain sila bilang mga luko-luko, batuhin upang tumigil o
gambalain ang pag-aaral sa Kariton Klasrum ng mga bata at ilan pang pagsubok ay
hindi natinag si Efren sa kanyang hangarin na makatulong sa mga bata. Ang lahat
ng karahasan at pangmamaliit sa pagkilos para tulungan ang mga paslit ay
natigil lamang pagkatapos na si Efren ay hirangin bilang 2009 CNN Hero of the
Year.
Malalim ang sinapit na trauma sa
bullying ni Efren. Sa kanyang presentasyon sa mga guro ng Ingles ay
kinikilabutan siyang ipaalam na ang lider ng gang na nag-bully sa kanya ay kanyang
muling nakita. Ito ay si Allan Sarte na ginawaran ng Geny Lopez Jr. Kabataan
Bayaning Filipino Award ng taong 2006. Lingid sa kaalaman ni Efren na si Allan
ay isa rin sa mga naakay tungo sa tamang landas ng kaparehong tao bilang
instrumento na humubog sa kanilang dalawa. Kay Efren sa pagsisilbi sa mga
batang kalye at kay Allan sa paninilbihan sa mga nakabilanggo.
Suliranin ng mga magulang at ng
mga kabataang Japanese-Filipino ang bullying at mga gang. Ilan buwan pa lamang
ang nakakaraan ng nalathala sa mga balita ang isang teenager na
Japanese-Filipino na naakusahang pumatay sa isang batang Japanese sa Kawasaki.
Batay sa karanasan ni Efren at ng marami pang iba, ang bullying at gangsterismo
ay maaaring maiwasan kung sakaling may mga butihing loob na mamagitan para
akayin sa tamang landas ang mga batang napapariwara.
Sa press conference ni Efren na
idinaos sa Tokyo Philippine Embassy noong ika-6 ng Hulyo ay may isang
mamamahayag na nagtanong kung ano ang maitutulong ni Efren sa mga batang
Japanese-Filipino at mga magulang nito. Bilang tugon ni Efren sa madaling
salita, tayong lahat ay may angkin na kabayanihan sa ating saloobin na dapat
ibahagi.
Lingid sa kaalaman ni Efren sampu
ng ating mga kababayan sa Japan ay marami sa mga batang Japanese-Filipino ang
may magkaparehas na karanasan sa bullying at gangsterismo. Ang ma-bully at ang
mga gang ay malawak na suliraning hinaharap ng mga batang Japanese-Filipino na
laganap sa buong Japan. Isang sakit na hindi nararamdaman ang sintomas at
lumalabas na lamang pagkatapos na nakagawa ng matinding krimen kagaya halimbawa
ng sinapit ng anak na Japanese-Filipino na nalulong sa gangsterismo sa
Kawasaki.
Wika nga ang sakit ng
kalingkingan ay dama ng buong katawan. Dama natin subalit hindi nakikita ang
mga batang Japanese-Filipino na namumuhay sa trauma ng bullying at
gangsterismo.
Malaking bilang na rin sa ating
mga kababayan ang nagtuturo ng English sa mga batang Japanese. Subalit halos
karamihan yata sa ating mga guro ng Ingles ay nakatingin lamang sa pagtuturo
bilang kabuhayan at nakatuon sa may pambayad na anak ng mga Japanese. Para bang
wala pa yata tayong narinig na Pilipino na gustong mag-training para maging
guro para sa komunidad ng mga batang Japanese-Filipino.
Kung sakaling mayroon man na
magkainteres sa batang Japanese-Filipino ay para ito pakantahin, pasayawin,
paartehin at pagtindahin ng tiket na pang fund-raising daw sa mga
nangangailangan at naghihirap sa Pilipinas. Kaya rin marahil ang mga batang
Japanese-Filipino ay malayo ang loob sa mga ina at maging sa mga kasapi ng
komunidad ng Pilipino. Sapagkat salat na nga lamang ang may puso na magturo sa
tamang landas at mas marami pa yata ang mga nagsasamantala sa lakas at talino
ng mga batang Japanese-Filipino.
Sa pagsasalamin sa Teaching With
The Heart ni Efren sa mga kababyan natin na guro ng Ingles ay marami tayong
aral na mahahalaw. Sabi nga ni Efren ay may kabayanihan sa kaibuturan ng ating
puso. Subalit ang kabayanihan ay nasa sarili mong kinatatayuan at mula sa iyong
pinanggalingan. Marahil ang tunay na kabayanihan sa puso ng mga Filipino sa
Japan ay kung sa pakikipagkapwa ay unang pagtutuunan ng pansin ang kinabukasan
ng ating mga batang Japanese-Filipino na pag-asa rin ng ating bayang tinubuan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento