Ni Rey Ian
Corpuz
Noong
sinalanta ang Visayas region ng bagyong “Yolanda,” lahat ng aking mga kasamahan
sa trabaho ay nag-alala. Kumusta raw ang aking mga magulang at kamag-anak? Okay
lang ba raw sila? Ang sagot ko naman ay “Okay lang po. Hindi po binagyo ang lugar namin.” Lahat sila ay nag-alala. Lahat ay nahabag sa pinsala na dulot ng bagyo.
Ayon
sa mga eksperto ay ito na ang isa sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa
kasalukuyang panahon. Kaawa-awa ang mga biktima lalung-lalo na ang mga bata na
walang kamalay-malay. Mahigit isang linggo akong nagbabasa ng mga balita sa Internet.
Naiyak ako sa mga istorya ng mga batang pumanaw dahil sa bagyo. Marahil ay isa
na akong tatay kaya hindi ko lubos maisip ang ganoong sitwasyon.
Malaki
ang utang na loob ng mga mamamayang Pilipino, unang-una sa CNN, dahil kung
hindi sa kanila ay hindi tutugon ang buong mundo. Pagkatapos ng ilang araw na
pananalasa ni Yolanda ay nag-ulat kaagad ang kilalang mamamahayag na si Anderson
Cooper mula sa Tacloban, Leyte. Kalunus-lunos ang kanyang naging pagsasalarawan
sa kanyang nakita at naranasan. Patay na mga katawan kung saan-saan, mga basa,
uhaw at gutom na mga tao, mga sugatan at nag-aagaw buhay na mga nakaligtas sa
hagupit ni Yolanda -- naging punto sa kanyang pagbabalita ang kawalan mismo ng
gobyerno sa lugar at kawalan ng kaayusan.
Naging
laganap din umano ang pagnanakaw sa mga tirahan at tindahan. Kung iyong iisipin
ay nakakahiya pero nasasabi natin iyon dahil hindi tayo ang nandoon. Ang ugali
ng mga Hapon at Pilipino ay iba. Ang kultura ng “jiman” o “pride” at “gaman” o
“pagtitiis” ay kakaiba sa bansang Hapon. Ang mga tao ay hindi kailangang
magnakaw para maitawid ang sikmura dahil sa “pride.”
Sa
aking pakikipag-usap sa isang kasamahan hinggil sa nakawan, wala akong ibang
nasabi kundi “shikata ga nai” o wala na tayong magagawa. Ito ay dahil sa
kabagalan ng aksiyon ng ating pamahalaan: ang lokal na pamahalaan ay nilumpo ng
bagyo habang ang Malacañang naman sa kabilang dako ay tila parang natulala at
hindi alam kung papano sisimulan ang relief operations.
Aminin
na natin na maraming isla sa atin. Kalat-kalat ang mga isla kaya pahirapan ang
pagbibigay ng ayuda. Gayon pa man tayo ay dapat magpasalamat sa kabaitan na
pinakita ng buong mundo tulad ng Estados Unidos sa pagbibigay ng teknikal na
tulong gaya ng pag-airdrop ng mga pagkain at inumin sa mga liblib na barangay
at isla. Ang bansang Japan din ay nagpadala ng mga doktor, nars at mga inhinyero
upang tulungan ang mga nasalanta.
Ang
Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay dinadagsa ng mga donasyong pera, damit, gamot,
tubig, mga kagamitang teknikal at iba’t iba pa mula sa lahat ng sektor ng
lipunan. Mapa-bata, matanda, mga organisasyong pulitikal, mga pribadong
mamamayan, paaralan at mga korporasyon tulad ng mga malls, convenience stores
at marami pang iba ang tumulong. Kahit isa-isahin natin sila para ipaabot ang
pasasalamat ay hindi natin sila mabibilang.
Sa
aking tinuturuang paaralan, ang student council ay naglunsad ng donasyon tuwing
umaga sa loob ng isang linggo. Ang mga estudyante ko naman ay nagpakita ng
simpatiya at pag-aalala sa akin at sa ating bansa. Tuwang-tuwa ako na kahit
walang guro na nag-udyok sa kanila ay nagmalasakit sila sa kanilang makakaya
upang mag-ambag-ambagan. Sa kaunting halaga na nalikom ay tiyak na malayo ang
mararating ng kanilang ibinigay na pera.
Hanggang
ngayon tuloy pa rin ang tulong ng iba’t ibang bansa. Nais ko silang
pasalamatan. Sana po ay hindi kayo magsawa sa pagtulong kahit na hindi lingid
sa ating kaalaman ang bulok na sistema ng gobyerno sa Pilipinas. Sana ang mga
kurakot na opisyal ng gobyerno na lang ang binaha para mawala na ang katiwalian
sa ating gobyerno.
At
dahil papasok na ang bagong taon, sana nawa’y maging New Year’s resolution ng
mga nasa pamahalaan ang pagpapatupad ng mas magandang sistema. Nawa’y matigil na
ang kurapsyon. At sa mga botante, pakiusap lang, iboto ninyo po ang mga
karapat-dapat. Hindi po sapat ang iilang lata ng sardinas at noodles para
ihalal ninyo sila. At sa mga pulitikong ginagamit ang trahedya upang sumikat,
sana po itigil na ninyo iyan. Kung magbibigay ng tulong ay huwag na ninyong
ilagay ang inyong pangalan o larawan.
Sa
mga nagbuwis ng buhay dahil sa pagtulong sa Pilipinas, maraming salamat. Sana po
ay maging aral na ito sa ating mga Pilipino. Dapat kayanin na nating tumayo sa
ating sariling paa at hindi na dapat aasa pa sa ibang bansa. Dapat din na
bantayan natin ang mga perang ibinigay at ibibigay ng ibang bansa. Lahat tayo
ay dapat magmatiyag at magmasid. Punahin dapat lahat ng ginagawa ng mga pulitiko
upang hindi tayo malusutan. Sana po ay manumbalik na sa normal ang lahat sa
lalong madaling panahon. Amen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento