Linggo, Enero 5, 2014

CAB aprubado ang karagdagang biyahe patungong Japan

 Ni Florenda Corpuz

Inaprubahan na ng Civil Aeronautics Board (CAB) kamakailan ang mga aplikasyon na isinumite ng iba’t ibang Philippine carriers para sa mga bagong flight routes patungong Japan.

Nagsumite ng aplikasyon ang Philippine Airlines, PAL Express at Cebu Pacific para makalipad ng 14 na beses kada linggo mula Maynila patungong Haneda ngunit tanging Philippine Airlines lamang ang nakapasa.

Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, malinaw na sinabi ng pamahalaang Hapon na ang Haneda market ay istriktong para sa corporate at business travel na dahilan kung bakit nadiskwalipika ang mga budget carriers na PAL Express at Cebu Pacific na parehong walang business class service.

Sa kasalukuyan, kontrolado ng Philippine Airlines ang 43%  ng total seat capacity sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Ngunit ito’y inaasahang magbabago dahil sa bagong kasunduan na nagkakaloob ng unlimited flights sa pagitan ng mga paliparan maliban sa Manila-Haneda.

Natanggap naman ng Cebu Pacific ang pinakamataas na bilang ng new flight entitlements na inaasahang magpapaangat sa kasalukuyang tatlong porsyentong share nito sa merkado.

Inaasahan ng mga tourism analysts na dodoble ang tourist arrivals mula sa Japan at bababa ang pamasahe dahil sa mga low cost carriers na bibiyahe sa iba’t ibang ruta.
           
Nagdagdag ang Philippine Airlines ng dalawang daily flights sa pagitan ng Maynila at Narita simula noong Oktubre habang ang karagdagang dalawang beses na biyahe mula Maynila patungong Haneda ay inaasahang magsisimula sa Marso 2014.

Gagawin namang araw-araw ng Cebu Pacific ang kanilang biyahe mula Maynila patungong Osaka ngayong Disyembre. Habang ang Manila-Nagoya at Manila-Narita ay magsisimula sa Marso 2014, Manila-Fukuoka sa Abril 2014, Manila-Okinawa sa Mayo 2014, Manila-Hiroshima at Manila-Sapporo naman ay sa Oktubre 2014. Hindi pa inaanunsyo ng kumpanya ang simula ng biyahe ng kanilang Manila-Ibaraki route. Samantala, inaasahan naman magsimula ang Cebu patungong Narita, Osaka, Kansai at Nagoya sa ikaapat na bahagi ng 2014.

Plano naman ng AirAsia Zest na ilunsad ang mga bagong ruta nito sa Japan sa huling buwan ng taon. Habang ang TigerAir Philippines ay hindi pa nagtatakda ng petsa.


Matatandaang naging matagumpay ang ginawang air service talks ng Pilipinas at Japan noong Setyembre kung saan nagkaroon ng bagong air service agreement sa pagitan ng dalawang bansa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento