Linggo, Hulyo 10, 2016

China’s ‘straddling bus’ could be the future of public transportation


Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng administrasyong Aquino, napag-alaman ang limang naunsyaming public-private partnership (PPP) projects. Isa rito ang Php374.5 bilyon na Makati-Pasay-Taguig Mass Transit Loop System (MTSL) na sana ay kauna-unahang subway system ng bansa na proposal ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Kung natuloy sana, higit na makakaluwag ito sa trapiko, mababawasan ang polusyon at mapapabilis ang transportasyon ng mga Pinoy ngunit tinanggal ito sa proyekto dahil sa scheduling constraints partikular na sa final alignment ng subway.

Bagaman iminumungkahi sa bagong Department of Transportation (DOT) na buhayin muli ang MTSL project, malabo pang makitaan ito ng kasiguruhan lalo na’t kailangan pa aniya ng ibayong pag-aaral ng Japan International Cooperative Agency (JICA).

Ngunit isang imbesyon sa China ang maaari nang maging tugon din ng bansa sa parehong problema ng trapiko at polusyon, ito ang tinatawag na “straddle bus.” Agaw-pansin ang pinakabagong concept design nito mula sa Beijing-based na Transit Explore Bus (TEB) na inilunsad sa 19th International High Tech Expo sa Beijing kamakailan.   

Hindi man world’s largest polluter ang bansa at ‘di kasing-tindi ang trapiko ng sa China ay mayroon din tayong problema sa tumataas na car ownership at overpopulation gaya nila na nagdudulot ng traffic jams. Ang parehas na sitwasyon ay maaaring gamitin ng mga eksperto sa bansa bilang basehan na posibleng ang straddle bus ang mas madaling solusyon sa dalawang pangunahing problema na ito kumpara sa isang full-scale subway system na mas mahal, mas matagal itayo at mas kailangan ng maintenance.

Tinawag itong straddle bus dahil sa haba nitong 60 metro at two lanes-wide o halos walong metro ang lapad kung saan maaaring dumaan ang mga sasakyan na may taas na mas mababa sa pitong metro kahit tumatakbo o nakatigil ang bus. At dahil dito, hindi nakakaharang ang bus sa daloy ng trapiko. Sa kasalukuyang estado ng trapiko sa bansa, malaking bahagi ng pagsisikip ay dahil sa mga malalaking sasakyan gaya ng bus.

Ayon kay Chief Engineer Song Youzhou, kaya rin nitong palitan ang 40 karaniwang bus sa kalsada dahil 1,400 pasahero ang kapasidad nito na may bilis na 60 kph kung saan sasakay ang mga pasahero sa mga designated stations sa pamamagitan ng elevator. At dahil kuryente ang gamit nito, makakatipid ng mahigit 800 tonnes ng gasolina bawat taon at makakaiwas ng 2,480 tonnes ng carbon emissions sa kalikasan.

Hindi na gaanong bago ang ideya dahil ang orihinal nito ay una nang nabuo noong 1969 ng dalawang arkitekto na sina Craig Hodgetts at Lester Walker bilang redesigning proposal para sa New York. Ito ay tinawag na Bos-Wash Landliner na mula Washington, D.C. hanggang Boston ngunit nanatili lamang itong ideya.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na binuhay muli ang konsepto dahil noong 2010 ay una nang ipinakilala ni Song ang ideya sa tulong ng Shenzhen-based Huashi Future Parking Equipment. Bagaman maraming siyudad sa China ang nagpakita ng interes, sa ikalawang pagkakataon ay hindi pa rin ito nabuo.

Ngayon, posibleng “third time’s the charm” nga ang kapalaran ng konsepto dahil muli ay may mga siyudad nang nagpapakita ng interes para buuin ang ideya, at kasalukuyan ay gumagawa na ang TEB ng life-size prototype sa Changzou na nakatakdang isagawa ang test-run nito sa huling bahagi ng Hulyo o Agosto.


Malaking tulong man ang ganitong teknolohiya, tandaan natin na bahagi tayo ng kasalukuyang problema at dapat lamang magbigay tayo ng kontribusyon na makakatugon dito. Ilan sa mga simpleng paraan ay ang pagbabago ng ating saloobin at interpretasyon sa pagmamay-ari ng sasakyan at sa polusyon, disiplina sa pagmamaneho at pagsunod sa batas trapiko at ang paggamit ng eco-friendly fuel alternatives para sa mga may sasakyan.   

Music and aroma therapy: A good combination for mental stability



Kinagawian na ng marami ang makinig sa musika habang ginagawa ang iba’t ibang mga bagay; sa trabaho man o mga gawaing bahay, sa biyahe pagpasok at pag-uwi sa trabaho, sa gitna ng ‘di makausad-usad na trapiko, para lunurin ang ingay ng mga tao, at sa kung anu-ano pang kadahilanan at layunin.

Maliban sa musika, gumagamit naman ng aroma therapy ang iba sa pamamagitan ng mood-booster scents gaya ng lemon, lavender, cinnamon, citrus, pine, jasmine, rosemary, peppermint, vanilla, fresh-cut grass, apple, olive oil, rose petals, coffee, at iba pa para makapag-relax.

Dalawang paraan lamang ito upang makaiwas sa stress na nakakaapekto sa work productivity ng mga empleyado. Kaya higit na siniseryoso ng mga kumpanya sa Japan ang mapanatili ang mental stability ng kanilang mga empleyado sa pamamagitan ng pagpapabuti sa kanilang working environment.

Stress check efforts through aroma therapy

Simula nitong nakaraang Disyembre, ginawang mandatory ng gobyerno ng Japan sa mga kumpanya na may 50 at pataas na bilang ng empleyado na magsagawa ng stress check isang beses sa isang taon.
Sinusuri at pinag-aaralan ang stress level ng mga empleyado sa pamamagitan ng ilang serye ng pagtatanong tungkol sa kanilang work load, relasyon sa mga katrabaho at boss, sa company culture at environment at iba pang mga bagay para matukoy ang stress level at ang mga posibleng hakbang para tugunan ito.

At dahil sa mandatory stress check, ilang kumpanya na ang nagsagawa ng mga malalaking pagbabago sa kanilang mga opisina, gaya na lang ng Tokyo-based interior design company na Mitsui Designtec Co. Sinasalubong ang mga empleyado ng Mitsui ng citrusy lemon  mula sa isang aroma diffuser at ng malalamig sa matang mga halaman na nakapwesto sa mga mesa at sa mga bintana sa kanilang pagpasok sa opisina. 

Ayon sa mga empleyado nito, wari ay nagtatrabaho sila sa isang garden kung kaya’t mas nare-relax at nakakapag-concentrate sila sa kanilang trabaho. NaIpinatupad din ng kumpanya ang open/free seating system, coffee space, at adjustable desks (raised or lowered) nang magsagawa ng renovation ang opisina.

Naging positibo ang resulta ng implementasyon ng aroma therapy at ng newly-renovated office, ayon na rin sa renovation officer ng kumpanya na si Yasuo Ishida. Dagdag pa ni Ishida, nabawasan ng tinatayang walong oras at kalahati ang ginugugol ng bawat empleyado bawat buwan para mag-overtime.

Music therapy induces concentration, reduces stress
Batay sa pag-aaral ni Haruhisa Wago, propesor ng Saitama Medical University, ang mga classical pieces gaya ng musika ni Mozart, piano o guitar instrumentals ay nakakatulong para mabawasan ang stress at paigtingin ang konsentrasyon kaya’t hindi kataka-taka na maging kapakipakinabang din ito sa corporate sector.

Kung aroma therapy ang sa Mitsui, musika naman sa staffing agency na Staff Service. Tuwing umaga, binabati ng tunog ng chirping birds ang mga empleyado sa pagpasok nila, radio broadcasting music naman kapag alas-tres ng hapon at “Going Home” ng Czech composer na si Antonin Dvorak kapag uwian na ng alas-siyete ng gabi.

Sa paraang ito, ayon kay Moe Ishizuka (company background music in-charge), nahihikayat nito ang mas maayos na komunikasyon ng bawat isa kumpara sa isang opisinang sobrang tahimik. Lumalawak na rin ang interes dito ayon sa Usen Corp., isang music background service provider.

Kung iisipin, hindi ba’t nakakaengganyo at nakakagana nga talaga ang pumasok sa trabaho sa ganitong company environment? Kaugnay nito, kailangan din ikunsidera ang opinyon o suhestiyon ng mga empleyado, partikular na sa mga may allergies, kaya rekomendasyon ang delicate scents at musikang may pleasant chords ngunit dapat ay iniiba-iba ang musika sa loob ng dalawang linggo para patuloy na maging epektibo at responsive ang mga empleyado.

Signs and behavior: The makings of a good entrepreneur


Sa pagbubukas ng ASEAN integration sa bansa, nangangahulugan ito ng mas maraming oportunidad para mapanatiling maganda ang estado ng ekonomiya, mas maraming trabaho para sa mga Pinoy, mas malagong industriya ng pagnenegosyo para sa mga lokal na negosyante at pagkakataong magkaroon ng magandang kooperasyon sa mga foreign investors/brands.

Isang magandang pagkakataon nga naman ito para sa mga Pinoy na simulan ang pinapangarap na negosyo. Sa kabila ng magandang pagkakataong ipinapangako ng pagkakaroon ng sariling negosyo, hindi magiging madali ang pagsisimula nito. Ang pagnenegosyo ay ‘di gaya ng day job na buwan-buwan ay may sigurado kang sahod, may ginagawa ka mang trabaho o wala.

Nariyan ang ilang mga aspeto na kailangang ikunsidera at pag-isipan ng mabuti, gaya na lang ng karanasan, kaalaman o pagkadalubhasa tungkol sa produkto o serbisyo na balak gawing negosyo; target market/location, at kung may sapat ba o higit pang pangangailangan ng naturang serbisyo sa mga mamimili sa isang partikular na lokasyon; estado ng ekonomiya at ng partikular na industriyang gustong pasukin; capital/total project costs; rules and regulation compliance; return on investment (ROI); competition; technology; manpower; contingency plan; stress level; time factor, at marami pang iba.

Maliban sa mga mahahalagang kunsiderasyon sa pagnenegosyo, kailangan din pag-aralan kung may taglay ka ba na katangian ng isang mabuti at responsableng negosyante. Suriin muna ang sarili at obserbahan ang iyong mga kilos, paraan ng pakikitungo sa mga tao – empleyado man o kasosyo, mga matibay mong paniniwala, prinsipyo, pagtingin sa mga iba’t ibang bagay, at mga pag-uugali.

Ika nga nila, hindi para sa lahat ang pagnenegosyo,‘di dahil may naisip kang orihinal na ideya o kaya naman dahil lang ipapamana sa iyo ang negosyo ng mga magulang mo ay may abilidad o siguradong magiging matagumpay ka na. Sa negosyo, walang shortcut, walang kasiguruhan, maraming risks at possible failures, kailangan masusing pinag-aaralan at pinaghahandaan ang mga posibleng mangyari. Bagaman, magkakaiba pa rin ang iba’t ibang negosyante, mayroon silang mga ilang pare-parehong katangian gaya na lang ng sumusunod:

Problem solver / fearless. Hindi ka kampante sa kasalukuyang estado ng mga bagay. Iniisip mo lagi ang rason sa likod ng mga ginagawa ng tao, kung may magagawa ka bang aksyon para mas mapabuti ang mga gawaing ito. Hindi ka takot harapin ang mga pagsubok.

Self-confident / self-starter. Tiwala ka sa sarili mo at alam mo kung paano dalhin ito. Positibo ka sa mga bagay at sa hinaharap.

Unpredictable / outsider. Alam mo na madaling magbago ang mga sitwasyon at bukas ka na umayon sa mga ito kung sakali. Opinionated ka rin bagaman ‘di sa lahat ng pagkakataon ay tama ka, minsan ‘di rin makatotohanan ang mga ideya mo, at may pagka-demanding ka.

Competitive but willing to lose. Matibay ang loob mo, ‘di ka basta sumusuko pero marunong ka tumanggap ng kamalian o hindi magandang resulta. Alam mo na may mas maganda ka pang magagawa sa susunod.

Passionate / determined. Determinado ka at alam mo na ang ginagawa mo ay passion mo talaga, at ito ang laging nagtutulak sa’yo para magpatuloy. Isa kang masipag na researcher dahil alam mong ‘di sapat ang isang magandang ideya. Inaalam mo kung ang serbisyo/produkto ba ay makakatugon sa pangangailangan ng mga mamimili. Minsan, kahit imposible ay hinahamon mo.

Logical thinker / visionary. Malawak ang imahinasyon mo para ayusin at pagbutihin ang kasalukuyang sitwasyon. Bagaman, minsan, kakaiba ang mga ideya mo pero nangingibabaw pa rin ang pagiging makatwiran mo sa mga desisyon. Marunong kang tumingin ng oportunidad sa iba’t ibang bagay na hindi madalas nakikita ng iba.

People-person. Simpatiko at makarisma ka, magaling kang makitungo sa iba’t ibang klase ng tao at naiuugnay mo rin sila sa isa’t isa, marunong kang mamili ng mga de-kalidad na tao, masaya kang makihalubilo sa isang grupo, marunong ka rin humingi ng payo mula sa iba at magbigay tiwala sa iba dahil alam mong hindi lahat ay kaya mong gawin.

In control. Gusto mo ang pagiging hands-on at nakikita mo kung paano gawin ang mga trabaho. Hindi mahalaga sa’yo ang mga batas kung hindi naman mabisa at babaguhin mo ang mga ito kung kailangan. Ayaw mo ng pinamumunuhan ka ng autoridad ng iba mula sa mga boss na walang pagpapahalaga sa’yo at maaaring sirain ang propesyon sa isa mong pagkakamali.

High regard to life skills – Maraming mga bagay ang mas mahalaga kaysa sa pera para sa’yo, isa na dito ang oras at kakayahang ibinubuhos mo sa negosyo. Minsan, kahit mas marami ka pang ibinigay na oras kaysa sa kinita mo ay ayos lang. Para sa’yo, mas may halaga ang mga kasanayan na natutuhan mo sa buhay, sa mga kasamahan mo, at sa pag-nenegosyo kaysa pera.


Miyerkules, Hulyo 6, 2016

Best hiking spots in Japan

Ni Herlyn Alegre


Bukod sa pagpunta sa mangilan-ngilang magagandang dalampasigan sa Japan, isa sa mga pinakakinagigiliwang gawin ng mga Hapon tuwing summer ay ang pag-akyat ng bundok. Hindi lamang mainam sa katawan ang pagha-hike, masaya rin itong bonding activity ng pamilya at barkada.

Maraming mga bundok kung saan maaaring umakyat all year-round, mayroon din naman mga seasonal lamang tulad ng Mt. Fuji na maaari lamang akyatin tuwing Hulyo hanggang Agosto. Ang Mt. Fuji ay inaakyat ng halos 20,000 tao, kapwa turista at residente, bawat taon.

Nakamamanghang makita na magkasamang umaakyat ang mga maliliit na bata at mga retiradong matatanda sa Mt. Fuji. Ang tatlo sa pinakamatataas na bundok sa Japan ay ang Mt. Fuji na may taas na 3,776m at matatagpuan sa Shizuoka at Yamanashi; ang Kita-Dake (Minami Alps), may taas na 3,192m, ay kilala sa tawag na “Shirane-san” na ang ibig sabihin ay three peaks (binubuo ng Kita-Dake, Aino-Dake at Notori-dake) at matatagpuan sa Nagano, Shizuoka at Yamanashi; at ang Hodaka-dake (Kita Alps) na may taas na 3,190m at matatagpuan sa Gifu at Nagano.

Kung hindi ka man ganoon kahanda para umakyat sa tatlong nabanggit na bundok, marami pa rin na ibang bundok na maaaring akyatin ngayong summer.

Mga kilalang hiking spots bawat rehiyon

Ang Daisetsuzan National Park ay tinatawag rin na “Roof of Hokkaido” dahil matatagpuan dito ang pinakamatataas na bundok sa Hokkaido na binubuo ng Asahidake, Tokachidake, Shikaribetsu at Ishikari. Noong 1993, kinilala ito bilang pinakamalaking national park sa Japan na may lawak na 230,000 hectares.

Hindi lamang magagandang tanawin ang makikita mula rito, matatagpuan din na naninirahan sa bundok ang iba’t ibang uri ng hayop tulad ng ezo deer, blakiston’s fish owl at black woodpecker. Mag-ingat lamang dahil mayroon din na mga brown bear na nakatira rito.

Ang Shirakami Sanchi ay binubuo ng mahahabang bulubundukin sa pagitan ng Aomori at Akita. Naging UNESCO World Heritage Site ito noong 1993, isa sa mga pinakaunang nabigyan ng ganitong karangalan sa Japan. Isa sa mga pangunahing atraksyon nito ang three-tiered Anmon Falls. Bukod dito, naninirahan din sa makapal nitong kagubatan ang black bear, serow, golden eagle at 87 pang uri ng mga ibon.

Kung sawa na sa pag-akyat sa Mt. Takao na isa sa pinakasikat na hiking site malapit sa Tokyo, maaaring alternatibo ang Mt. Mitake. May layo lamang na dalawang oras mula sa sentro ng Tokyo, mainam ito para sa mga gustong mag-unwind at makapiling ang kalikasan. Mula sa cable car station sa bundok, aabutin ng 20 minuto papaakyat sa pinakatuktok kung saan naroon ang Musashi Mitake Shrine. Maaari rin nang ituloy ang hike papuntang Mt. Hinode bago bumaba.

Ang Kamikochi sa Nagano ay isa sa pinakakilalang hiking spots sa rehiyon. Tinatawag din itong “gateway to the alps.” Sinasabing isang Buddhist priest na nagngangalang Banryu ang unang umakyat dito noong sinaunang panahon kung saan ang pag-akyat sa mga bundok ay ginagawa bilang pagsamba sa kalikasan. Noong Meiji Period, mas naging katanggap-tanggap ang pag-akyat ng bundok bilang leisure activity dahil na rin sa impluwensiya ng mga banyaga. Higit na pinasikat ni Reverend Walter Weston, isang Ingles, ang Kamikochi nang ikwento niya sa kanyang librong “Mountaineering and Exploration in the Japanese Alp” ang mga karanasan niya sa pag-akyat dito.

Ang Mt. Koya sa Wakayama ay hindi lamang kilala bilang isang ordinaryong hiking site kung hindi isang iginagalang na pilgrimage site. Dito nakabase ang Shingon School of Buddhism kasama ang 100 pang ibang templo at monastery. Maaari rin na manuluyan at magpalipas ng gabi sa mga Buddhist temples dito na tinatawag na “shukubo.” Huwag din palagpasing bisitahin ang Okunoin Cemetery kung saan nakahimlay si Kobo Daishi, kilala rin sa tawag na Kukai, na siyang nagtatag sa Shingon School of Buddhism.

Ang Kankakei Gorge ay tinatayang isa sa pinakamagagandang gorge sa buong Japan. Matatagpuan ito sa Shodoshima Island, pangalawa sa pinakamalaking isla sa Seto Inland Sea, sa Shikoku. Mayroong dalawang trail na maaaring pagpilian paakyat ng bundok pero mayroon din ropeway na magdadala sa iyo direkta sa tuktok. Bukod sa Kankakei Gorge marami pang ibang lugar sa isla ang maaaring bisitahin tulad ng Twenty-Four Eyes Village, lokasyon ng nobela ni Sakae Tsuboi na ginawang pelikula noong 1954 at 1987, at ang Sakate Port, isa lamang sa pitong daungan sa paligid ng isla, kung saan maaaring kumain ng fresh seafood habang pinagmamasdan ang ganda ng dagat.
           
Ang Yakushima sa Kagoshima sa isla ng Kyushu ay kinilala noong 1993 bilang UNESCO World Heritage Site. Kilala ito sa mga puno ng “yakusugi,” mga ancient cedar trees na sinasabing naging inspirasyon sa anime na Princess Mononoke na ginawa ni Hayao Miyazaki. Isa sa pangunahing atraksyon dito ang “Jumonsugi,” tinatayang pinakamatandang puno ng cedar sa buong mundo, na may edad na 7,000 taon.


Iba-iba man ang dahilan ng pagha-hike, mapa-leisure man kasama ang pamilya, pilgrimage man o self-searching, maraming trail na pagpipilian sa iba’t ibang kabundukan sa Japan. Tandaan lamang: pag-aralan nang maigi ang mapa, basahing mabuti ang mga trail signs, magsuot ng angkop na sapatos at damit at magdala ng hiking gadgets na makakatulong sa pag-akyat.

Ukiyo-e prints ng Mt. Fuji gagamitin sa bagong disenyo ng Japanese passport

Ni Florenda Corpuz

Ang Great Wave off Kanagawa ang kauna-unahan at pinakapopular 
na disenyo na gagamitin sa pasaporte.
Inanunsyo na ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan ang bagong disenyo na ilalagay sa mga Japanese passports na ilalabas sa taong 2019, isang taon bago ang 2020 Tokyo Olympics and Paralympic Games.

Gagamitin ng MOFA ang serye ng landscape paintings ng Mt. Fuji na may titulong “Fugaku Sanjurokkei” (Thirty-six views of Mount Fuji) na iginuhit ng popular na ukiyo-e artist na si Katsushika Hokusai (1760-1849).

Ipinapakita rito ang Mt. Fuji mula sa iba’t ibang lokasyon, panahon at klima.

Ayon sa MOFA, ito ay para mas maipakita ang kulturang Hapon at para na rin sa mas mataas na antas ng seguridad laban sa mga pekeng pasaporte.

Ilalagay sa 10-taong pasaporte (pula) ang 24 na paintings habang sa limang-taong pasaporte (asul) naman ay magtataglay ng 16 na paintings. Bawat parehas ng pahina na tatatakan ng immigration stamp ay lalagyan ng iba’t ibang paintings mula sa serye.

Hindi naman babaguhin ang disenyo ng passport covers.     

Bago inilabas ng MOFA ang desisyon ay kumunsulta muna ito sa mga eksperto kabilang ang National Printing Bureau ng Japan na nag-iimprenta ng mga pasaporte.

Sa kasalukuyan, ang mga pahina ay may mga patterns ng cherry blossoms o sakura.

Unang nag-isyu ng Japanese passports ang bansa sa mga mamamayan nito taong 1866 ngunit ito ang unang beses na lalagyan ito ng mga paintings bilang disenyo.


Taong 1992 nang ilabas ang kasalukuyang disenyo ng mga Japanese passports na regular na sumasailalim sa maliliit na pagbabago tulad ng pagbawas ng sukat nito. Habang noong 2006 naman inilunsad ang pasaporteng may integrated circuit chips.

Pinoy historian Ambeth Ocampo, paparangalan ng Fukuoka

Ni Florenda Corpuz

Dr. Ambeth R. Ocampo
Nakatakdang gawaran ng pagkilala ng Fukuoka City ang kilalang historian (mananalaysay) at manunulat na si Dr. Ambeth R. Ocampo, 54, dahil sa kanyang kontribusyon sa akademiko, pangkultura at panlipunang pag-unlad sa Pilipinas.

Tatanggapin ni Ocampo ang Academic Prize, isa sa tatlong parangal na ibibigay ng Fukuoka Prize 2016, sa gaganaping award ceremony sa Fukuoka Symphony Hall, ACROS Fukuoka 1F sa Setyembre 16.

“For his achievement in reclaiming history as the property of ordinary citizens, for his contribution to promote an open-minded nationalism and global sensibility in the Philippines, and for his great service to international cultural exchange, Dr. Ambeth R. Ocampo is a truly worthy recipient of the Academic Prize of the Fukuoka Prize,” sabi sa bahagi ng award citation.

Nagtapos sa De La Salle University, kumuha ng Master of Arts in Philippine Studies si Ocampo. Ilan sa mga best-selling na aklat niya ang “Looking Back” (1990) at “Rizal Without the Overcoat” (1990). Nag-aral din siya sa London. Sa kasalukuyan ay may mahigit sa 20 aklat na siyang naisulat.

Nagsilbi si Ocampo bilang Chairman ng National Historical Institute (2002-10), Chairman ng National Commission for Culture and the Arts (2005-07), Chairman ng National Historical Commission of the Philippines (2010-11) at Chairman ng Department of History, Ateneo de Manila University (2010-12). Siya ay kasalukuyang associate professor sa Ateneo de Manila University.

Iginawad kay Ocampo ang Presidential Medal of Merit noong 2013 sa Tokyo nang magtungo sa Japan si Pangulong Benigno S. Aquino III.

Si Ocampo ang ikalimang Pilipino na ginawaran ng Fukuoka Prize na kinabibilangan din nina Leandro V. Locsin (architect), Marilou Diaz-Abaya (filmmaker), Reynaldo C. Ileto (historian) at Kidlat Tahimik (filmmaker).

Magsasagawa ng public lecture si Ocampo na pinamagatang “Memory and Amnesia in Public History: Japan‐Philippines Relations Revisited” sa Setyembre 18 sa Event Hall B2F, ACROS Fukuoka.

Bukod kay Ocampo, kikilalanin din ang kontribusyon nina A.R. Rahman ng India (Grand Prize) at Yasmeen Lari ng Pakistan (Arts and Culture Prize) para sa kanilang kontribusyon sa larangan ng musika at arkitektura.

Ang Fukuoka Prize ay itinatag ng Fukuoka City noong 1990 bilang parangal na kikilala sa mga natatanging ambag ng mga indibidwal, grupo at organisasyon para pangalagaan at itaguyod ang mga natatangi at magkakaibang kultura ng Asya.