Linggo, Hunyo 12, 2016

Epekto ng social media sa mga OFWs

Ni Rey Ian Corpuz

Ang social media ay ang paggamit ng mga website o applications na nagbibigay ng oportunidad sa mga tao upang makipag-usap o makisalamuha sa pamamagitan ng pag-post o pagsagot ng mga nilalaman nito tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba.

Simula nang naging mas pangkaraniwan ang iPhone kaysa sa mga flip-top cellphones dito sa Japan, mas dumami ang gumagamit na mga OFWs ng social media sites. Lalo pa nitong pinarami ang bilang ng mga gumagamit noong nagkaroon ng lindol noong March 11, 2011 na kung saan mas naging mainstream ang pagpasa ng impormasyon at komunikasyon ng mga OFWs sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa Japan at maging sa kanilang kamag-anak sa Pilipinas at ibang bansa.

Sa ngayon walang aktwal na datos ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) o Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o kahit embahada kung ilan ang mga OFWs dito sa Japan ang may e-mail, Facebook, Twitter o Instagram upang makipag-ugnayan sa kamag-anak o kaibigan. Pero ang tiyak ay halos lahat ng mga Pilipino ay nagbababad sa social media halos buong araw. Sa realidad, mas nakadepende tayo sa social media para sa halos lahat ng bagay.

Benepisyong naibibigay ng social media sa mga OFWs
1. Balita at impormasyon. Noon, kailangan pa nating i-access ang websites ng bawat news agencies like Inquirer at GMA pero ngayon, kailangan mo lang i-like at i-add ang kanilang mga pages o accounts at automatic na lalabas ang kanilang mga news sa iyong Facebook page.

2.  Palabas sa TV tulad ng drama at sitcom sa Pilipinas. May mga free content minsan na ina-upload ang mga sikat na channels sa Pilipinas na pwede nating panoorin. Pero mas marami pa rin ang mga illegal na ina-upload sa iba’t ibang sites pati na rin sa Facebook. Sa pamamagitan nito, mas nakakatipid ang mga OFWs kaysa mag-subscribe sa kanilang produkto.

3. Tawag, video call at chat sa mga kaibigan at kamag-anak. Noon, kailangan mong bumili ng call cards tulad ng KDDI na pang-tawag abroad o ‘di kaya ay mag-load ng Brastel. Ngayon kailangan lang may internet ka upang matawagan o makausap mo sila. Maliban sa LINE at Viber, ang Skype, Yahoo Messenger, at Facebook ay mas sikat para sa mga video calls. Mas tipid sa gastos dahil hindi mo na kailangan bumili ng call cards hindi kagaya noon.

4.  Nalalaman natin ang lokasyon ng bawat isa. Dahil sa check-in feature ng Facebook, pwede nating ipaalam na pumunta ka sa ganitong lugar. Malalaman din natin kung sino sa mga kaibigan o kamag-anak natin ang nakapunta na sa ganitong lugar sa pamamagitan ng feature na ito.


5.   Alam natin ang pagkain o lugar dahil sa litratong kinuha. Ang turo ng mga madre sa amin dati sa Catholic school ay dapat magdasal muna bago kumain. Ngunit sa panahon ngayon, picture muna ng pagkain o selfie bago kumain. Nakakatakam at minsan nakakainggit ang mga pino-post ng mga kaibigan natin sa social media.

6.  Nakakapanood tayo ng live broadcast dahil sa Facebook. Sa panahon ng kampanya noong eleksyon, nakakapanood tayo ng live broadcast sa kampanya ni Mayor Duterte sa tulong ng live streaming ng Facebook.


7.   Nakakahingi kaagad tayo ng saklolo sa oras ng kagipitan. Ang mga OFWs sa ibang bansa na namaltrato o naabuso ay pwedeng mag-record ng video at i-post ito sa Facebook para humingi ng saklolo. Marami nang mga OFWs ang na-rescue dahil naging “viral” ang kanilang mga videos.

8.   Nakakakuha tayo ng kasagutan at opinyon sa ibang tao. Malaking tulong ang social media upang sumangguni sa opinyon ng ibang tao. Tulad ng mga tanong na, “Okay ba sumakay sa Jetstar pa- Manila?,” “Anong resort ba ang pinakamura at maganda sa Boracay?,” “Bukas ba ang embassy this Friday?” at marami pang iba.

9.   Kahit sino pwedeng maging blogger o reporter. Kahit sino pwedeng maging reporter o blogger. Gawa ka lang ng page at mag-post ka ng mga updates with pictures.

10. Mas naging mapagmasid tayo sa mga kalokohan ng nasa posisyon. Sa nakaraang limang taon, maraming mga kalokohan na ang nakunan ng video na nai-upload sa Facebook at YouTube ang kumalat na kung saan ito ay nagbigay ng kasagutan sa mga naging biktima.  

11. Mas madaling sumikat sa social media. Maraming naging instant sikat sa social media. Kung hindi napapansin ang iyong talento subukan mong i-upload ito sa Facebook o Youtube.

12. Pagbebenta ng mga produkto o serbisyo. Noon, kailangan house-to-house o word of mouth. Limang taon noon, kailangan may website ka kung gusto mong magbenta ng mga produkto. Ngayon, social media lang ang kailangan mo. Lahat pwedeng i-benta (pwera lang illegal), picture lang at i-post. Sa Japan, karaniwang negosyo ng mga OFWs ay mga bags, damit, mga 2nd hand na gamit at minsan mga decorative cakes na pang-birthday.


13. Public information campaign/support group ng komunidad. Kung kayo ay may organisasyon, pwede kayong gumawa ng Facebook page na pwede ninyong gamitin upang magpalitan ng mga ideya at impormasyon.

Huwebes, Hunyo 9, 2016

Ise Jingu: Isa sa pinakabanal na Shinto shrine sa Japan

Ni Florenda Corpuz
           

Sa mahigit 80,000 Shinto shrines sa buong Japan, itinuturing ang Ise Jingu na isa sa pinakabanal dahil sa mga Japanese cypress trees o “hinoki” na makikita rito. Ang kahoy ng punong ito ang ginagamit sa paggawa ng mga shrines at temples mula pa noong unang panahon.

Matatagpuan sa Ise City, Mie Prefecture, ang Ise Jingu ay kilala sa pangalang “Ō-Ise-san” o “Jingu” at binubuo ng 125 Shrinto shrines o “jinja” na sumesentro sa paligid ng Kotaijingu (Naiku) at Toyo’uke-daijingu (Geku).

Ang Ise Jingu ay halos kasing-laki ng siyudad ng Paris.

Kasaysayan

Noong unang panahon, sinasamba ng mga emperador ang goddess of the sun na si Amaterasu-omikami sa Imperial Palace. Inilipat ang Holy Mirror na simbolo nito sa panunungkulan ni Emperor Sujin. Muli itong inilipat noong panunungkulan ni Emperor Suinin sa Ise matapos niyang utusan ang kanyang prinsesa na si Yamatohime-no-mikoto na gawin ito.

Inilipat din dito ang goddess of agriculture and industry na si Toyo’uke-no-omikami mula Kyoto.

Main Sanctuaries

Kotaijingu (Naiku)

Ang Kotaijingu (Naiku) ay itinuturing na pinakabanal na shrine sa buong bansa. Ito ay alay kay Amaterasu-omikami na sinaunang deity ng Imperial family.

Toyo’uke-daijingu (Geku)

Ang Toyo’uke-daijingu (Geku) ay alay para kay Toyo’uke-no-omikami ang deity na nagbibigay ng banal na pagkain kay Amaterasu-omikami at tagapagbantay ng damit, pagkain at tirahan.

Ritwal at seremonya

Nasa halos 1,500 na ritwal at seremonya ang isinasagawa rito taun-taon para ipagdasal ang kasaganaan ng Imperial family, kapayapaan sa buong mundo at masaganang ani. Ito ay isinasagawa ng mga pari ng shrine sa ilalim ng direksyon ng emperador. Ang mga ritwal na ito ay nahahati sa tatlong grupo: regular na ritwal na ginagawa araw-araw at taun-taon; natatanging ritwal na isinasagawa tuwing may espesyal na okasyon para sa benepisyo ng Imperial family, ng bansa at ng Jingu; at ang ritwal para sa Shikinen Sengu na ginagawa tuwing kada 20 taon.

Tuwing may mahahalagang ritwal, nagpapadala ang Emperor ng alay na textiles na tinatawag na “heihaku.”

Naka-base ang taunang ritwal sa cycle ng rice cultivation. Ang Kanname-sai ang pinakamahalagang seremonya ng taon kung saan inaalay ng pari ang unang ani ng bigas sa shrine na sinasamahan ng dasal ng pasasalamat kay Amaterasu-omikami.

Isinasagawa ang taunang ritwal sa Ise Jingu sa mga sumusunod na petsa: Enero 1 - Saitan-sai; Enero 3 - Genshi-sai, Pebrero 11 - Kenkoku-kinensai, Pebrero 17 - Kinen-sai; Mayo 14 - Kazahinomi-sai at Kammiso-sai; Hunyo 15-25 - Tsukinami-sai, Agosto 4 - Kazahinomi-sai, Oktubre 14 - Kammiso-sai, Oktubre 15-25 Kanname-sai, Nobyembre 23-29 Niiname-sai - Disyembre 15-25 - Tsukinami-sai at Disyembre 23 - Tencho-sai. Habang ang araw-araw na ritwal naman ay Higoto-asa-yu-omike-sai.

Kada 20 taon ay nagtatayo ng bagong divine place na ang dimensyon ay tulad ng sa kasalukuyan sa alternate site na katabi ng main sanctuary. Muli rin ginagawa ang mga banal na kagamitan na ilalagay sa loob nito. Nililipat din dito ng mga pari ang Holy Mirror o Shikinen Sengu. Umaabot sa walong taon ang pagsasagawa ng ritwal na ginaganap sa Geku at iba pang jinja sa loob ng Ise Jingu. Unang isinagawa ang ritwal noong 690 sa panunungkulan ni Emperor Jito. Huli naman itong ginawa noong 2013.

Okage Yokocho

Sa harap ng Ise Jingu ay matatagpuan ang Okage Yokocho na binuksan noong 1993. Sa loob nito ay makakabili ng iba’t ibang lokal na produkto tulad ng pagkain, inumin at iba pang souvenirs ng lugar.

Kahalagahan ng Ise Jingu

Naniniwala ang mga Hapon na dapat silang makabisita sa Ise Jingu kahit isang beses bago sila mamatay dahil sa kabanalan ng shrine.


Inaasahan ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista rito sa nalalapit na G7 Ise-shima Summit na gaganapin sa Mayo 26-27. 

Kalagayan ng Pinoy nurses at caregivers sa Japan

Cesar V. Santoyo

Naging tampok na usapin sa ilang mga pahayagan sa Japan ang mga Pilipino nurses at caregivers na kumuha ng mga pagsasanay at examination subalit bumalik sa Pilipinas kabilang ang mga nagpakahirap at nakapasa.  Hindi biro ang paglalakbay ng ating mga kababayang nurse at caregiver na halos hindi maisip kung papano maipapasa ang programang aral-trabaho.

Sa isang pahayagan ay may nakalathalang winika ang isa nating kababayan na umuwe ng bansa matapos ang isang taong deployment sa Japan, “ang aming paglalakbay ay imposibleng misyon. Hirap na hirap kami sa aming pisikal, isip at emosyonal na kalagayan habang nag-aaral para pumasa sa Board Exam kasabay ng aming pagtatrabaho. Puwersado kaming mag-aral kahit sa araw ng aming pamamahinga.”

Ang 33-taong-gulang na nurse na ayaw magpakilala ay isa lamang sa mahigit 1,200 Filipino nurses at caregivers na tinanggap ng Japan simula taong 2009 sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Agreement (JPEPA).

Sa ilalim ng kasunduan ang ating mga kababayang nurse at caregivers ay sasailalim sa pag-aaral at pagsasanay ng Japanese, training ng Japan health facilities, at sa huli ay ang pagkuha ng licensing at exam bilang nurse at caregiver. Ang mga pumasang kandidato ay nabibigyan ng working visa, lisensya para sa trabaho at tumulong sa papatandang populasyon ng Japan at paglaki rin ng kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan.

Sa kasalukuyan habang isinusulat ito, sa mga bagong batch ng 60 nurses at 275 caregivers ay kailangan na kumpletuhin ang anim na buwan na kurso sa Japanese language at culture sa Pilipinas bago mai-deploy sa Japan sa susunod na buwan ng Hunyo.

Isang reklamo rin ang papalit-palit na kundisyon sa pagpapasahod at kasunduan sa kontrata kapag nagsimulang magtrabaho sa Japanese hospital. Para mahimok na tapusin ang programa ay hinahayaan na lamang gayahin ang ginagawa ng Japanese na kasama sa trabaho imbes na matoka sa ibang gawain.

“Kung maibabalik ko lamang ang oras ay hindi ko pipiliin na isakrapisyo ang aking career bilang public nurse sa Pilipinas at ang aking pamilya,” wika ng ating kababayang nurse.

Mayroon din naman na ilan sa ating mga kababayan ang mga nakapasa ng nursing board exam. Naging dahilan ito para makapanatili sa Japan subalit hindi kasama ang pagtaas ng suweldo. Dahil sa iba’t ibang rason, marami rin sa kakarampot na bilang ng mga nakapasa sa nursing board exam ng Japan ang nagdesisyon na umuwi na lamang sa lupang tinubuan.

Sa pagsusuri sa laman ng mga pahayagan na naglathala ng kalagayan ng mga Pinoy nurses at caregivers ay nagsasabing hindi epektibo ang programang ito. Hindi nabibiyayaan ang mga nurses at caregivers sa maayos na sweldo at matiwasay na pamumuhay na may sapat na araw ng pahinga.

Ang buong kalakaran, proseso at pagpapatupad sa pagpapadala ng mga nurses at caregivers ay itinakda sa ilalim ng JPEPA, ang bilateral na kasunduan ng Japan at Pilipinas na nilagdaan noong taon 2008. Sa kasunduan, ang mga Filipino nurses ay pinahintulutan na magtrabaho sa Japan sa level ng trainee at sa pinakamababang posisyon sa linya ng gawain ng nurse. Sa panahon na isinusulat ang mga probisyon sa JPEPA, ang sahod na itinakda ay US$400.00 kahit na ang minimum living standard ay US$1,000.00.

Ang JPEPA ang nagtakda ng imposibleng panahon upang ang ating mga kababayang nurse ay makatugon sa mga pangangailangan. JPEPA ang nagtakda ng anim na buwang pag-aaral ng Nihongo at maging ang pag-aaral at pagtatrabaho ng sabay-sabay. At dahil sa isang kasunduan ng dalawang bansa ang ginagalawan ng mga kababayan nating nurses ay wala rin itong probisyon kung saan idudulog ang mga karaingan lalo na’t may pang-aabuso o iba pang kadahilanan kagaya ng paglabag sa karapatan ng tao.

Hindi binigyan ng mga naghuhubog ng kasunduan JPEPA na magkaroon ng pinakaposibleng probisyon sa mga Pinoy nurses dahil sa ang mga nurses mula sa Indonesia ay required lamang ng dalawang taong work experience at tatlong taon na kurso sa nursing na walang nursing board exam. Bago ang ating mga kababayan na nurse ay makatuntong sa Japan, kailangan muna ang tatlong taong work experience pagkatapos ipasa ang Philippine Nursing Board Exam.

Sa kagustuhan ng marami sa ating mga kababayan sa Pilipinas ay makapagtrabaho sa Japan, maaaring ang pagpapadala mula Pilipinas ng mga Pinoy nurses ng Japan ay ginamit bilang palamuti lamang para maging popular at katanggap-tanggap sa publiko ang JPEPA lalo na sa panahon na malakas ang pagtutol laban sa JPEPA. Sa ilang libong nurses na hindi makapasa at makatagal sa Japan, milyon-milyong dolyar naman ang natitipid ng mga Japanese corporation sa free trade at tax exemption sa ilalim ng JPEPA.

Kung sakali man na ang mga pahayagan sa Japan ay nakikitang ang ating mga kababayan nurses ay hindi masaya sa gawain, dapat lamang na maging malinaw sa atin na ang kadahilanan ng mga ito ay nag-uugat sa JPEPA. Ang hindi pantay na kasunduan ng Pilipinas at Japan na walong taon nang ipinapatupad.

Marami pa na mga hindi patas na kasunduan ang nilagdaan ng mga nagdaang pangulo ng Pilipinas. Sa tagumpay ng bagong presidente ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte, ang sigaw ng pagbabago ay kailangan na itagos sa patas na kasunduan sa mga bansa. Maililigtas sa kahirapan ang sambayanan sa pagbabago ng mga hindi patas na kasunduan ng Pilipinas sa mayayamang bansa.




Paano kakayanin ang kawalan at pagluluksa?

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Napakabilis ng panahon kaya hindi natin namamalayan na tumatanda na tayo at nagiging mahina kung hindi man masasakitin, bakit nga kaya? Ito ay dahil sa ating mga iniisip, kinakain, at kaugalian lalung-lalo na kung tayo ay malayo sa ating mga minamahal sa buhay gaya nating mga nasa abroad na tinatawawg na mga modernong buhay na bayani.

Samakatuwid, kung hindi man tayo ang naiwan o nawala ay maaaring ang kabaligtaran nito ang mangyayari sa ating buhay. Kailangan nating tanggapin na walang ligtas sa kamatayan katulad na lamang ng pagpanaw ng aking ama kamakailan. Ang pagkawala ng minamahal sa buhay ay isa sa pinakamasakit at pinakamahirap harapin. Subalit, kailangan nating harapin ang pagluluksa at kawalan.

Ang ating pag-iisip ay dapat unti-unting matanggap o matanto na lahat ng mga pangyayari sa ating buhay ay may dahilan at mas maging positibo dahil kung hindi ay tayo naman ang magkakasakit o mawala ng wala sa panahon.

Sabi nga ng mga psychologists, “loss is an inevitable part of life, and grief is a natural part of the healing process. The reasons for grief are many, such as the loss of a loved one, the loss of health, or the letting go of a long-held dream. Dealing with a significant loss can be one of the most difficult times in a person’s life.”

Gaano ba dapat katagal ang ating pagluluksa?

Ang haba ng pagluluksa ay iba’t iba sa bawat tao. Ang mahalaga ay unti-unti nating tanggapin ang mga pangyayari at ipaubaya sa Diyos ang lahat.

Dagdag pa ng mga psychologists, “although it can be quite painful at times, the grief process should not be rushed. It is important to be patient with yourself as you experience your unique reactions to the loss. With time and support, things generally do get better. However, it is normal for significant dates, holidays, or other reminders to trigger feelings related to the loss. Taking care of yourself, seeking support, and acknowledging your feelings during these times are ways that can help you cope. ”

Ano ang mga normal o common grief reactions? One may feel sad or depressed; experience separation anxiety, nervousness, or fearfulness; sumasakit o nanghihina ang katawan lalo na ang puso; nagkaka-allergy sa balat dahil sa dinadalang emosyon; nagiging tulala paminsan-minsan; nawawalan ng pag-asa sa buhay; galit sa buhay o nawawala ang pananampalataya sa Diyos.

Ang pagluluksa ay dapat tingnan bilang proseso para sa paggaling physically, emotionally, psychologically, and spiritually.  Ayon sa University of Texas Counseling and Mental Health Center (UTCMHC), “it is important to note that the grief process is not linear, but is more often experienced in cycles. Grief is sometimes compared to climbing a spiral staircase where things can look and feel like you are just going in circles, yet you are actually making progress.”

How can one be of help to others who are grieving? Iyong ibang tao kung hindi sila ang namatayan o nawalan ay parang wala lang o walang pakialam. Ngunit dapat nating isipin na ang pakikiramay sa iba hindi lang sa salita kundi na rin sa pagdarasal sa mga yumao ay para na rin sa taong nag-aalay ng dasal o sumusuporta sa mga nangungulila.

Kung kausap natin ang isang nangungulilang tao, ang mga sumusunod na payo ng UTCMHC ay dapat nating gawin: “be a good listener, ask about their feelings, just sit with them, share your feelings, ask about their loss, remember the loss, make telephone calls, acknowledge the pain, let them feel sad, be available when you can, do not minimize grief, talk about your own losses.”

Lagi po nating tandaan that “no man is an island,” lahat po tayo ay konektado sa bawat isa, magkamag-anak man o hindi, magkakilala man o hindi. Kaya mahalaga pong ipagdasal din natin ang mga maysakit, nangungulila, at mga yumao, upang sa gayon ay mabiyayaan din po tayo ng Diyos ng awa at pag-asa sa buhay.

   

Martes, Hunyo 7, 2016

Divas Live: Pagsasanib-pwersa ng lima sa pinakamagaling na female artists sa bansa



Sa kauna-unahang pagkakataon, isang espesyal at katangi-tanging kolaborasyon ang magaganap sa pagitan nina R&B Queen Kyla, Pop-Rock Princess Yeng Constantino, Queen of Theme Songs Angeline Quinto, Soul Supreme KZ Tandingan, at West End Diva Rachelle Ann Go sa iisang entablado na mangyayari sa Nobyembre 11 ngayong taon sa Araneta Coliseum. Lahat sila ay contract artists ng Cornerstone Talent Management.

Kaabang-abang kung paano ang magiging kumbinasyon ng limang boses na magkakaiba at may sari-sariling istilo.

Magkakaiba man, lahat silang lima ay nagsimula sa industriya sa pamamagitan ng singing contest. Si Kyla, unang sumali sa Tanghalan ng Kampeon ngunit una siyang nanalo sa Hamon sa Kampeon ng DZRH noong 1991. Si Rachelle Ann naman ay nagsimula sa Search for a Star ng GMA-Viva noong 2004 bilang grand champion nito.

Itinanghal naman na grand star dreamer si Yeng sa unang edisyon ng Pinoy Dream Academy sa ABS-CBN noong 2006. Para kay Angeline naman, bilang winner ng Star Power: Search for the Next Female Pop Superstar noong 2011. X-Factor Philippines naman ang kay KZ nang manalo ito noong 2012 sa unang edisyon ng contest.

R&B Queen

Pinakamatagal na sa industriya sa kanilang lima si Kyla na kamakailan lang ay nag-uwi ng parangal sa Myx Music Awards para sa favorite remake at favorite media sountrack (On The Wings of Love). Mula nang makitaan siya ng potensiyal ni Al Quinn, naging bahagi na siya ng That’s Entertainment, naging kinatawan ng bansa sa 4th Yamaha Music Quest sa Japan noong 1995, third prize sa Metropop Young Singers’ Competition hanggang sa pumirma siya ng recording deal sa EMI Philippines.

Inilabas niya ang kanyang debut album noong 2000, ang “Way To Your Heart” ngunit ang piano-driven ballad na “Hanggang Ngayon” ang kanyang breakthrough hit, ang kanta na nagpanalo sa kanya bilang MTV Viewers’ Choice for Southeast Asia sa 2001 MTV Video Music Awards at siyang kauna-unahang East-Asian female artist na makakuha ng parangal sa MTV VMA. At mula noon, sunud-sunod na parangal na ang natanggap ni Kyla sa industriya. Mayroon na siyang walong studio albums, isang EP, at apat na compilation.

West End Diva

Itinaas naman ni Rachelle Ann ang bandila ng bansa sa London kamakailan nang gumanap siya bilang Gigi Van Tranh sa pinakabagong edisyon ng “Miss Saigon” sa West End at nasundan ito ng isa pang malaking pagganap sa “Les Miserables” bilang si Fantine. Nagtanghal din si Rachelle Ann kasama ang iba pang cast ng musical kamakailan sa bansa. Siya rin ang napili ng Disney para kantahin ang “A Dream is a Wish Your Heart Makes” para sa 2015 live-action Cinderella movie. 

Bago sumabak sa ibang bansa, aktibo na si Rachelle Ann sa musicals dito sa bansa gaya na lang ng debut musical role niya bilang Ariel sa The Little Mermaid at bilang Jane Porter sa “Tarzan.” Nagwagi rin ng Silver Prize ang kanyang kantang “From the Start” sa Shanghai Music Festival 2005 at Best Song para sa “Isang Lahi” sa Astana International Song Festival 2005 sa Kazakhstan.

Pop-Rock Princess

Kung mayroon isang kantang nagbunsod sa karera ni Yeng, ito ang“Hawak Kamay” na unang narinig habang nasa PDA pa siya, ngunit isinulat niya ito noong 14-taong-gulang pa lang siya. Inspirasyon ng kanta ang kanyang malapit na pinsan na umalis para manirahan sa ibang lugar. Naging bahagi ang kanta kalaunan ng kanyang debut album na “Salamat” at theme song ng pelikulang “Kasal, Kasali, Kasalo.”

Sari-saring parangal din ang natanggap na ni Yeng at mayroon nang limang studio albums at naging bahagi ng maraming compilation albums. Sumabak na rin siya sa pagpepelikula sa indie film na “Shift”, hosting sa “The Voice Kids” at kasalukuyang hurado sa “It’s Showtime – Tawag ng Tanghalan.”

Queen of Theme Songs and Soul Supreme

Ilang pagsubok din muna ang dinaanan ni Angeline bago nakapasok sa industriya. Sumali muna siya sa maraming contest bago siya nagwagi sa Star Power. Malaki naman ang paghanga niya kay Asia’s Songbird Regine Velasquez na itinuturing niyang inspirasyon at impluwensiya.

Gaya nina Kyla, Rachelle Ann at Yeng, isa ring platinum artist si Angeline na may lima nang studio album. Napanood na rin siya sa pelikula, “Born to Love You,” “Four Sisters and a Wedding,” “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?” at “Beauty in a Bottle.”


Napahanga naman ng “Mahal Ko o Mahal Ako” singer na si KZ ang lahat nang kumanta siya ng jazzy version ng “Over the Rainbow” at rapping skills sa “Ready or Not.” Naging bahagi rin siya ng Himig Handog P-Pop Love Songs sa kantang “Scared to Death” na nagwaging 4th place. Nagpakita rin siya ng kakaibang talento sa The Singing Bee nang manalo siya dito, gayondin bilang 4th place sa finals ng “Your Face Sounds Familiar Season 2 kamakailan. 

Digital dementia: A looming brain health concern


“New technology is not only changing our lives. It is also changing our brains.” – Dr. Gary Small

Marami sa atin ngayon ay labis na nakadepende na sa mga electronic devices gaya ng smartphone, game console, tablet, laptop at iba pang pinapatakbo ng teknolohiya o sa madaling salita ay mga “digital natives.”

Bagaman normal na itong bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng sinuman dala ng kahalagahan nito sa trabaho at modernong lipunan, may nagbabadyang hindi magandang epekto ang sobra-sobrang paggamit ng mga digital devices, partikular na sa kalusugan ng pangkaisipan.

Growing concern

Tinawag ang kundisyon na ito na digital dementia. Binuo ang termino ni German neuroscientist Manfred Spitzer sa kanyang aklat na may parehas na pamagat. Ayon dito, inilalarawan ng digital dementia kung paanong ang sobrang paggamit ng teknolohiya ay nagiging dahilan ng paghina ng cognitive abilities. Dagdag pa nito, ang paghina ng cognitive abilities at behaviour patterns na dulot ng digital dementia ay maihahalintulad sa mga mayroong psychiatric condition, head injury at maging drug addicts.

Kabilang din sa mga senyales nito ang laging makakalimutin, walang konsentrasyon, irritable, pagbabago ng interpersonal behaviour, lack of empathy, poor human contact skills, attention deficit, emotional disturbance, at short-term memory dysfunction.

Aniya, nawawalan din ng balanse ang utak at nagkakaroon ng pinsala sa kanang bahagi nito dahil sa mga nabanggit na sintomas.

Massive Internet, social media use and common effects

Ipinahayag ni Dr. Small (UCLA psychiatrist) na nasa bansa kamakailan para sa 5th annual Herbalife Asia Pacific Wellness Tour, ang pagkabahala nito sa namamayaning heavy digital dependence sa mga kabataan ngayon.

“People who are too attached to electronic gadgets could create a generation of less emphatic individuals,” aniya.

Patuloy  na lumalaki ang pagkabahala ng mga eksperto sa digital dementia, lalo na’t karamihan ng mga kabataan ngayon ay lumalaki sa modernong mundo ng teknolohiya, na sa murang edad pa lang ay exposed na sa paggamit ng iba’t ibang digital devices.

Ayon naman sa “Digital in 2016” report ng 30 bansa tungkol sa oras na ginagamit ng mga tao sa social media na mula sa We Are Social, isang Singapore-based social media agency, pinatunayan ng mga Pinoy na social media capital nga ang bansa nang itinakda nila ang pinakamataas na 3.7 oras bawat araw sa social media, 3.3 sa Brazilians, 3 oras sa UAE, 1.1 sa South Koreans, at .3 sa Japanese.

Sa Taiwan, sa isang pag-aaral nitong isang taon na binuo ng mahigit 500 office workers sa edad na 25 – 45 na gumagamit ng kanilang devices ng anim hanggang 10 oras bawat araw, 78 porsyento ang sumang-ayon na nakakasama ang sobrang paggamit nila ng devices, 60 porsyento ang madalas makalimot ng mga gamit, at 52 porsyento ang nakakalimot ng personal na mga plano.

“Over-use of smartphones and game devices hampers the balanced development of the brain,” pahayag ni Byun Gi-won, isang doktor sa Balance Brain Center – Seoul.

Ito ang higit na pinatunayan ng isang Herbalife study sa mga kabataan na nasa edad 13-taong-gulang na hinati sa dalawang grupo: ang isa nagpunta sa isang nature camp nang limang araw at bawal ang paggamit ng digital device at isa ay patuloy na gumamit ng devices ng hanggang anim na oras bawat araw. Ang resulta, may magandang pagbabago sa emotional at social intelligence ng mga batang nagpunta sa nature camp.

Active simple solutions

Kailangan natin magkaroon ng digital detox paminsan-minsan sa loob ng isang linggo o ilang oras bawat araw. Unahin ang pagpapagana sa isip at pagko-concentrate para alalahanin ang mga bagay. Bigyan ng oras ang pagbabasa ng aktuwal na libro at hindi pagbabasa gamit ang tablet o e-reader dahil mas pinapatibay nito ang memory retention.


Pwede rin mag-aral ng bagong lengguwahe para ma-challenge ang iyong isip at siguradong mas magiging matalas ang iyong kaisipan. Kung interesado naman sa musika, mag-aral ng bagong instrumento dahil kinakailangan nito ang paggamit ng parehong bahagi ng utak kaya’t mayroong balanse. At siyempre maging aktibo, lumabas at mamasyal o makipagkwentuhan sa kaibigan ng harapan dahil dito mas tumataas ang blood flow at pinapabilis ang pagdala ng mga mahalagang brain nutrients. 

Lunes, Hunyo 6, 2016

‘Sakaling Hindi Makarating’: Cine Filipino’s subtle soul-searching gem

Ni Jovelyn Javier


Sa ikalawang edisyon ng Cine Filipino, isang bagong independent film festival, isa ang pelikulang “Sakaling Hindi Makarating” mula sa direksyon at panulat ng cinematographer na si Ice Idanan ang itinampok sa full-length feature na pinagbidahan ni Alessandra de Rossi, Pepe Herrera, JC Santos at iba pa.

Pinarangalan din ang pelikula ng 2nd best picture, best actor (Pepe Herrera), best cinematography (Ice Idanan), best sound (Raffy Magsaysay), best musical score (Mon Espia), at best editing (Hanna Espia).

Kabilang din sa film festival ang walo pang pelikula: “1st Sem,” “A Lotto Like Love,” “Ang Taba Ko Kasi,” “Ang Tulay ng San Sebastian,” “Buhay Habangbuhay,” “Ned’s Project,” “Star Na Si Van Damme Stallone,” at “Straight to the Heart.”

Classic soul-searching

“11 years lang naman ‘yun, it’s nothing compared to the rest of your life.” Ito ang sinambit ni Paul, isang English Literature teacher sa bagong kapitbahay na si Cielo na ginampanan ni Herrera o mas kilala bilang si Mang Cesar sa teleseryeng “Forevermore” at Benny sa “Ang Probinsiyano.”

Sana’y na tayong mga Pinoy at ‘di nagsasawa sa mga pelikulang tungkol sa pag-ibig --- sa mga pag-ibig na nawala at nakuhang muli, mga kwento ng pusong nagdadalamhati, ng mga iniwan at nang-iwan --- at ang mga karanasang ito ang nagbubunsod sa sinuman para maglakbay at hanapin ang sarili para maging buo muli.

Kung sa “That Thing Called Tadhana” ay ‘di niyo makalimutan ang mga “hugot” na linya ni Mace, sa Sakaling Hindi Makarating ay hindi gaanong gumamit ng mga hugot at hindi sinamantala ang heartbroken scenario ngunit nakakaantig din ang kwento sa sarili nitong paraan gamit ang picturesque visuals, balanced humor at natural dialogue.

Mula pa lang sa dayalogo ni Paul, may hinala ka na kung saan iikot ang kwento. Tungkol ito kay Cielo (de Rossi), isang artistic 20-something na biglang nakatatanggap ng mga serye ng hand-illustrated postcards para kay “C” na may mensahe at larawan ng iba’t ibang lugar sa Pilipinas na nagmula sa isang misteryosong sender na si “M.”

Naisip ni Cielo na maaaring galing ang mga ito sa dati niyang fiance na si Mark, na siyang dahilan ng pagmumukmok niya sa apartment na sana ay bago nilang tahanan sakaling natuloy ang naudlot nilang kasal.

Nakahanap si Cielo ng bagong kaibigan kay Paul na nakakabatuhan niya tungkol sa kanyang pinagdadaanan hanggang sa iminungkahi niyang magbakasyon siya gaya ng anonymous postcard sender. Dahil dito, sinimulan ni Cielo ang isang paglalakbay gamit ang mga postcards bilang gabay para hanapin si M.

Tinahak ni Cielo ang mga mahahabang daan at malalawak na dagat mula Maynila hanggang Zamboanga, Siquijor, Marinduque, Ilocos Norte at Batanes. Mula sa sociably charming na si Paul, nakilala niya pa ang ibang mga tauhan na nagpakulay sa kanyang paglalakbay gaya nina Aisha (Hiraya Plata), isang 15-taong-gulang na dalaga sa Zamboanga na nagturo sa kanyang lumangoy; mga taga-Siquijor na nagturo sa kanyang mag-motor; si Manuel (Santos), isang binatang nakilala niya sa barko; at ang mag-inang Mina at Sol sa Batanes na mayroon din hinahanap habang binabalik-balikan niya ang nakaraan nila ni Mark (Jay Gonzaga).

Letter writing and picturesque Philippines

Kamangha-mangha rin ang depiksyon ng mga napakagandang eksena ng mga lugar na pinuntahan ni Cielo. At testamento ang mga ito na napakaganda ng ating bansa na nararapat lang ipagmalaki. Habang nanonood ka, mauudyok ka rin na puntahan ang mga nasabing lugar kahit may pinagdadaanan man o wala, at masasabi mo na lang sa sarili mo na andami mo pa palang hindi nakikita sa sarili mong bansa.  

Nakaka-miss din ang dating pagpapalitan ng sulat noong mga panahon na mas espesyal ang komunikasyon at mas nakikita ang malalim na koneksyon ng dalawang tao habang pinapanood sina Cielo at Paul na nagsusulatan at kung saan iginuguhit din ni Cielo ang mga lugar na napuntahan niya at mga nakilala niya rito.

Habang nakikita ang mga bagong karanasan ni Cielo hanggang sa pagtatapos ng kanyang paglalakbay, maiintindihan mo ang isang leksiyon, na huwag mong hayaang umikot ang iyong mundo sa iisang tao. Gaya nga ng sinabi ni Paul, marami pa ang magagandang posibleng mangyari sa buhay niya gayon din sa sinuman na iniwan, nasaktan, nasa estado pa ng matinding kalungkutan at ng mga nagsisikap na umahon mula sa kinasadlakang pagkabigo.