Lunes, Marso 30, 2015

Produktong Pinoy bumida sa design exhibit sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Tokyo, Japan – Isang furniture at home décor exhibition na tinawag na “Philippine Design Exhibition” ang binuksan sa publiko sa Tokyo Midtown Design Hub sa Roppongi noong Pebrero 18 hanggang Marso 22.

Kabilang sa mga produktong ibinida (yari sa fibers, textiles, papel, coconut, shells, kahoy at metal) ay mga obra ng mga pamosong Pinoy designers na sina Al Caronan, Ann Pamintuan, Antonio “Budji’ Layug, Carlo Cordaro, Kenneth Cobonpue, Luisa Robinson, Maria Cristina “Maricris” Floirendo-Brias, Miguel Carlos Aguas, Milo Naval, Renato Vidal, Rene Alcala, Tes Pasola, Tony Gonzales at Vito Selma. Sila ay mga miyembro ng Movement 8, isang alyansa ng mga Pinoy designers na hangad ay ibahagi ang kanilang talento at pagiging malikhain upang isulong ang disenyong Pilipino sa buong mundo.

Pinangunahan ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez ang pagbubukas ng exhibit na inilarawan niya bilang “a venue to showcase in the world stage the Filipino excellence, ingenuity and unique creativity.”

Sa kanyang opening remarks, sinabi ni Lopez na “this path of creativity and tradition of excellence continues to be proudly carried by all the designers featured in this exhibit today – how their works reflect life, nature, the human spirit and this generation’s responsibility to preserve the environment.”

 “Philippine designers pool their God-given talents to foster greater awareness and appreciation of the value of design – especially how ideas add value to products and the quality of human life and how innovation promotes linkages between world-wide communities. Designers exemplify the philosophy that dreams should be bigger, allow to travel further and create new things that mange to keep this world a constant place of wonder,” dagdag pa ni Lopez.

Dinaluhan din ng humigit-kumulang 100 mga bisita at importers mula sa iba’t ibang kumpanyang Hapon ang pagbubukas.


Ang exhibit ay inorganisa ng Office of Trade and Investment, Philippine Embassy, sa pangunguna ni Commercial Counsellor Maria Bernardita Angara-Mathay, sa suporta ng ASEAN Japan Centre, at dinaluhan ng 14 exporters mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas na nagtataguyod ng Philippine artistry at craftsmanship. 

Pag-aaral o pagtatrabaho?

Ni Rey Ian Corpuz

Dahil natapos ko ang aking pag-aaral sa Pilipinas ay nakikita ko kung gaano kalayo ang hirap ng pag-aaral ng mga batang nasa high school sa Japan kung ikukumpara ito sa atin sa Pilipinas. Masayahin tayong mga Pilipino at karamihan ng mga ginagawa sa paaralan ay halos may sayaw, kanta at kung anu-ano pang bagay. Kung ihahalintulad ko ang aking karanasan sa nakikita ko ngayon sa mga junior high school na mag-aaral sa Japan, ito ay napakasalungat.

Ang pagiging estudyante sa Japan ay hindi biro. Hindi biro ang pinagdadaanan nilang hirap. Kahit sabihin nating libre at sapilitan ang pag-aaral mula sa elementarya hanggang junior high school, ang realidad ng hirap ng mga entrance test para sa senior high school naman ang siyang napakahirap para sa kanila.

Ang kanilang sinasalihang club activities simula first year hanggang second year ay isa din na pahirap sa kanila. Umulan man o umaraw, holiday man o hindi o kahit Sabado at Linggo, kailangan nilang pumunta sa paaralan o ‘di kaya ay sa mga tournament kung saan-saan para makipagtagisan ng lakas.

Ultimo ang mga batang Hapon ay nahihirapan sa kanilang lenggwahe. Karamihan sa mga grade six sa elementarya ay may iilan pa rin ang hindi makapagsulat nang tama o malinis na “kanji.” Lahat ng mga ito ay pinagdadaanan ng mga ordinaryong batang Hapon. Ano pa kaya kung ang mga tipikal na batang Pilipino ay mag-aral dito sa Japan?

Ngayon, sa ibang dako, heto ang mga Pilipino sa Japan. Karamihan sa kanila, dahil sa tingin nila libre ang pag-aaral, pinapapunta nila ang kanilang mga anak dito upang mag-aral. Dito nagkaka-culture shock ang mga batang Pilipino. Kung ang bata ay nagsimula sa grade one sa elementarya, sa tingin ko makakahabol at makaka-adjust pa ang bata sa lenggwahe at sa paraan ng pag-aaral at sa buhay mismo rito sa Japan.

May nakasalamuha ako noong nakaraang taon kung saan pinapunta niya ang kanyang anak dito sa Japan para pumasok bilang third year student sa junior high school. Ano ba ang kaya niyang intindihin maliban sa Ingles na subject? Ang mahirap pa rito ang English na subject ay itinuturo sa wikang Japanese. Pinaki-usapan ako ng Vice Principal para gabayan ang bata.

Mabuti na lang at hindi siya sumuko. Isang beses sa isang linggo, may Japanese volunteer na marunong mag-Tagalog ang pumupunta para turuan siya ng Japanese. Natututo naman pero hindi pa rin ito sapat at masyadong mabigat para maintindihan ng bata. Sa awa ng Diyos ay nasa isang night school siya ngayon nag-aaral. Buti na lang ay nakapasok kahit na mababa ang kanyang nakuha sa entrance exam.

Karamihan ng mga Pilipina, hiwalay sa asawang Hapon at bigla na lang nilang kinukuha ang kanilang mga anak. Buti sana kung bata pa kinuha na nila kaso malalaki na at may ibang kultura nang nakasanayan. Papano kaya makaka-survive ang bata sa kanilang pinaggagawa?

Ang parating tanong ng mga kasamahan kong mga Japanese ay kung bakit daw nandito ang bata? Ang sabi ko naman ay dahil maraming mga dahilan ang kanilang mga magulang. Maliban sa pagkasabik sa kanilang anak ay ang isyu ng pera o ang pagtulong nila sa kanilang pamilya.

Pagkatapos ng junior high school, gusto na nilang pagtrabahuin ang kanilang anak. Biruin mo sa edad na 16 ay pinagtatrabaho na sa kung anu-anong kumpanya? Sa edad 16, may pinagpa-part-time sa construction, ang iba sa paggawa ng bento. May isa pa akong narinig na pinagtatrabaho sa fish port. Ang masaklap pa kung ito ay babae, pinapa-part-time sa panggabing trabaho sa mga Philippine pub o bars.

Nakakaawa lang dahil sa halip na bigyan nila ng pagkakataon ang kanilang anak na mabago ang buhay nila ay pinapasabak na kaagad sa trabaho. Hindi ba dapat responsibilidad nila iyon sa kanilang mga anak? Walang masama sa pagpa-part-time pero hindi ba dapat na mas pagtuunan ng kanilang mga anak ang pag-aaral?

Bilang isang magulang, responsibilidad po natin sa ating mga anak ang papagtapusin sila ng pag-aaral. Sana po sa mga Pilipinong ganito po ang ginagawa o may planong ganito ang gawin, pag-isipan po natin ng mabuti. Hindi po mga kalakal ang ating mga anak. Sana po ay bigyan natin sila ng pagkakataon na mag-aral at para magkaroon sila ng mabuting buhay. Mas mainam pa po sana na sa Pilipinas ninyo sila pagtapusin hanggang kolehiyo at saka ninyo papuntahin dito para mas malaki ang pagkakataon na makahanap ito ng magandang trabaho.


Linggo, Marso 29, 2015

Panaghoy ng mga ina

Cesar Santoyo

Masakit man na tanggapin ay anak ng isa nating kababayan na single mother ang nasangkot sa natagpuang bangkay ng 13-anyos na bata na si Ryota Uemurasa sa pampang ng ilog Tama ng Kawasaki. Ang istorya ay naging laman ng mga pahayagan at maging sa telebisyon sa buong Japan at social media sa pagpasok ng buwan ng Marso. Nangangailangan pa ng paghahatol ng hukuman kahit may pagpapahayag ng pag-amin sa krimen ang tatlong menor de edad na akusado.

Sa tuwinang may aberya ang anak, maliit man o malaki ay lagpas 10 ulit ng sakit na taglay ng anak ang dala-dalang bigat na damdamin ng ina. Mas mabigat pa rito, kagaya ng hinaharap ng mga ina ng Kawasaki, ay ang bagaheng kinakarga ng nanay na nawalan ng anak at ang ina na ang anak ay suspek sa pagpatay. Sa legal na labanan na ito ay pawang mga puso ng mga ina ang dinudurog bago at pagkatapos ng naganap na krimen hanggang sa paglilitis ng hukuman.

Ang mas mabigat na paghahatol ay mula sa publikong palagay na nakabatay sa sariling paniniwala at opinyon at sa partikular ay mula mismo sa komunidad ng mga Pilipino. Sa labas ng ating sariling bakuran ay ang mas malawak at mas matinding dagok sa imahe ng ating mga kababayan dala ng media sa wikang Japanese batay sa kaganapan sa Kawasaki.

Parehong single mother ang mga ina ng napaslang at akusadong pumaslang. Mga solong magulang na kapwa napagkaitan ng suporta sa pamumuhay at kapwa salat sa kabuhayan. Sa pagitan ng Pilipina at Japanese single mother, mas hirap ang sa una dahil sa pagiging dayuhan nito sa bansa lalo na’t obligadong magpadala ng suporta sa mahal sa buhay sa Pilipinas.

Dayuhan mula sa mahirap na bansa, entertainer, single mother ay mga bansag na may kaakibat na negatibong tono sakaling manggaling sa bibig ng mga lokal. Mas lalo pang idinidiin, kahit isulat man na balanse at hindi direkta ng Japanese media, ang negatibong imahe ng dayuhan dahil sa insidenteng naganap sa Kawasaki.

Lubhang mas maraming mga positibo at magandang buhay ang tinatakbo ng mga kabataang Japanese-Filipino dito sa bansa. Kahit na ang aking linya ng gawain ay makasalamuha sa pagpapayo ang mga nalalagay sa gipit na kalagayan na mga ina at Japanese-Filipino Children (JFC), sa abot dami ng aking nakikitang pamilya ng Japanese-Filipino ay sobrang mas marami ang bilang ng nasa positibong pamumuhay at bukod tangi ang naging karanasan ng isang JFC sa Kawasaki.

Sa ating panahon sa ngayon na talamak ang karahasan sa kapwa tao at sa pagsira ng kapaligiran na laganap sa media, mga palabas sa telebisyon at sinehan, sa mga babasahin kasama na ang Internet ay hindi malayong impluwensiyahan ang murang isip ng mga kabataan sa ngayon. Ang krimen na nagawa ng isang JFC sa Kawasaki ay bahagi lamang ng kabuuang problema ng pagpapalaganap ng kulturang bayolente na pinagdadaanan ng lipunan ng Japan, Pilipinas at sa buong mundo.

Karahasan ang ibinabandila ng mga malalaking international media kagaya ng palaging headline na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Kaya hindi nalalayo na ang pangalan ng gang sa Kawasaki kung saan narecruit ang napaslang na trese anyos, ang “Kawasaki State” ay impluwensya sa murang isip na maaaring ang  pinanggalingan ay ang mga balita gaya ng ISIS at iba pang dekadente at bayolenteng kultura.

Hindi bagong istorya ang krimen na naganap sa Kawasaki kung saan sangkot ang JFC. Lagpas 100 na marahil ang mga menor de edad na JFC ang nahatulan sa iba’t ibang uri ng krimen mula sa kasong pananakit, pagnanakaw, panggagahasa at pagpatay ang mga nakakulong sa ngayon. Sa dami ng mga pandinig na aking nadaluhan ay palaging may pagsisi sa ina sa kabila ng pagdurugo ng puso na tanggapin ang hatol ng pagkabilanggo ng anak.

Nais ko rin na ipaalala na ang kahit may kalakihan ang bilang na mahigit 100 nakakulong na mga JFC sa mga kasong krimen, huwag rin nating kalimutan na may mahigit hindi kukulangin sa 400,000 na mga JFC ang may mga positibong karanasan.

Katiting o halos wala akong narinig ng pagtukoy sa kapabayaan ng ama, Japanese o Pinoy, ng anak sa single mother. Ang nanay na solong magulang na pumapasan sa buong mundo para mabuhay ang nanay-anak na pamilya sa huli ay ang palagi na lamang may kasalanan sa negatibong kinasapitan ng anak. Absuwelto palagi ang ama na nag-abandona sa anak at pamilya at absuwelto rin ang pinalalaganap na bayolenteng kultura.

Dahil sa makaluma o piyudal na pananaw na ang babae ay babae lamang bilang palipasan at tagasalo ng mga problemang nilikha ng kalalakihan. Nakakulong sa ganitong kaayusan at kaisipan ang mga nananaghoy sa sinapit ng napaslang at pumaslang na mga anak ng single mother sa Kawasaki.

Biktima na kailangan na protektahan at ipagtanggol ang mga nanaghoy na single mother ng Kawasaki at lahat ng mga ina laban sa kahirapan at ng marahas na kultura laban sa kababaihan. Kung dito sa Japan ay wala ni bahid na tatayo para itaguyod ang kapakanan at kagalingan ng mga Filipino single mothers, may pag-asa pa rin kung titingin sa ating lupang tinubuan.

Mayaman at malalim sa ating kasaysayan ang iniambag ng mga dakilang bayaning kababaihan kagaya ni Gabriela Silang at marami pang iba. Magpasahanggang ngayon ay masigla at mas lalo pang lumalawak ang pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan sa ating bansang pinanggalingan. Sa kilusan ng kababaihan na ginugunita sa ating bayan at sa buong mundo, tuwing kabuwanan ng Marso lamang makikita ang pagyakap para iangat at arugain ang mga panaghoy ng mga single mother ng Kawasaki at lahat ng mga nanay laban sa kahirapan at bayolenteng kultura at para sa kapakanan ng mga anak na JFC.


Huwebes, Marso 26, 2015

Pamumukadkad ng cherry blossoms, inaabangan na

Ni Florenda Corpuz

 
Kuha ni Din Eugenio
Tulad nang nakagawian taun-taon ay inaabangan na ng maraming tao ang pamumukadkad ng mga cherry blossoms o “sakura” na simbolo ng pagpasok ng panahon ng tagsibol o spring o “haru” sa Japan.

Noon pa man ay malaking bahagi na ng kulturang Hapon ang sakura. Ito ay nagsilbing inspirasyon para sa mga sundalong Hapones noong World War II kung saan ito ay nakalarawan sa mga bandila, eroplano at insignia. Kadalasan din ay iniuugnay ito sa mga “bushi” at “samurai.” Sa kasalukuyan, ito ang pangunahing atraksyon ng bansa tuwing tagsibol upang dayuhin ng mga lokal at dayuhang turista ang iba’t ibang lugar dito.

Mayroong mahigit sa 400 uri ng sakura ang makikita sa Japan. Ilan sa pinakapopular ay ang “somei yoshino,” “ichiyo,” “yamazakura” at “chrysanthemum cherry.”

Mahalaga para sa mga Hapon at dayuhang turista ang malaman kung kailan mamumukadkad ang sakura sa iba’t ibang prepektura sa bansa dahil nakagawian na nila ang pagsasagawa ng flower viewing party o “hanami” habang kumakain o umiinom sa mga parke, sa paniwalang naghahatid ito ng pagkakasundo sa mga magkakapamilya at magkakaibigan.

Cherry Blossom Forecast 2015
(Source: Japan Weather Association)

Location                                 Opening                                 Estimated Best Viewing 

Tokyo                                     March 26                                April 1-9
Kyoto                                     March 26                                April 2-10
Kagoshima                             March 25                                April 1-9
Kumamoto                             March 21                                March 29-April 6
Fukuoka                                 March 21                                March 28-April 5
Hiroshima                               March 25                                March 31-April 8
Matsuyama                             March 23                                March 29-April 6
Takamatsu                              March 26                                April 1-9
Osaka                                     March 26                                April 2-10
Nara                                       March 27                                April 2-10
Yoshino                                  April 3                                    April 9-19
Nagoya                                   March 25                                April 1-9
Yokohama                              March 27                                April 2-10
Kanazawa                              April 3                                    April 7-15
Nagano                                   April 11                                  April 15-23
Fukushima                              April 9                                    April 12-20
Sendai                                    April 12                                  April 17-25
Aomori                                   April 24                                  April 28-May 6
Hakodate                               May 2                                     May 5-12
Sapporo                                  May 5                                     May 7-14

Note: The forecast is subject to change due to weather conditions.


           

            

Miyerkules, Marso 4, 2015

Hale nagbabalik sa music scene

Ni Jovelyn Javier

Hale members Sheldon, Champ, Paolo and Roll
Limang taong nagpahinga sa music scene ang alternative rock band na Hale at  ngayong 2015 ay sabik at masayang nagbabalik ang banda sa pamamagitan ng bagong single na “See You” na isinulat ng vocalist na si Champ Lui-Pio. Pinasikat ng banda ang mga kantang “Broken Sonnet,” “The Day You Said Goodnight,” “Kahit Pa,” “Kung Wala Ka,” “Shooting Star,” “Blue Sky,” “Waltz,” “Bahay Kubo” at marami pang iba.

Gitna ng 2004 nang nabuo ang banda na binubuo nina Champ (vocals/guitar), Roll Martinez (lead guitar), Sheldon Gellada (bass), Paolo Santiago (drums) at Geronimo Saroca (drums). Dalawa sa miyembro, ang lead guitarist na si Roll at bassist na si Sheldon ay mga music majors mula sa Unibersidad ng Santo Tomas; si Champ naman ay isang Business Administration graduate ng De La Salle College of Saint Benilde at anak ng respetadong musician na si Nonoy Tan ng grupong “Wadab” noong 1980s at mula naman sa Technological University of the Philippines. Pumirma sila sa EMI Philippines.

Naghiwalay ang mga miyembro noong 2010 para sundan ang kanilang mga personal na interes. Ang miyembrong si Sheldon ay nagpunta ng Canada at nagpakasal, pinagtuunan naman ni Roll ang kanyang sariling musika, nagpatayo naman ng indie record label, ang Mecca Music, si Champ at ang resto-bar na 12 Monkeys kasama ang kapwa musikerong si Chito Miranda.

5 years in the making: The next page and a more mature Hale

Ani Champ, malaking dahilan ng reunion ng grupo ang ideyang alam nilang mayroon pa silang dapat gawin sa industriya ng musika sa bansa, kabilang na rin dito ang magandang samahan ng mga miyembro. Dagdag pa nito, parang pangalawang tahanan na nila ang Hale lalo na tuwing gumagawa sila ng mga kanta at tumutugtog sila.

Nagsimula ang plano ng reunion ng bumalik si Sheldon sa bansa at nakipagkita kina Champ at Paolo. At nitong nakaraang taon, naging abala ang mga miyembro ng grupo sa paghahanda para sa kanilang malaking pagbabalik sa industriya. Mahalaga para sa kanila na synchronize ang lahat at ang mabuong muli ang koneksyon sa mga miyembro. Ginugol naman nila ang natitirang anim na buwan sa recording at
pagsusulat.

Ayon sa mga miyembro, sila pa rin ang mga dating miyembro ng Hale na nakilala ng publiko noon. Kung may nagbago man, ito ay mas marunong na sila ngayon, mas pinapahalagahan na ang isa’t isa at mas objective na sa mga bagay-bagay.

Para sa Hale, nagsisimula sila ulit at sila mismo ay sobrang natutuwa sa kanilang pagbabalik sa musika. Natutuwa ang Hale sa pangalawang pagkakataon na ito para muling tumugtog at ibahagi ang kanilang signature-style alternative rock na unang minahal ng mga Pinoy.  

Natutuwa rin ang banda sa naging tugon ng publiko ng unang mapabalita ang kanilang reunion nang tumugtog sila sa birthday party ni Monty Macalino, vocalist ng grupong Mayonnaise na ginanap sa 12 Monkeys Music Hall & Pub sa Makati kamakailan lang. Sa ngayon, pagtutuunan muna ng pansin ng Hale ang kanilang bagong single ngunit maaaring pinaghahandaan na rin nila ang isang full album.

The story and inspiration of “See You”

Isinulat ni Champ ang See You noong 2011 ngunit hindi sumagi sa isip niyang i-rekord ito bilang solo artist o ibigay sa ibang artist ang kanta. Aniya, itinakda talagang mailabas nila ang kanta bilang isang grupo ulit sa panahong ito. Sa tulong ng mga ka-banda niya sa arrangement ng kanta, natutuwa siya sa resulta na nagawa nila.

Malalim ang inspirasyon ng kanta na tungkol sa isang pag-ibig na hindi nakakalimutan. Ayon kay Champ, may mga tao talagang makikilala mo sa buhay na ito na mag-iiwan talaga ng marka sa’yo na kahit matagal na ang lumipas at anumang paglimot ang gawin ay nananatili pa rin ito. Buking naman ng mga ka-banda ni Champ, tungkol ito sa isang tao mula sa nakaraan ni Champ.

Hale’s early mainstream success earning the label “pogi rock”

Opisyal na inilunsad ang Hale bilang grupo noong 2005 kasabay ng paglalabas ng self-titled album na “Hale” at tampok ang 12 kanta. Ilang beses din na naging nominado ang The Day You Said Goodnight bilang OPM Song of the Year 2005 at nominado naman ang grupo sa Band of the Year at Best New OPM Artist 2005.

Itinuturing ng banda ang bansag sa kanila na “pogi rock” bilang isang papuri kaysa noon na medyo nahihiya sila sa tawag na ito. Dagdag pa nila, ibinigay sa kanila ang pangalang iyon dahil tunay na itinayo nila ang music genre na iyon noong mga panahong iyon.

Naging certified Triple Platinum ang kanilang unang album; certified Gold naman ang pangalawang album na “Twilight” (2006), kung saan kabilang ang mga kantang “Waltz” na paboritong nominado bilang Most Favorite Music Video, “The Ballad Of,” “Hide and Seek,” “Shooting Star” at 10 pang mga kanta; “Above, Over And Beyond” (2008) na may 13 kanta kabilang ang “Pitong Araw,” “Leap of Faith,” “Over And Over (And Over Again)” at “Sandali Na Lang” at “Kundiman” (2009) na may walong mga kanta kabilang ang “Bahay Kubo,” “Kalesa,” “Harinawa” at “Magkaibang Mundo.” 

Available na ang single sa iTunes, Deezer at Spotify mula sa Warner Music Philippines. Mapapanood na rin ang lyric video ng See You sa Hale Music sa YouTube. Ilalabas naman sa susunod na buwan ang isang dokumentaryo tungkol sa pagsisimula at mga pinagdaanan ng banda hanggang sa kanilang pagbabalik. Abangan ang anim pang kanta na ilalabas ng banda.


Martes, Marso 3, 2015

Cardinal Tagle, bumisita sa Japan

Ni Florenda Corpuz
Facebook photo: Roman Catholic Archdiocese of Tokyo


Tokyo, Japan – Bumisita sa bansa ang lider ng simbahang Katoliko ng Pilipinas na si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle mula Pebrero 1 hanggang 3 upang dumalo sa isang pagtitipon sa Osaka.

Dinaluhan ng kardinal ang ika-400 taong kamatayan ni Dom Justo Takayama Ukon noong Pebrero 1. Si Dom Justo Takayama Ukon ay isang Christian Daimyo noong Edo period. Iniwan niya ang nakasanayang buhay at mga pag-aari sa Japan at mas piniling isabuhay ang Catholic Christian faith sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang Daimyo na inilibing sa bansa noong panahon ng Kastila.

Bago bumalik sa Pilipinas ay nagsagawa ng misa si Cardinal Tagle sa St. Mary’s Cathedral sa Tokyo noong Pebrero 2 na dinaluhan ng humigit-kumulang 1,000 mga Katolikong Pilipino at dayuhan.

Nagpahatid ng pakikidalamhati ang kardinal sa mga Pilipino at Hapon kasunod ng pagkakapaslang sa 44 na Special Action Force (SAF) men at ang pagpugot sa ulo ng dalawang Japanese nationals na gawa ng mga terorista.

“The Filipino and the Japanese people are united in grief in our suffering.” pahayag ni Tagle.

“Let our communion and solidarity be translated into common action for truth, love, respect for human life and peace,” dagdag ng kardinal.

Samantala, matapos ang misa ay tuwang-tuwa ang mga dumalo na lumapit at makapagkuha ng litrato kasama ang kardinal sa labas ng simbahan.


Pinakamalaking nail festival sa buong mundo ginanap sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Facebook ng Japan Nailist Association
Nagtipun-tipon ang mga nail artists at nail aficionado mula sa iba’t ibang bansa para daluhan ang pinakamalaking nail festival sa buong mundo, ang Tokyo Nail Expo 2014, na ginanap sa Tokyo Big Sight kamakailan.

May temang “Nail Magic That Brings Happiness,” layon ng dalawang araw na expo na ipamalas ang ganda ng Japanese nail art.

Nagkaroon ng mga programa tulad ng nail competition, stage show, trade show, workshop at free manicure para sa mga dumalo. Naglagay din ng café at museum bilang suporta sa cancer research na Pink Ribbon campaign.

Pinakatampok sa expo ang nail competition sa pagitan ng mga top nailists na nagwagi sa iba’t ibang nail contests sa Japan at maging sa ibang bansa. Pinaglabanan nila ang titulong “Best of the Best” sa kumpetisyon na tinawag na “Naitiful Contest.” Itinanghal na Grand Champion sa professional category si Naomi Ota na tumanggap ng ¥300,000, trophy at kotse mula sa Honda. Ilan pa sa mga nagwagi mula sa iba’t ibang kategorya ay sina Kusakabe Yuko, Kawase Natsuko at Iida Akiko. Sila ay pinili base sa kanilang magagandang mga kuko, buhok, make-up at pananamit.

Inanunsyo rin ang mga napiling “Nail Queen (and King) 2014” na ibinibigay ng Japan Nailist Association (JNA) sa mga artistang may pinakamagandang nail art. Kabilang sa mga napili ay ang figure skater na si Miki Ando (Sports category), Mirei Kiritani  (Actress category), May J (Recording Artist category), Youn-A (Model category), Rola (Talent category), Naomi Kawashima, (Special category) at Matsuya Onoe (Men’s category).

Pinakaabangan din ang paglulunsad ng “Tokyo Nail Collection 2015 S/S” kung saan ipinakita ang latest trends para sa spring at summer na may temang “Gentle and Graceful.” Layon nitong bigyang pugay ang “strength, gentleness, and the sparkle inside in a modern day woman.” Nangibabaw ang kulay na frosty yellow, ang kulay ng haring araw.


Taun-taon, simula 1999, ay isinasagawa ang Tokyo Nail Expo sa pamumuno ng Japan Nailist Association, magandang pagkakataon para sa mga kababaihan upang masilayan ang latest nail trends at beauty products. 

Lunes, Marso 2, 2015

Tokyo Harvest: Pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisda

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Facebook ng Tokyo Harvest
Isa sa mga dahilan kung bakit dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista ang Tokyo ay dahil sa masasarap na pagkain dito kaya naman kilala ang siyudad bilang “City of Gourmet.” At bilang pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisda na naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan, muling isinagawa ang Tokyo Harvest.

Unang inilunsad ang Tokyo Harvest noong 2013 sa pangunguna ng The Tokyo Harvest Committee (Oisix Inc., Cafe Company Inc., Higashi-no-shoku-no-kai Association) kung saan umabot sa humigit-kumulang 30,000 katao ang nakisaya at nakilahok sa mga programang inihanda para sa pagdiriwang.

Sa ikalawang taon ng Tokyo Harvest na ginanap sa Roppongi Hills Arena at iba pang lugar sa lungsod kamakailan, muling kinilala ang malaking ambag ng mga producer ng bansa habang nilalasap ang sarap ng mga autumn harvests. Maraming programa ang inihanda para sa pagdiriwang kung saan nakibahagi ang libu-libong katao mula sa iba’t ibang bansa at umuwing masaya dahil sa mga kakaibang karanasang dito lamang nila naranasan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Cropping experience in Roppongi Hills - Naiibang cropping experience ang naranasan ng mga dumalo sa bukid na inilagay sa gitna ng Arena. Dito ay naranasan nilang maputikan ang mga kamay at paa tulad sa isang magsasaka.

2. Tokyo 2020 Minolympics - Hango sa salitang Hapon na “mino” na ang ibig sabihin ay “harvest,” nagsagawa ng “Minolympic” kung saan nakilahok ang mga manonood sa iba’t ibang palaro tulad ng rice planting competition na may layong maipabatid sa mga tao ang kahalagahan ng bigas sa Japanese staple diet. Si Kumamon, ang mascot ng Kumamoto prefecture, ang nagsilbing cheerleader sa nasabing sports festival.

3. Thanks producers through arts - Kilala ang mga Hapon sa pagkain ng mga hilaw na isda tulad ng sushi. At bilang pagpupugay sa mga mangingisda ng bansa, nagsagawa ng art workshop kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga tao na gumawa ng sariling big-catch banner para ipahiwatig ang kanilang pasasalamat.

4. Feel Japanese autumn in farm market booths - Ang panahon ng taglagas ay ang itinuturing na “harvest season” ng bansa. Sa Tokyo Harvest 2014 ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na matikman ang masasarap na root vegetables, sweet fruits at sweet potatoes na ginagawang yakiimo.

5. Taste Japanese cuisine “umami” - Isa sa pinakamahalagang elemento ng Japanese traditional broth ay ang tinatawag na dashi na may iba’t ibang sangkap at paraan ng pagluluto. Ang mga Japanese cooks ay lumilikha ng lasang tinatawag na umami. Nagkaroon ng mga workshops at kitchen cars upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na gumawa at makatikim ng dashi. Pinatikim din ang umami na gawa nina Yoshihiro Murata, isa sa pinakasikat na washoku cooks, at Ninben, espesyal na dried bonito shop sa Tokyo mula pa taong 1700.

6. In winter, families gather in the living room and eat Japanese pot cooking, “nabe” - Tuwing panahon ng taglamig, pinagsasaluhan ng magkakapamilya ang masarap na nabe – bawat pamilya, sariling recipe. Dahil dito, nagkaroon ng nabe competition sa Tokyo Harvest, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga manonood na matikman ang tatlong klase ng nabe na orihinal na recipe ng tatlong pamilya.

7. Looking at scarecrows - Mayroong 47 prefectures sa buong Japan. Bawat isa sa mga ito ay may sariling scarecrow na ang ilan ay idinisplay sa Arena upang magkaroon ang mga tao na magpa-picture kasama ang mga ito.

8. Music as a common language - Hindi kumpleto ang autumn festival kung walang musika. Nagsagawa ng mga live music performances sa kabuuan ng dalawang araw na programa upang ipagdiwang ang harvest season.

9. Pounding on a rice cake - Naniniwala ang mga Hapon na sa buwan (moon) ginagawa ng mga kuneho (rabbit) ang rice cake dahil sa pagkakatulad ng ilaw at anino ng buwan sa kuneho na nagbabayo ng rice cake gamit ang malyete. Pinatikim sa mga dumalo ang sarap ng freshly pounded rice cake.

10. Do you really know about what you eat? – Ginanap ang harvest quiz rally upang magbigay kaalaman tungkol sa pagkaing Hapon. Sinagot ng mga kalahok ang limang katanungan para makakuha ng stamps na maaaring ipalit sa masarap na vegetable juice.


Linggo, Marso 1, 2015

Mula Teatro Hanggang Pelikula: Ang Pagdating ng ‘Imbisibol’ sa Japan

Ni Herlyn Alegre


Kuha ni Boy Yniguez
Noong nakaraang buwan ay dumating si Direk Lawrence Fajardo sa Japan kasama ang iba pang miyembro ng aming grupo mula sa Pilipinas upang i-shoot ang aming independent film na pinamagatang “Imbisibol.” Ang “Imbisibol” ay isa sa anim na entries ng “Sinag Maynila” isang bagong local film festival na nabuo mula sa pagtutulungan ng award-winning director na si Brillante Mendoza at Solar Entertainment, Inc. Ang festival ay nakatakdang ilunsad sa Pilipinas ngayong Marso.

Unang itinanghal ang “Imbisibol,” na isinulat ko bilang dulang may isang yugto, noong 2013 sa Tanghalang Huseng Batute, Cultural Center of the Philippines bilang bahagi ng Virgin Labfest 9 – isang taunang festival ng mga dula na nagbibigay oportunidad sa mga manunulat, baguhan man o batikan, na maitanghal sa kauna-unahang pagkakataon ang kanilang mga “birheng” katha na hindi pa naipalabas o nailimbag.

Ang mga artistang gumanap dito ay sina Lou Veloso, Lui Manansala, Only Torres at Junjun Quintana. Nang sumunod na taon ay muli itong itinanghal sa Virgin Labfest 10 kung saan pinalitan nina Bernardo Bernardo at Ces Quesada sina Veloso at Manansala. Ang stage play version ng “Imbisibol” ay idinirehe rin ni Lawrence. Dito kami unang nagkasama sa trabaho at parehas kaming naging interesado sa mga buhay ng kapwa Pilipino nating nagtatrabaho sa ibang bansa. Si Lawrence ay umani na ng maraming parangal sa iba’t ibang international festivals. Ilan sa kanyang pelikula ay ang “Amok,” “Posas” at ang Metro Manila Film Festival 2012 entry na “The Strangers.”

Ang “Imbisibol” ay tumatalakay sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipinong “bilog” sa Japan – sila iyong mga nanatili sa Japan ng walang legal visa o mas kilala sa tawag na TNT, pinaiksing salita para sa Tago ng Tago.

Sinusundan ng pelikula ang buhay nina Benjie, isang matandang bilog na gusto nang umuwi sa kanyang pamilya; Linda, isang Pilipinang dating nagtatrabaho sa gabi at nakapag-asawa ng Hapon; Manuel, isang hosto na adik sa sugal at lubog sa utang; at Rodel, isang batang bilog na puno pa ng pag-asa at pangarap na mabibigyan niya ng magandang buhay ang anak sa Pilipinas. Itinatampok sa pelikula sina Bernardo Bernardo bilang Benjie, Ces Quesada bilang Linda, Allen Dizon bilang Manuel at JM De Guzman bilang Rodel. Mayroon din na espesyal na partisipasyon sina Ricky Davao at Cynthia Luster.

Mula noong 1980’s, marami sa ating mga kababayan ang nagpunta ng Japan upang magtrabaho. Marami sa kanila ang umuwi matapos ang ilang taon, pero marami rin ang nagdesisyong manatili kahit na nag-expire na ang kanilang mga visa. Tiyak na pamilyar tayo sa ganitong kwento. May mga kapamilya o kakilala tayo na nangibang-bansa at nagtrabaho. Marami na rin na pelikula ang nagpakita ng ganitong mga istorya, pero sa pagkakataong ito, gusto naming gawing “totoong tao” ang mga karakter sa pelikula. Hindi iyong patuloy na “niro-romanticize” sila bilang mga bagong bayani.

Ang mga kababayan natin na nagtatrabaho at nagsisipag para sa ikagiginhawa ng kanilang mga pamilya ay mga totoong tao – may sari-sariling mga problema at pangangailangan, may kanya-kanyang takot at pag-aalinlangan. Kinikilala ng “Imbisibol” ang katotohanang bawat isa ay may inner struggles na nakakaimpluwensya sa desisyon nilang maging imbisibol at maglaho. Ika nga, “everday is a fight not for existence, but for non-existence.” At sa patuloy nilang pagtatago, nagiging imbisibol sila sa iba’t ibang aspeto – sa kanilang mga pamilya, sa kapwa Pilipino, sa batas, pati na rin sa kanilang mga sarili.


Samahan natin sina Benjie, Linda, Manuel at Rodel sa mga pakikipagsapalaran nila sa buhay trabaho, buhay pamilya at buhay pag-ibig sa Japan. Ipapalabas ang “Imbisibol” ngayong Marso sa mga piling SM Cinemas sa Pilipinas. Ang “Imbisibol” ay kinunan sa Fukuoka at Hokkaido sa tulong at suporta ng Fukuoka Film Commission, Fukuoka Independent Film Festival at Chinzei Group. 

Washi: Simbolo ng kakayahan ng mga Hapon

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa website ng UNESCO (© Agency for Cultural Affairs, 2013)
Nangunguna ang Japan sa listahan ng mga high-tech na bansa sa buong mundo. Ngunit sa kabila ng makabagong teknolohiya at progresibong pamumuhay ng mga tao rito, patuloy nilang pinapahalaganan at pinagyayaman ang kanilang kultura tulad na lamang ng paggawa ng traditional Japanese handmade paper o “washi” na noong Nobyembre 2014 ay napasama sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage.

Kasaysayan ng washi

Ang washi ay nag-ugat sa mga salitang Hapon na “wa” na ang ibig sabihin ay “Japanese” at “shi” na ang kahulugan naman ay “paper.” Sa China, unang ginawa ang papel noong unang siglo at ang sining nito ay dinala sa Japan ng mga Buddhist monks noong 610 AD na gumagawa nito para sa pagsusulat ng mga sutra. Nakarating sa Europa ang kaalaman sa paggawa ng papel noong ika-13 siglo.

Noong huling bahagi ng 1800’s, umabot sa humigit-kumulang 100,000 pamilyang Hapon ang gumagawa ng papel gamit ang kanilang mga kamay. Bumaba ito sa 479 noong 1983 matapos ipakilala ng Europa ang mechanized papermaking technology. Sa ngayon ay tatlong komunidad na lamang sa Japan ang gumagawa nito: Misumi-cho sa Hamada City, Shimane Prefecture: Mino City sa Gifu Prefecture; at Ogawa Town/Higashi-chichibu Village sa Saitama Prefecture.

Raw materials at paraan ng paggawa

Ang washi ay gawa mula sa mga hibla ng kozo tree o paper mulberry at ginagamit sa paggawa ng mga sulat, libro, paper screens, room dividers at sliding doors. Binababad ito sa malinaw na tubig-ilog, pinapakapal at sinasala sa pamamagitan ng bamboo screen. Pinapatuyo ito sa kahoy o metal boards.

Tungkulin ng mga tao sa komunidad na gumagawa nito ang panatilihing buhay ang craftsmanship na ito – mula sa paglilinang ng halaman ng mulberry, mga paraan o techniques at ang paglikha ng mga bagong produkto upang i-promote ito sa loob at labas ng bansa.

Pagpapayaman sa washi

Ipinapamana ang kaalaman sa washi papermaking sa pamamagitan ng tatlong paraan: Una sa pagitan ng pamilya, pangalawa sa pamamagitan ng mga asosasyon at pangatlo ay ang pangangalaga ng mga lokal na pamahalaan ng lugar.

Itinuturo ng washi master ang technique na minana pa nila mula sa kanilang mga magulang sa mga miyembro ng pamilya o ‘di kaya ay mga trabahador. Ang pamamaraan at tradisyong ito ay nagsisilbing cultural identity ng bawat komunidad.


UNESCO Intangible Cultural Heritage of Humanity

Napagdesisyunan sa 9th Session of the Intergovernmental Committee for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage na ginanap sa Paris, France na isama ang washi sa listahan ng UNESCO Representative List of the Intangible Cultural Heritage of Humanity na kinabibilangan ng “Hosokawashi” mula sa Saitama Prefecture, “Honminoshi” mula sa Gifu Prefecture at “Sekishubanshi” mula sa Shimane Prefecture. Ito ay dahil patuloy ang mga taong gumagawa nito sa paggamit ng mga tradisyonal na pamamaraan.

“The Washi is the symbol of ‘Japanese skill’ of which we have to be proud of. The elegant Japanese washi catches the world’s attention not only in the field of arts but also various areas, since it is used for restoration of cultural properties and for ecological products, by making use of its durability and tenacity,” pahayag ni Foreign Minister Fumio Kishida.

“We are committed to succeed this Washi to the next generation, and promote its excellent value to the world,” dagdag pa nito.

Ang washi ay ang pang-22 Intangible Cultural Heritage Registrations ng Japan.