Miyerkules, Hulyo 31, 2013

Miss Philippines-Japan 2013 pre-pageant night ginanap sa Tokyo


Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio
Matagumpay na ginanap ang prestiyosong pre-pageant night ng “Miss Philippines-Japan 2013” sa New Japan Club sa Shinjuku kamakailan sa pangunguna ni
Dabawenyos’ Organized Society Japan (DOS-J) founder Joseph Philip Quitain Banal.

Labing-apat na naggagandahang dilag mula sa iba’t ibang sulok ng Japan ang opisyal na ipinakilala na siyang magtatagisan ng talino’t ganda para sa titulong “Miss Philippines-Japan 2013” sa isang engrandeng pagtatanghal na gaganapin sa Agosto 18 sa lungsod ng Yokohama.

Kabilang sa mga kandidata sila Sheryl Lenie Esumi ng Shizuoka-ken, Yuuki Du Sonoda ng Chiba-ken, Mai Patawaran, Kaori Sta. Ana Ebihara at Nika Maling Okaochi ng Kanagawa-ken, Mariz Jean Bautista Solano ng Gifu-ken, Sayaka Sebastian ng Nagano-ken, Dayanara Argarin Polangcos ng Saitama-ken, Marina Molina Asano, Yuuki Ponteras Akimoto, Midori Naviamos Sakurai, Seira Castro Suzuki, Naomi Bernardo Takahashi at Mayu Eustaquio Murakami ng Tokyo.

Nagpakitang-gilas sa pag-rampa ang mga kandidata nang sila ay ipakilala sa mga manonood. Nagpasiklaban din ng husay sa pagkanta, pagsayaw, pag-arte, pagpinta at pagtugtog ang bawat isa sa kanilang talent portion.

Naging mas espesyal ang gabi nang magtanghal ang ilang miyembro ng DOS-J. Pinalakpakan si Carol Inagaki sa kanyang sariling rendisyon ng Tina Turner hit na “Addicted to Love” na sinabayan pa ng kanyang funny antics.

 Bukod sa pinaglalabanang titulo, may tatanghalin din na “Miss Luzon”, “Miss Visayas”, at “Miss Mindanao”. Mayroon din bibigyan ng special awards na “Best in Talent, “Best in Evening Gown”, “Best in Yukata” at “Best in Swimwear”.

Kabilang sa mga hurado ng patimpalak ay sina Madame Maria Teresa Lopez, Captain at Philippine Navy Defense and Armed Forces Attaché Samuel Felix, Erika Nakazato, Daisy Jumilla at Chie Koshida. 

Nagbigay naman ng mainit na pagbati si Ambassador Manuel M. Lopez samantalang nagpahayag naman ng pasasalamat at pagtanggap sa mga panauhin si DOS-J founder Joseph Philip Quitain Banal.

“Noong una ako ay napaisip kung magtatagumpay ang proyektong ito ng DOS-J pero ngayon sa ikalawang taon nito ay may 14 na kandidata, nakakatuwang may general acceptance na from all over Japan,” pahayag ni Ambassador Lopez. 

“Kung mahusay ang ating kandidata, Madame Lopez will not be reluctant to endorse our candidate to Mrs. Stella Araneta,” dagdag pa ng ambassador.

Ito ang ikalawang taon ng patimpalak na bahagi ng taunang Kadayawan Festival sa Tokyo na ino-organisa ng DOS-J. 

Nagsilbing hosts ng gabi sina Ana Margarita Teodoro at Sharon Francisco.


Hanabi 2013: Japan’s Summer Spectacle

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Tuwing panahon ng tag-init, pinananabikan sa buong Japan ang “hanabi” o fireworks display na ginaganap sa mga buwan ng Hulyo at Agosto. Bahagi ang hanabi ng mga masasaya at makukulay na pagdiriwang ng “matsuri” o festivals kung saan ito ang pinakatampok na atraksyon. 

Malaki ang papel na ginagampanan ng hanabi sa kulturang Hapon. Sa katunayan, pinaniniwalaang ito ay nakakapagtaboy ng mga masasamang ispiritu. Ang kasaysayan ng hanabi ay nagsimula noong Edo period (1603-1867) kung saan dalawang sikat na pyro technicians, sina Tamaya at Kagiya, ang nagpakitang-gilas sa isang fireworks festival na ginanap sa Ryogoku Bridge (Sumida River). Kamangha-mangha ang ipinamalas nilang husay na nagbigay-daan upang sila ay kilalanin sa buong Edo at pakaabangan ng mga tao ang kanilang tagisan taun-taon. Magpahanggang ngayon ay maririnig na isinisigaw ng mga Hapon ang mga katagang “Tamaya!” at “Kagiya!” sa tuwing sila ay makakapanood ng nakakamanghang fireworks show. 

Sinasabing ang hanabi sa Japan ay isa sa pinakamagandang fireworks display sa buong mundo na dinarayo ng libu-libong lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga popular na fireworks shows na karaniwan nang dinadagsa ay ang Sumida River Fireworks na pinakamatanda at pinakasikat na fireworks show sa Japan kung saan umaabot sa 21,500 fireworks ang masisilayan; at ang Tokyo Bay Fireworks na nagtatampok sa higit sa 12,000 fireworks shells na ginaganap sa hilagang bahagi ng Rainbow Bridge at mapapanood sa iba’t ibang bahagi ng Odaiba.

Nariyan din ang Omagari National Fireworks Competition na isa sa mga nangungunang fireworks competition sa bansa kung saan pawang mga magagaling na pyrotechnic teams ang naiimbitahan; Nagaoka Fireworks sa Niigata na isa sa pinakamalaki sa buong Japan; ang Miyajima Fireworks na itinuturing na paboritong fireworks show ng mga litratista;  ang Minato Kobe Fireworks Festival, Okazaki Summer Fireworks Festival, Lake Suwa Fireworks Festival, Takasaki Festival at marami pang iba pa. 

Daan-daang libong fireworks shells na may iba’t ibang kulay, hugis at anyo ang ginagamit sa mga fireworks shows na ito. Isa sa pinakatampok ay ang Yonshakudama, ang pinakamalaking single firework shell sa buong mundo na may sukat na 48 inches sa diameter at may bigat na 930 pounds na kinilala pa ng Guiness Book of Records. Nariyan din ang Niagara sparklers na ipinupwesto sa ilalim ng mga tulay at nagiging hugis puso, smiley o cartoon character kapag sumabog.

Bukod sa hanabi, atraksyon din ang mga manonood na nakasuot ng traditional “yukata” o summer kimono na gawa sa cotton at ang mga kalyeng puno ng mga food stalls kung saan makakabili ang mga paboritong Japanese snacks tulad ng yakisoba, takoyaki, kakigori (shaved ice) at iba pa.

Kaiba man sa Pilipinas at ibang bansa kung saan tuwing Bagong Taon makakakita ng mga naggagandahang fireworks displays, sa Japan ay pangkaraniwan na itong panghalina sa panahon ng tag-init. Bukod sa kahalagahang pang-kultura nito, ang hanabi rin ay isang paraan para magsama-sama ang mga magkakapamilya at magkakaibigan.

Narito ang listahan ng ilang fireworks shows sa Japan na hindi dapat palampasin ngayong taon, ang karamihan ay libre para sa lahat habang ang iba naman ay may bayad:

Koto Fireworks Festival
Agosto 1
Arakawa-Sunamachi-Mizube Park

Kanagawa Shinbun Fireworks Festival
Agosto 1
Rinkou Park, Minato Mirai, Yokohama

Edogawa-ku Fireworks Festival
Agosto 3
Edogawa Riverside

Ichikawa City Nohryo Fireworks Festival
Agosto 3
Edogawa

Itabashi Fireworks Festival
Agosto 3
Arakawa riverside

Koga Fireworks Festival
Agosto 3
Koga City, Ibaraki

Tokyo Bay Grand Fireworks Festival
Agosto 10
Harumi Pier

Utsunomiya Fireworks Festival
Agosto 10
Utsunomiya, Tochigi

Kumagaya Fireworks Tournament
Agosto 10
Kumagaya City, Saitama

Kawasaki City Fireworks Festival
Agosto 17
Tamagawa Riverside

Chofu City Fireworks Festival
Agosto 24
Tamagawa Riverside


Martes, Hulyo 30, 2013

Philippine School sa Japan


Ni Al Eugenio

Kahirapan ang nagbunsod sa marami nating kababayan na mangibang-bansa upang maitaguyod at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Bagamat kulang sa karanasan, sinuong nila ang hirap at panganib ng pagdadayuhan. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin silang nakangiti na parang hindi iniinda ang nararamdamang pagod at kalungkutan. 

Dahil sa kakulangan ng tamang kaalaman at disiplina sa aspetong pang-pinansiyal, marami pa rin ang hanggang ngayon ay patuloy na nakikipagsapalaran sa legal o illegal man na paraan. Sa Japan, maraming mga OFWs na dito na permanenteng namamalagi dahil sa mga nabuong pamilya na bunga ng Filipino-Japanese marriage. Sa katunayan, pangatlo ang mga Pilipino sa dami ng bilang ng mga dayuhang nasa Japan, kasunod ng Koreans at Chinese. 

Tuwing umaga, patungo sa ating mga opisina o kaya naman sa hapon upang mamili ng ihahain para sa hapunan ay siguradong makakasalubong tayo ng mga batang patungo o kaya naman ay galing sa kani-kanilang paaralan. Kung inyong mapapansin habang tumatagal ang paninirahan natin dito sa Japan ay lalong dumarami ang mga kabataan na may halong lahi. Nakakatuwang pagmasdan dahil tila balewala ang pagkakaiba ng hugis ng kanilang mga mukha at kulay ng balat. Kasama sa mga estudyanteng ito ang mga kabataang may dugong Pilipino na dito na lumaki at nagkaisip.

Karamihan sa mga kabataang Filipino-Japanese ay sa mga Japanese public schools nag-aaral. Subalit ang mga magulang naman na nakakaangat sa buhay ay mas pinili ang international schools upang matuto ng ng wikang Ingles ang kanilang mga anak na maaaring makatulong pagdating ng panahon sa kanilang paghahanap ng trabaho. 

Ngunit para sa marami nating mga kababayan, ang mapag-aral ang kanilang mga anak sa isang international school na lubhang napakamahal ay suntok sa buwan. Kaya naman nakakalungkot na marami sa mga kabataang Pilipino dito sa Japan ay salitang Hapon at konting Filipino lamang ang tanging alam. 

Nakakapanghinayang na kahit ang iba sa kanila ay natuto ng Ingles, bilang may dugong Pilipino, patuloy silang nabubuhay na unti-unting nalalayo sa pagiging Pilipino. Napakararami sa kanila ang sabik na maging bahagi ng masayang kultura natin. Ang maintindihan ang ating mga biro, ang mga kahulugan ng ating mga awitin at ang marami pang bagay na tanging mauunawaan lamang kung lumaki sa paraan ng mga Pilipino. Hindi ba nakakalungkot isipin na ang mga kabataang ito ay hindi nakakaunawa ng masasayang bahagi ng ating kultura?

Marami ang nagsasabi na ang pagkakaroon ng Philippine school ay isang paraan upang mailapit sa ating kultura ang ating mga kabataang Pilipino na naririto sa Japan. Kung iisipin, bakit kaya tila napakadali para sa mga Koreans, Chinese, Indians, British at iba pang nasyonalidad na magbukas ng mga international schools dito? Siguro kung lahat ng Pilipino sa Japan ay magkakaisa at kung tutulong ang pamahalaang Pilipinas sa pamamagitan ng ating Embahada ay magagawan ng paraan na magkaroon ng Philippine school dito. 

Totoo, panahon na upang magkaroon ng sariling paaralan para sa mga Pilipino dito sa Japan, subalit taliwas sa akala ng marami, ang parang napakadaling deklarasyon na ito ay hindi ganoon kadali ipatupad. Maraming bagay ang dapat na isaalang-alang. Nariyan ang kinakailangang pera upang makapagpatayo o makaupa man lang ng gusali na magiging paaralan, ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng lamesa, upuan, lugar na makakainan, lugar na mapaglalaruan. Mga gastusin sa mga bayarin sa gas, kuryente, tubig at telepono. Mga staff tulad ng tagapaglinis at tagabantay at higit sa lahat magagaling na mga guro. 

Ang lugar kung saan itatayo ang paaralan ay importanteng isyu rin na dapat bigyan ng kahalagahan sapagkat alam naman natin na partikular ang mga Hapon pagdating sa pag-iingay. Napakahalaga para sa kanila ng katahimikan. Kaya naman kung ating mapapansin maluluwang ang bakuran ng mga paaralan dito para hindi naiipon ang idinudulot nitong ingay.

Marahil marami ang magsasabi na ang mga mag-aaral ay magmamatrikula naman at mula sa matrikula nila kukunin ang mga kakailanganing gastusin. Totoo, ngunit magkano naman kaya ang nararapat na maging matrikula ng mga mag-aaral na hindi naman magiging mabigat para sa kanilang mga magulang, at ang paaralan ba ay maaaring kumita ng sapat upang maipagpatuloy ang operasyon ng institusyon?

Sa pananaw ng iba ay hindi naman kinakailangan na kumpleto agad ang mga antas sa bubuksang paaralan. Maaaring magsimula sa mga Philippine Nursery o Day Care Center para na rin makatulong sa mga magulang na parehong naghahanapbuhay. Maaari rin naman na para sa elementarya o high school muna kung saan ang curriculum sa Pilipinas ang sinusunod. Maaari rin na magkaroon ng isang paaralan na ang ituturo ay tungkol lamang sa wikang Filipino at tungkol sa ating mga kultura na hindi kailangang mamili ng edad o nasyonalidad. 

Kung sakaling magkaroon ng katuparan ang pangarap na ito, maaari itong magdulot ng pagbabago sa pananaw ng lipunang Hapon sa ating mga Pilipino. Hindi lamang marami ang matututuhan sa atin ang mga kabataang Pilipino na dito na lumaki, kung hindi tayo rin na hindi masyadong nakakaunawa sa kultura ng Japan ay may matututuhan mula sa kanila.

Marami pa ang mga suliranin na kakaharapin bago magkaroon ng Philippine school sa Japan ngunit sana ay dumating ang panahon na ang bawat isa sa atin ay magkaisa at makahanap ng paraan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino dito na mas maunawaan ang kulturang kanilang pinagmulan. 

Sec. Alcala, hinimok ang OFWs na mamuhunan sa agribusiness


Ni Florenda Corpuz


“Hinihikayat ko ang mga OFWs na maglaan ng kanilang kita at mag-negosyo sa agrikultura sa kanilang mga probinsya upang mabigyan ng magandang pagkakakitaan ang kanilang pamilya at makatulong sa pag-unlad ng ating kanayunan”, ito ang panawagan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso J. Alcala sa agribusiness investment forum na idinaos sa Multi-Purpose Hall ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo kamakailan. 

Hinimok ng kalihim ang mga dumalong Overseas Filipino Workers (OFWs) na mamuhunan sa pagsasaka at pangisdaan sa Pilipinas.

Iprinisinta nina Alcala at mga kasamang opisyal ng kagawaran ang agribusiness program na ginawa bilang bahagi ng National Re-integration o Balik-Manggagawa Program ng administrasyong Aquino. Sa kanilang presentasyon, tinalakay ang iba’t ibang oportunidad sa agrikultura (crops, livestocks at fisheries) at ang malaki nitong business potential sa mga gustong mamuhunan. Kabilang rin sa agribusiness program na ito ang pagbibigay ng ahensya ng libreng tulong teknikal at pagbibigay ng suporta sa mga negosyo na sisimulan ng mga OFWs upang makapasok sa merkado.

Sa ginanap na forum, namigay ng modules sa mga OFWs kung saan nakalagay ang mga impormasyon tulad ng pagtatayo ng negosyo sa agri-fishery kasama na ang start-up capital, viability of location, market, prevailing costs at return on investments. 

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga OFWs na interesadong mag-negosyo na humingi ng payo mula sa mga eksperto galing sa DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS), Livestock Development Council (LDC) at Bureau of Plant Industry (BPI).

Umigting din ang interes ng daan-daang dumalong OFWs sa agribusiness nang magkaroon ng raffle kung saan iginawad ng mga opisyal ng kagawaran sa mga maswerteng nanalo ang mga premyong start-up packages ng crop seedlings, fingerlings at goat/sheep livestock kung saan ide-deliver sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Alcala, ang proyektong ito ng DA ay bahagi ng pasasalamat ng administrasyong Aquino sa mga OFWs na may malaking ambag sa ekonomiya ng Pilipinas. 

“Sa pag-asenso ng ating bansa, wala na dapat maiwanan. Lumingon at magpasalamat sa mga OFWs at pakinabangan nila at ng kanilang mga pamilya ang kanilang mga pinagpaguran sa kanilang pangingibang-bansa,” ani Alcala.

“Bilang isang dating OFW, sinasabi ko sa inyo na may mangyayari rito. May pera rito at malaki ang kita rito. Wala nang sasarap sa bumalik sa sariling bansa kasama ang pamilya at may pagkakakitaan,” dagdag pa ng kalihim.

Samantala, malaki rin ang pasasalamat ng mga OFWs na dumalo sa forum. Ayon sa kanila, maaari na silang umuwi ng Pilipinas at magsimula ng negosyo sa sariling bansa.

Ang agribusiness investment forum ay proyekto ng DA sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ito ay bahagi ng PhP2 billion OFW Re-integration at agribusiness program na inilunsad kamakailan ng dalawang ahensya. Layunin nitong hikayatin ang mga OFWs at kanilang pamilya na bumalik sa pagsasaka at makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya sa bansa. Hangad din ng proyektong ito na makamit ng Pilipinas ang seguridad sa pagkain. 

Ito ang pang-anim na forum na inorganisa ng DA kabilang na ang ginanap na forum sa United Arab Emirates, Italy, Singapore at Hong Kong.

Lunes, Hulyo 29, 2013

75 undocumented OFWs sa Japan, deported


Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio

Tinatayang 75 Pinoy deportees na lumabag sa immigration laws ng Japan ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng isang chartered plane ng Japan Airlines kamakailan.

Dumating sa NAIA ang mga deportees kung saan 54 ang lalake, 13 ang babae at walo ang bata. Maliban sa mga babae at bata, nakaposas na dumating ang mga lalakeng deportees na bahagi ng standard operating procedure ng pamahalaang Hapon sa tuwing may mga dayuhan na idine-deport.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Asstistant Secretary Raul Hernandez sa isang press briefing na ang mga nasabing deportees ay ang unang batch ng mga undocumented OFWs sa Japan na pinauwi sa Pilipinas bunga ng mass deportation tactic ng pamahalaang Hapon. 

Ayon pa kay Hernandez, ang mga undocumented OFWs na may malubhang karamdaman, may mga kamag-anak sa Japan at may mga nakabinbing kaso sa korte ay hindi kabilang sa deportation. Sinabi rin niya na ang mga Pilipino ang pangatlo sa bilang ng mga dayuhan na may pinakamaraming immigration violations sa Japan kasunod ng mga South Koreans at Chinese.

“Prior to the deportation of the 75 Filipinos by chartered flight, there were over 200 Filipinos in Japanese immigration centers, constituting the highest number of foreign nationals detained in these centers,” dagdag pa ni Hernandez. 

Samantala, ayon sa pahayag ng Migrante-Japan ang mga nabanggit na deportees ay pwersahang kinuha mula sa mga detention facilities umaga ng Hulyo 6 kung saan ang iba ay nakapantulog pa. Sila ay sinakay sa bus patungong Narita International Airport. 

Itinanggi naman ni Philippine Embassy to Japan Consul General Marian Jocelyn Tirol-Ignacio sa panayam ng GMA News Online ang mga alegasyon na target lamang ng ongoing crackdown ng pamahalaang Hapon ay ang mga undocumented OFWs.

“This year, Japan decided to deport undocumented persons without their consent. The ‘forced’ deportations were already public knowledge,” pahayag ni Ignacio sa panayam ng GMA News Online.

Sinabi rin ni Ignacio sa panayam naman ng Pinoy Gazette na may seminar na ibinibigay ang Embahada sa mga OFWs na nananatiling nakapiit sa mga detention facilities. Tinatalakay dito ang pang-ispiritwal, pang-emosyonal at pampinansiyal na aspeto ng buhay ng mga detainees at ang re-integration program ng pamahalaang Aquino na naghihintay sakaling sila ay mapauwi ng Pilipinas. 

Sinamahan ng mga Japanese immigration officials, interpreter, doctor at mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Japan ang mga deportees. Prinoseso ang kanilang mga dokumento sa tarmac ng NAIA kung saan sila ay sinundo ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs, Bureau of Immigration, Overseas Workers Welfares Administration at Department of Social Welfare and Development. 
Naglaan ng 30 million yen ang pamahalaang Hapon para sa mass deportation tactic na sinimulan ngayong taon. Ayon sa Immigration Bureau of Japan, ang paggamit ng chartered plane ay mas mura at hindi makakaabala sa pangkaraniwang pasahero ng mga commercial flight.

Aabot sa 62,000 ang illegal immigrants sa Japan kung saan 5,700 ay mga Pilipino.  

Lunes, Hulyo 8, 2013

12 song finalists at interpreters ng Philpop inihayag na



Inilabas kamakailan ng PhilPop Music Fest Foundation ang opisyal na listahan ng singers na magbibigay buhay sa mga bagong koleksyon ng magagandang kanta para sa PhilPop songwriting contest. 

Isa’t kalahating taon pa lamang simula ng mailunsad ang Philpop songwriting contest na pinangungunahan ng negosyanteng si Manuel Pangilinan at mga haligi ng musika sa bansa gaya nlai Ogie Alcasid, Noel Cabangon at Maestro Ryan Cayabyab. 

“Your theme, your genre, your song” ang tema ngayong taon at nakapagtala ito ng 3,383 entries hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. 

Ang 12 song finalists at interpreters’ nito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: “Araw, Ulap, Langit” ni Christian Bautista (panulat ni Marlon Barnuevo), “Sa’yo Na Lang Ako” ni Karylle (panulat ni Lara Maigue), “Dati” nila Sam Concepcion, Tippy Dos Santos at Quest (panulat ni Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana), “Space” ni Kean Cipriano ng Callalily at Kleggy ng Banda ni Kleggy (panulat ni Raffy Calicdan), at “Sana Pinatay Mo Na Lang Ako” ni Kimpoy Feliciano (panulat ni Myrus Apacible).

Napabilang din ang “Time Machine” ng Six Part Invention (panulat ni Kennard Faraon), “Segundo” ni Yael Yuzon ng Sponge Cola (panulat ni Paul Armesin), “Papel” ni Joey Ayala, Gloc-9 featuring Denise Barbacena at Silverfilter (panulat ni Joey Ayala), “Sometimes That Happens” ni Ace Libre ng Never the Strangers (panulat ni Nino Regalado at Adrienne Sarmiento-Buenaventura), “Kung Di Man” ni Ney Dimaculangan (panulat ni Johnoy Danao), “Pansamantagal” ni Sitti at Julianne Tarroja (panulat ni Jungee Marcelo) at “Askal” ni Jose at Wally (panulat ni Ganny Brown). 

Maririnig ang top 12 songs sa mga sikat na radio stations para ipakilala sa publiko ang mga bagong kanta at para hikayatin ang marami sa patuloy na paggawa ng mga magagandang kanta. 

Para mapakinggan ang mga kanta, pumunta lamang sa www.philpop.com.ph, PhilPop Music’s YouTube, Facebook, ibang social media pages at partner sites. 

Ang mananalo ay mag-uuwi ng 1M pesos at isang limited edition na Ramon Orlina glass trophy. 


Linggo, Hulyo 7, 2013

Music Bits: Nyoy Volante, Bamboo at Alden Richards, may bagong album



 “Tuloy Pa Rin” bagong album ni Nyoy Volante

Inilunsad kamakailan ni Nyoy Volante ang kanyang bagong album na “Tuloy Pa Rin” under MCA Music na isang all Tagalog tribute na ginawa niya para sa OPM fans at listeners. 

Kilala bilang magaling na musikero at tinaguriang “King of Acoustic Pop,” mas lalo niya pang pinaghusayan ang kanyang songwriting at artistic skills sa album na ito. Ayon kay Nyoy, hindi naging madali ang paagawa ng album na ito ngunit dito niya mas napagbuti
ang kanyang pagiging isang magaling na singer. Ngayon ay hindi na lang siya singer kundi songwriter, arranger, actor at video director.

Ang album na ito ay produced at nire-arranged ni Nyoy mismo maliban sa “Kamakailan Lang” at “Sa Isip Ko.” Kabilang din sa album ang mga bersyon ni Nyoy ng mga OPM hits gaya ng “Ipagpatawad Mo,” “Bakit Ba Ganyan,” “Tuloy Pa Rin,” “Magkasuyo Buong Gabi,” “Nandito Ako,” “Sana Dalawa Ang Puso Ko,” “Bukas Na Lang Kita Mamahalin” at “Basta’t Kasama Kita.”

Idinirehe rin ni Nyoy ang music video ng “Pikit” at Bukas Na Lang Kita Mamahalin. Ngayon ay abala siya sa musical theater, ASAP Sessionistas at mga shows dito at sa abroad. 

Available na ang Tuloy Pa Rin sa leading record stores at iTunes. 

“No Water, No Moon” ni Bamboo may repackaged version 

Inilabas kamakailan ang repackaged version ng debut solo album “No Water, No Moon” ni Bamboo Mañalac na unang inilabas noong 2011, ngayon ay kasama na rito ang bagong track na “Carousel.”

Ayon kay Bamboo, ang Carousel ay tungkol sa inspirasyon at paghahanap sa sarili sa pamamagitan ng pagbalik sa nakaraan. Isinasalarawan din sa album na ito ang kanyang paghahanap ng kahulugan sa kanyang pagiging musikero. 

Nanalo rin si Bamboo ng Best Performance by a Male Recording Artist sa 25th Awit Awards sa kantang “Questions” kamakailan.

Sa ngayon, abala si Bamboo bilang regular performer sa ASAP at bilang mentor sa bagong singing contest ng ABS CBN ang “The Voice of the Philippines.”

Alden Richards, may debut album na

Isa sa promising young leading man ng GMA na si Alden Richards ay isa na ring singer ngayon. Inilabas ng Universal Records ang kanyang debut album na nagtatampok ng bersyon ni Alden ng mga OPM hits gaya ng “Haplos” ng Shamrock, “Naaalala Ka” ni Rey Valera, “Akin Ka Na Lang” ng Itchyworms at marami pang iba. 

Inamin ni Alden na hindi pagkanta ang pinakatalento niya ngunit naniniwala siya na ang interes niya sa pagkanta ay magandang kumplimento sa kanyang appeal bilang aktor. Ayon pa sa kanya, malaki ang paghanga niya kay Josh Groban, ngunit gustuhin niya mang kantahin ang mga kanta nito ay hindi niya kaya. 

Ang debut single ng album na Haplos ay mabilis na umakyat sa MyMusicStore music charts at siyang theme song sa teleseryeng “Mundo Mo’y Akin. 

Kabilang din sa album ang isang orihinal na kanta ang “Sa Aking Tabi” na isinulat ni Vince Katindoy na siyang sumulat ng “Ngiti.” 

Nagpapasalamat si Alden sa suporta ng kanyang fans at sa Universal Records para sa magandang oportunidad na ito. Ganundin sa pagtulong nila sa kanya para masiguradong nasa magandang estado ang boses niya para sa album. 


Biyernes, Hulyo 5, 2013

Team Lakay, bokya sa ‘One FC: Rise to Power’


Ni Tim Ramos
Kuha ni Tim Ramos

Muling bumalik ng Pilipinas ang isa sa pinakapremyadong liga ng mixed martial arts (MMA) fighting sa Asya, ang Singapore-based na One FC, at sa kanilang inilunsad na palaro sa SM Mall of Asia Arena, ang ‘Rise to Power’, ni isa sa mga Pinoy na lumahok ay hindi pinalad na mag-uwi ng panalo.

Ang mga Pinoy na sumali na sina Eduard Folayang, Kevin Belingon, Rey Docyogen, Geje Eustaquio, at ngayo’y ex-champion na si Honario Banario, ay pawang miyembro ng Team Lakay, ang isa sa pinakamalaking grupo ng mga mixed martial artists sa Pilipinas. 

Marami ang nanghinayang sa pagkatalo ni Banario, na nagawa pang makaganti ng knockdown sa kalabang si Koji Oishi matapos siyang mapatumba ng huli sa unang round. Kung hindi pa sana tumunog ang bell sa pagtatapos ng nasabing round ay hindi malayong matagumpay sanang nadepensahan ni Banario ang kanyang One FC Featherweight World Champion title. Ngunit sa huli ay tila nagpabaya ang Pinoy at naging bukas para sa isang malakas na suntok mula sa Hapon sa 1:45 minuto ng ikalawang round. Naging sapat na ito para ipatigil na ng referee ang laban at ibigay na kay Oishi ang kampeonato.

Sa post-fight press conference, sinabi naman ni Banario na sinuwerte lamang si Oishi, lalo na’t alam niyang tinamaan ito nang matindi sa kanilang laban. Agad isinugod sa ospital ang Hapon pagkatapos ng match at hindi na ito nakadalo sa press con.

“He was lucky,” pahayag ni Banario. “Deep in my heart, I know I should have won the fight, he wasn't moving anymore, I thought the referee would stop it but he just didn't," dagdag pa nito.

Maganda naman ang ipinakita ng isa pang crowd favorite na si Eduard Folayang sa kanyang pakikipagtuos kay Kamal Shalorus. Kapansin-pansin ang pag-angat ng kanyang ground at grappling game, kung kaya’t hindi siya basta-basta nasa-submit ng kalaban. Taglay pa rin niya ang galing sa striking, ngunit nang lumaon ang laban ay naging one-dimensional ang kanyang laro kung kaya’t nagawang maiuwi ni Shalorus ang panalo pagkatapos ng isang unanimous decision na pabor sa kanya.

Isa pang umangat ang laro ay si Kevin Belingon, na noong nakaraang pagbisita ng One FC sa bansa noong isang taon ay halos hindi nakapalag sa kalabang si Soo Chul Kim. Sa Rise to Power ay hindi na nagpatalo sa ground game ang Pinoy kay Masakatsu Ueda, na ilang beses nagtangkang ipa-tapout si Belingon gamit ang iba’t ibang mga submission techniques. 

Naglaro din noong gabing iyon ang dalawang beteranong mula sa premyadong US MMA league na UFC na sina Phil Baroni at former champ Tim Sylvia, ngunit hindi rin pinalad ang mga ito sa kani-kanilang mga laban.

Huwebes, Hulyo 4, 2013

Panalo ang akting ni DingDong sa 'Dance of the Steel Bars'


Ni Mario Bautista


We recently saw the premiere night of GMA Films’ “Dance of the Steel Bars” at SM Megamall and we’re not surprised directors Cesar Apolinario and Marnie Manicad got lots of congratulatory greetings after the screening as the film is really worth watching. The film is co-produced by GMA Films with a foreign movie company, Portfolio Films and it's going to be shown worldwide.

Dingdong Dantes delivers a solid performance as Mando, a dance instructor who gets imprisoned for frustrated homicide after he hits a gay dancer who took a pass on him and the gay hit his head on the wall. He's better here than in his award-winning presentations in the mainstream horror film “Segunda Mano” and the sudsy drama “One More Try.”

Filmed inside the Cebu detention and rehabilitation center that got famous for the Cebu Dancing Inmates whose dance performances were a big hit on Youtube, the directors were able to weave a pretty engaging drama story about how all the dancing started. The main conflict is provided by the two villains in the movie: Gabe Mercado as the deputy warden who orders the killing of the present warden (Roy Alvarez) and his chief henchman, Thou Reyes. Gabe expects that he’ll be appointed as the new warden but an outsider was tasked to take over, Ricky Davao.

Ricky wants to institute reforms in the corrupt prison complex and one of them is to give the inmates a physical fitness program through dancing. He appoints a gay inmate to lead this, Joey Paras, who is eventually aided by Dingdong. But the villains try to thwart all his good intentions all the time.

The whole story is told from the point of Frank (Patrick Bergin), a retired fireman from the U.S. who gets married to a Filipina. He’s a basic do-gooder but when he tries to help a teenager stabbed by a gang of thugs, he gets accused of murder instead and ends up in prison. He becomes callous and jaded and is no longer interested in helping others.

Eventually, he relents. He finds a lawyer to help free a female prisoner (Kathleen Hermosa), a nurse who’s wrongly imprisoned because she refused giving sexual favors to a doctor in the hospital she used to work for. The film’s valid message is that even if life doesn’t treat you well and some people become mean and cruel, you should continue to do good because there’s Divine Justice that will eventually make things right again.

The whole cast delivers very fine performances: from Mercado and Reyes as the scheming villains, Mon Confiado as the prison doormat who falls in love with Kathleen, Joey Paras as the gay who pretends to his foreigner pen pal that he’s really a girl (and gets promptly rejected when they meet face to face), Bergin as the narrator who cannot totally forsake his heart of gold, and of course, Dingdong Dantes who gets a big round of applause in his breakdown scene in the bathroom after he learns that his father died while he is in jail. 

You can see they filmed it on a limited budget, but still, the direction is generally superior and technical credits are quite above average. They made the film a crowd-pleaser, not only with the dance sequences but with the way the bad guys subsequently got the comeuppance that they do deserve.

This is really a prison movie with a lot of heart. Presented with English subtitles, we have no doubt this can easily be marketed abroad. But we think it would have been a bigger come on if they started right away with a production number showing the dancing inmates to open the movie, and then Frank as narrator tells the audience how it originated. Then the movie ends again with another big dance number, since it’s really the dancing of the Cebu inmates that inspired the production of this movie. That would have been the most rousing manner that they could have started and concluded the film.

Miyerkules, Hulyo 3, 2013

Ryzza Mae Dizon: Ang Bagong Child Wonder



Sa kasaysayan ng lokal na aliwan, marami sa ating mga sikat na artista ang nagsimula bilang child stars. Nariyan ang Star for all Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto. ‘Di rin magpapahuli sina Snooky Serna, Gina Alajar, Roderick paulate, Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Aiza Seguerra at siyempre pa, ang itinuturing na Child Wonder of Philippine Cinema, si Niño Muhlach. Kinagiliwan at minahal ng balana, hanggang ngayo’y nariyan pa rin ang nabanggit na mga bituin at patuloy na nagbibigay-aliw sa publiko. 

Ang pagiging child star ay isang mabigat na pundasyon ng isang artista. Maaga pa lang ay nakaukit na sila sa puso’t isipan ng balana. Minamahal sila ng madla dahil sa angking karisma at talent. Ganito nga ang naging kapalaran ng kasalukuyang hottest child star na si Ryzza Mae Dizon.

Produkto ng “Little Miss Philippines” ng malaganap na noontime variety show ng GMA-7 na “Eat Bulaga”, marami nga ang nasorpresa sa mabilis na pag-angat ng career ng bata. Natural na biba, nakakagigil at matalino, napakadali niyang tinangkilik ng lahat. Hindi lahat ng mga batang artista ay pinapalad na maging tanyag tulad ni Ryzza Mae ngayon.

Ang pitong-taong gulang na title holder ng 2012 Little Miss Philippines ay isa sa main attractions ng top-rating noontime variety show ng Kapuso network na “Eat Bulaga” kung saan, patok ang kanyang ka-cute-an. Nakikipagsabayan nga si Ryzza Mae sa husay ng buong cast ng “EB” mula kay Bosing Vic Sotto, Joey de Leon, Jose Manalo, Wally Bayola, Ryan Agoncillo, Ruby Rodriguez, Julia Clarete, Pia Guanio, Pauleen Luna at Isabelle Daza. Mahal na mahal nga ng buong “EB” family ang batang tunay na sikat na sikat sa ngayon.

Nag-set ng trend ang kanyang “Cha-Cha Rap” na naging pambansang sayaw ng mga Dabarkads. Marami sa studio audience ang nata-touch sa ginagawang paglilibot ni Ryzza Mae sa loob upang makipagkamay. Kuwela rin lagi ang kanilang kulitan nila Bosing Vic, Jose at Wally. Opening pa lang ay si Ryzza Mae nga ang hinihintay ng mga manonood.

Dahil sa ‘di matatawarang kasikatan ng bibong bagets, binigyan siya ng morning show ng GMA-7 na “The Ryzza Mae Show” na nagsisilbing primer ng “Eat Bulaga.” Ngayon nga’y siya ang pinakabatang talk show host sa telebisyon. At marami ang namamangha sa galing niyang mag-isip at mag-adlib. Napaka-natural ng dating ng kanyang pakikipagtalamitam sa kanyang mga panauhin. 

Isa sa mga positibong katangian ni Ryzza Mae ay ang kanyang pagiging mabuting bata. Halatang pinalaki siya nang maayos ng mga magulang. Napag-alamang noong bago mag-taping para sa pilot episode ng kanyang programa, inanyayahan niya ang mga nasa loob ng studio na magdasal.

Ayon din sa ina nitong si Ryzza, sa kabila ng pagiging abala ng bata sa kanyang showbiz career, gusto pa rin nitong mag-aral. Alam daw kasi niyang hindi panghabambuhay ang show business. Pero habang mainit pa, sinasamantala na rin ni Ryzza Mae ang panahon upang makapag-ipon at tumulong sa pamilya.

Malayo pa nga ang mararating ng isang Ryzza Mae Dizon sa langit-langitan ng lokal na aliwan. At sa determinasyon, sipag, kakayahan, natural na karisma, mabuting pakikitungo sa kapwa-artista at positibong working attitude, asahang lalong kikinang ang kanyang bituin!










Richard - Marian: Kakaibang Pagsasanib-Puwersa



Ni Joseph Gonzales


Hindi maikakailang sina Richard Gutierrez at Marian Rivera ang dalawa sa pinakamalalaking bituin ng GMA-7. Base sa tagumpay ng mga proyektong tinampukan ng bawat isa sa bakurang kinabibilangan sa paglipas ng panahon, lalo ngang tumingkad ang kanilang popularidad at nagluklok sa kasalukuyang pedestal sa langit-langitan ng mundo ng aliwan. 

Unang pumutok ang pangalan ni Richard nang mag-bida sa “Mulawin” na naging isang malaking tagumpay sa ratings. Sinundan ito ng ilan pang hit shows na lalong naglapit sa binata sa masa: “Sugo”, “Captain Barbell”, “Lupin”, “Kamandag” at “Zorro.” Sa kanyang dalawang huling tinampukan, ang “Makapiling Kang Muli” at “Love & Lies” pinatunayan ni Richard na kaya niyang magdala ng programa kahit hindi hindi siya superhero tulad ng nakagawian na sa kanya ng mga manonood. Liban sa magandang ratings, nakakuha rin ang binata ng positibong review para sa kanyang akting. 

Ang maganda kay Richard, malawak ang kanyang perspektibo sa pagpapa-unlad ng kanyang karera sa showbiz. Hindi niya itinutuon lang sa isang direksyon ang lahat. Tulad na lamang ng pagho-host niya ng matatagumpay na reality shows at documentaries na tumatalakay sa kalikasan. Hindi nga puwedeng isantabi ang ginawang alingasngas ng “Survivor Philippines” ( dalawang edisyon) at “Oras Na” (isa sa mga highest-rating documentaries na kanyang tinampukan). Ang tagumpay ng mga nabanggit na programa ay nagpakita ng versatility ni Richard, na ‘di lamang siya sa aktingan maaasahan kundi maging sa pagho-host.

Sa larangan naman ng pelikula, hindi rin matatawaran ang rekord ng popular na aktor. Mula pa sa mga matagumpay na pelikulang pinagtambalan nila ni Angel Locsin tulad ng “Let the Love Begin”, “I’ll Always Love You” at “The Promise”, lalong tumaas ang antas ng kasikatan ni Richard. Tinagurian pa nga siyang Box-office Valentine King dahil sa tagumpay ng kanyang mga proyekto na laging ipinapalabas kapag sumasapit ang Araw ng mga Puso. 

Phenomenal namang maituturing ang nangyari sa career ni Marian. Mula sa pagganap bilang supporting star sa ilang hit soap operas ng Kapuso Network, ipinagkatiwala nga sa kanya ang mahalagang papel na “Marimar” na ang orihinal ay si Thalia. Niyakap nga siya ng sambayanang Pilipino dahil sa kanyang nabubukud-tanging interpretasyon ng karakter. Dito rin sila unang nagkakilala ng nobyong si Dingdong Dantes. 

Matapos ang “Marimar” ay binigyan pa siya ng GMA ng surefire hit soaps upang lalong patingkarin ang kanyang namumukadkad na kasikatan. Ginawa nga niya ang “Dyesebel” na naging consistent top-rater sa kanyang block. Lalo na ang “Darna” na talagang namayagpag sa ratings chart, na nagpapatunay na versatile ang mass appeal ni Marian: kahit mga bata ay gustu’ng-gusto siya.

Ang mga sumunod na behikulong ipinagkaloob ng GMA sa magandang bituin ay nagpalutang sa kanyang angking talino sa pagganap: “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang”, “Endless Love”, “Amaya” (na nagpanalo sa kanya ng Best Actress sa Golden Screen Awards), at ang remake ng classic Koreanovela na “Temptation of Wife” kung saan, umani muli siya ng mga papuri. Lumutang din siya sa pagpapatawa sa mga sitcom na “Show Me Da Manny” at “Sweet for My Tweets.”

Hindi rin matatawaran ang mga pelikulang nagawa ni Marian na umukit na sa isipan ng madla tulad ng: “One True Love”, “Desperadas (1 & 2)”, “Bahay-Kubo”, “Tarot”, “Super Inday & the Magic Bibe” at “You to Me are Everything.” Ang tagumpay ng mga ito ay patunay lamang ng natatanging kinang ng bituin ni Marian bilang isa sa pinakasikat na artistang babae sa kasalukuyang panahon.

Sina Richard at Marian ay nagsanib-puwersa na rin sa pelikula at ito ay sa “My Best Friend’s Girlfriend” na tumabo nang husto sa takilya. Kuwela sa publiko ang tambalan nila at maging sa telebisyon ay pinagkatiwalaan din sila ng Kapuso management nang sila ang pinag-host ng remake ng “Extra Challenge.” Dahil sa kanilang chemistry, muli’y nag-rate nang husto ang naturang celebrity reality show. Obserbasyon ng karamihan, complementing ang karakter ng isa’t isa pagdating sa screen kaya laging may “fire” ang kanilang pagsasama.

Ganito rin ang inaasahan sa pagsasama nilang muli sa pelikula, sa “My Lady Boss” na handog ng Regal Entertainment at GMA Films. Kakaiba ang tema nito sa nauna nilang pinagtambalan dahil sa titulo pa lang, si Marian ang amo rito. Mainit ang pagtanggap ng publiko sa trailers ng pelikula. Dama agad na maghi-hit ito kapag ipinalabas ngayong Hulyo 
3.