Ni
Al Eugenio
Ilan sa mga nabanggit ng mga tagapagbalita
mula sa ibang bansa nang masaksihan nila ang mga nasalanta ng bagyong “Yolanda”
sa kabisayaan ay ang kanilang paghanga sa katatagan ng ating mga kababayan sa
kabila ng pagsubok. Sa mata ng mundo, ang mga Pilipino ay matiisin, masayahin,
madaling maging kaibigan at kahit na madalas abusuhin ay likas na matulungin.
Kahanga-hanga ang mga katangiang
ito para sa mamamayan ng ating bansa,
ngunit bakit kaya sa kabila ng magagandang katangiang ito ay patuloy pa rin
hikaos ang pamumuhay ng marami sa ating mga kababayan?
Upang magkaroon tayo ng kahit na
bahagyang tugon sa mga katanungang ito ay kailangan marahil na alalahanin natin
ang binaybay ng ating bansa noon at ngayon.
Noong tayo ay nasa ilalim pa ng
mga mananakop na Kastila, ang mga namumuno sa ating bansa ay hindi naglilingkod
para sa kapakanan ng mga mamamayan. Ang mga namumuno noon ay naglilingkod para sa
kaharian ng Espanya at ang ating mga mamamayan ay kinakailangang maghanapbuhay hindi
lamang para sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin para sa Espanya. Kaya
naman ang mga alkalde at gobernador noon ay ang siyang dapat na pinaglilingkuran at
hindi sila para maglingkod sa mga
mamamayan. Dahil na rin sa hindi naiintindihan ng mga Pilipino ang salitang
Kastila, madaling naililihim ng mga banyaga ang mga karapatan ng tao ayon sa
mga itinuturo ng Kristiyanismo na siyang naging paraan upang tanggapin sila ng
mga kababayan natin sa ating bansa.
Nang ang ating bayan ay lumaya, ang
ganitong kaugalian ay hindi tuluyang naalis. Hindi pa rin lubusang alam ng ating
mga kababayan ang kanilang tunay na karapatan.
Hindi naman kasi ganoon karami ang may pagkakataong makapag-aral. Pagsasaka, pangingisda at kung sinuswerte, hanapbuhay
sa siyudad ng Maynila ang tanging
mapagkukunan ng ikakabuhay.
Hindi naman natin nilalahat ngunit
mas marami sa mga mayayaman at nakapag-aral noon ang patuloy nang kinalimutan
ang kapakanan ng mga pangkaraniwang mamamayan. Para bagang ibinubukod nila ang
kanilang uri sa mga nakabababang kababayan. Tulad rin ng mga Kastila para sa
kanila ang mga Pilipinong ito ay nilikha upang sila ay paglingkuran. Marami sa mga mayayamang Pilipinong ito ang
nagkaroon ng pagkakataon na mamuno sa ating bayan, sa gobyerno.
Ang kakulangan sa kaalaman ng mga
mamamayan tungkol sa mga karapatan ng
isang pangkaraniwang Pilipino ay patuloy na pinagsasamantalahan ng marami sa
ating mga lider. Kahit na ngayon ay para bang natural ng kaugalian ang
kalimutan ang kapakanan ng mamamayan, at habang nasa panunungkulan ay parang tama
lamang na sila ay magpayaman.
Lumala ang pamumunong ganito
noong panahon ng Bagong Lipunan na pagkalipas lamang ng ilang taon ay tinawag
na “Martial Law.” Nilito ng administrayong iyon ang mga mamamayan. Sa halip na
ituro sa taumbayan ang kanilang mga karapatan
ay nilunod sila sa mga kasiyahang tulad ng mga pelikula at mga palabas
sa telebisyon. Sa kabila ng mga pang-aaliw na ginawa ay hindi napansin ng marami sa mga taumbayan ang
patuloy na paglimas sa kaban ng bayan. Tuluy-tuloy ang pangungutang upang makapagpagawa raw ng mga gusali, kalsada
at mga tulay. Hindi pa man natatapos ang administrasyong Marcos ay lubog na sa
utang ang ating bayan.
Ang minana nating pamamaraan ng
pagpapatakbo ng gobyerno sa mga Kastila ay pamamaraan pa rin ng marami sa mga
kasalukuyang nanunungkulan. Hanggang sa mga panahong ito ay pinagsasamantalahan
pa rin ang pagsasawalang kibo ng ating
mga kababayan.
Kailan lamang ay nagsumbatan ang
dalawang senador sa Senado, hindi upang ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan kundi upang
makaiwas sa iba’t ibang bintang at mga kahihiyan. Hindi man lamang inisip ng
mga mambabatas na ito na ang kunsumo sa
kuryente at iba pa nilang kakailanganin sa loob ng ilang oras nilang walang katuturang pagtatalo ay sa ating mga
mamamayan kukunin ang pambayad.
“The Sick Man of Asia” ang
minsang itinawag sa atin. Maaaring totoo ang panananaw na ito ayaw man nating
tanggapin. Ito ay sa kadahilanang marami sa namumuno sa atin ay walang
kakayahang manungkulan bilang mga pinuno para sa kapakanan ng mga mamamayan. Marami
sa kanila ay nais lamang lituhin tayong mga mamamayan upang maisakatuparan ang
kanilang mga itinatagong intensiyon. Dahil
sa kanilang kapabayaan ay napalayo ang nakararaming Pilipino sa mga makabagong
kaalaman.
Patuloy na namumuhay ang
karamihan sa ating mga kababayan na parang nakalutang ang kinabukasan. Tanging
ang ugaling masayahin sa saliw ng mga kwentong katatawanan ay pilit na idinaraos
ang araw araw. Walang matatag na pinanghahawakan para sa kanilang patutunguhan.
Puro pagbabakasakali na may pag-asa pa para sa kinabukasan. Madalas magdesisyon
ng mabilis at mababaw. Kaya naman sa mata ng marami ay mahinang nilalang. Hindi
nila batid ang mga pinagdaraanan ng Pilipinong ito sa araw-araw.
Ang lalo pang dumaraming
populasyon ng mga Pilipino ay kanya-kanyang gumagawa ng paraan upang kahit na papaano,
sa anumang paraan, ay maipagpatuloy ang natitirang
buhay. Bihira ang umaasa sa magagawa ng pamahalaan. Laging nangangarap na baka sakali ay dumating din ang panahon na
ang mga ipinagkait na karunungan at ang mga kaalaman ay kanila rin maranasan na
ang mga pagkakataong ganito ay hindi para sa mayayaman lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento