Lunes, Enero 27, 2014

Japanese defense minister bumisita sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz


Pagpupulong ng mga opisyal ng Pilipinas at Japan na
pinangungunahan ni Onodera. (Kuha mula sa DND website)
Muling bumisita sa Pilipinas si Japanese Defense Minister Itsunori Onodera kamakailan para sa dalawang araw na opisyal na pagbisita upang inspeksiyunin ang tulong na ibinigay ng Japan sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City, Leyte.

Ininspeksiyon din ni Onodera ang Japan Disaster Relief Team na kabilang sa mga grupong nagsasagawa ng relief at rehabilitation efforts sa kabisayaan.

Matatandaan na nagpadala ang gobyerno ng Japan ng 50 miyembro ng Self-Defense Forces (SDF) na siyang bumuo sa Japan Disaster Relief Team upang tumugon sa pangangailangang medikal ng mga biktima roon. Humigit-kumulang sa 1,000 tropang sundalo ang ipinadala rin ng Japan upang tumulong naman sa rehabilitation programs at iba pang pangangailangan sa rehiyon ng Visayas partikular na sa Tacloban, Leyte, Samar at Cebu.

Tinatayang nasa US$53.1 milyon na halaga ng tulong ang naibigay ng Japan sa Pilipinas sa pinakamatinding bagyo na nanalanta sa bansa kung saan mahigit sa 6,000 katao ang namatay at libo-libo ang nawalan ng tirahan.

Bago ang ginawang pagbisita sa Leyte, nakipagpulong muna ang defense chief kay Defense Secretary Voltaire T. Gazmin para sa Philippines-Japan Defense Bilateral Meeting. Sa pulong na ito, ipinahatid ni Onodera ang kanyang pakikiramay sa mga biktima ng bagyo. Nagpalitan din sila ng pananaw sa usapin ukol sa East Asia security environment.

Pinag-usapan din sa pulong ang Air Defense Identification Zone (ADIZ) ng China, ang tumataas na tensyon sa rehiyon at ang mas malalim na military-to-military cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Sumama ang Pilipinas sa pagtutol ng Estados Unidos, South Korea, Taiwan at European Union sa pagtatayo ng China ng ADIZ kung saan kailangang magbigay muna ng flight plan bago magtungo sa pinag-aagawang teritoryo.

Nababahala si Onodera sa mga lumalabas na balita na maaaring magtayo ang China ng ADIZ sa West Philippine Sea kung saan parehas na mayroong inaangking teritoryo ang China at Pilipinas. Nakahanda umanong tumulong ang Japan sa Pilipinas sa pagreresolba sa sigalot na ito.

Huling bumisita sa bansa si Onodera noong Hunyo 2013 kung saan tinalakay ang mga isyu sa West Philippine Sea, East China Sea at Korean Peninsula. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento