Martes, Abril 3, 2018

Maria Colico: A Pinay freelance actress and model



Maria Colico

Hindi na bago ang mga Pilipina na kinikilala sa ibang bansa dahil sa kanilang husay sa pagkanta at pag-arte. Natural sa mga Pilipino ang pagiging talentado tulad nina Lea Slaonga, Rachel Ann Go, Aicelle Santos, Mark Bautista at marami pang iba na nakapagtanghal at hinahangaan sa pandaigdigang entablado.

Isa si Maria Colico sa mga Pilipino na masigasig na gumagawa ng pangalan sa Japan bilang isang aktres at modelo.

Ilan sa mga palabas at commercial na kanyang ginawa ay ang  “Sekai Nihonjin Tsuma,” “Senmo Bengoshi 99.9,” “Anata Wo Kyouhakushimasu,” “Todome No Kisu,” “Tantei Midarai,” “Unbelievble,” “Benesse,” “Las Vegas Honda CM,” 2018 Exile the Second MV,” at “2018 AKB 48 Ja BaJa MV.”

Aminado si Maria, na nanalo rin bilang Mrs. Philippines-Japan, na hindi madaling pumasok sa Japanese showbiz industry dahil sa may prosesong sinusunod dito. Subalit, hindi pinanghinaan ng loob si Maria at sa halip ay nagtiyaga siyang mag-audition.

“I always do auditions. There is no such things as connection or favoritism. We can never choose a role. I am really thankful that I fit the role most of the time because of my looks especially my skin color and aura,” pahayag ni Maria sa panayam ng Pinoy Gazette.

Aniya, kakaiba ang showbiz industry ng Japan dahil sa maraming mga ipinagbabawal na sa umpisa ay nahirapan siyang sundin ngunit kinalaunan ay naintindihan at nakasanayan na niya.

“I can say it’s very strict and very opposite from Philippine showbiz. There’s a lot of rules such as not talking to the celebrity and any of the cast that have higher roles than you. We even cannot get closer to them. Staring at them is not allowed too because they might feel scared and uncomfortable. At first, I feel so choked and I didn’t enjoy it because of too much limits but in the long run, I finally understand why. It’s really about getting used to it and understanding the culture,” kwento pa ni Maria na pangarap na makatrabaho sina Vin Diesel at Tyrese Gibson.

Masaya si Maria na hindi siya nawawalan ng proyekto at sa katunayan ay mayroon siyang gagawin na pinamagatang “I Am Not A Bird” sa ilalim ng Happy-Sad LLC at Twenty First City Inc.

“It will be shown in Hollywood, California and I will be working with some big celebrities. I can’t say more details for now because it is still confidential and ongoing. I am really excited and can’t wait to be done!”

Hindi inakala ni Maria na makakapasok siya sa ganitong uri ng industriya. Noong 2002, nagtatrabaho siya bilang sales lady sa isang boutique shop sa Daikanyama. Mayroon siyang naging kaibigan na isang celebrity na nagsabi at naghikayat sa kanya na subukan ang showbiz sa Japan. Mayroon din nagbigay sa kanya ng calling card mula sa Avex Platinum Production, na isa sa mga kilalang music publishing company sa Japan.

Ang karanasang iyon ang naging inspirasyon ni Maria na sumubok sa pag-arte at pagmomodelo. Lumabas siya bilang modelo sa commercial ng Denny’s Restaurant at doon na nagsimula ang kanyang karera sa Japan.

Bilang isang Pinay, hindi nakakalimot si Maria na tumulong sa Filipino community sa pagbabahagi ng kanyang mga talent.

“I am joining some charity events, sports fest, beauty pageants, Philippines Festival…What I think I can contribute to my community is to show my talents especially singing. This is what usually people request me to do it during events and radio shows.
“And I think another thing that I can do for the community is to be a good model as a God fearing person, show some good morals and being an inspiration as I was a former Mrs. Philippines-Japan,” ani Maria.

Nais ni Maria na maging inspirasyon sa kapwa Pilipino na patuloy na mangarap at tuparin ang mga ito kahit na gaano kahirap.

“Don’t ever give up on what you want to be and what you want to have. Our dreams are not impossible as long as we will do our best, fight for it, strive hard and keep on trying. Failure is a normal thing and it is a good experience for our growth as a human. Age doesn’t matter. Age must not be the reason for you to stop dreaming.”

Kobe Bryant, masaya sa tagumpay ng kanyang animated short film na ‘Dear Basketball’



“My God. I feel better than winning championships. This is crazy, man, it’s crazy.”
Ito ang sinasambit ni NBA legend Kobe Bryant sa backstage habang hindi nito maialis ang tingin at ngiti sa golden statuette sa kamakailan awarding ceremony ng 90th Academy Awards pagkatapos hirangin ang “Dear Basketball” na best animated short film, na siya rin kauna-unahang pagkakataon para sa isang NBA player na magawaran ng ganitong parangal.

Kasama ni Bryant na tumanggap ng parangal si Disney animator Glen Keane bilang animator at director ng animated short film, na unang parangal din nito sa Oscars. Si Keane ay ang isa sa mga animators sa likod ng “Aladdin,” “Beauty and the Beast,” at “The Little Mermaid.”

The ‘Black Mamba’ scores at the Oscars

Nagretiro man ang dating Los Angeles Lakers superstar sa basketball, sa mundo naman ng storytelling siya ngayon namayagpag. Patunay na hindi lamang pala sa basketball ang talento ni Bryant.

Base ang naturang animated short film sa isang sulat na ginawa ni Bryant para sa The Players Tribune noong 2015, bilang pormal na pag-anunsyo sa kanyang noo’y nalalapit na pagreretiro sa basketball.

Dear Basketball, from the moment I started rolling my dad’s tube socks and shooting imaginary game-winning shots in the Great Western Forum, I knew one thing was real: I fell in love with you.”

Ito ang isang bahagi ng madamdaming sulat ni Bryant sa kanyang pagsasalarawan sa malalim na pagmamahal niya sa basketball, na nag-umpisa sa murang edad – mula sa kanyang mga noo’y matayog na pangarap bilang bata hanggang sa 20-taong mataginting na karera.

Aniya, nakuha niya ang ideya na gawing short film ito dahil sa kanyang 11-taong-gulang na anak na si Gianna, na sinabi sa kanyang, “Dad, you always tell us to go after our dreams, so man up.”

Maliban sa panulat ito ng NBA legend, siya rin ang nag-salaysay nito at executive producer ng Dear Basketball. Tampok din ang musika nito mula kay award-winning composer John Williams. Produksyon naman ito ng Believe Entertainment Group, Kobe Inc., at Glen Keane Productions, distribusyon ng Gunpowder & Sky at go90.

Nag-debut release ang animated short film sa Tribeca Film Festival nitong nakaraang taon. 

Second career in TV and film: Succeeding off the court

“I wake up in the morning, I can’t wait to write, I can’t wait to get to the studio.”

Naniniwala ang sports superstar na ang pagkilalang tinanggap niya sa Oscars ay kumpirmasyon na marami pa siyang kayang gawin, na ngayo’y sa labas na ng basketball court. Bagaman nakatanggap ng dismissive comments noon si Bryant nang sinabi niyang gusto niyang maging isang storyteller pagkatapos magretiro, ‘di pinanghinaan ng loob si Black Mamba.

 “As basketball players, we’re told to shut up and dribble. I’m glad we did a little bit more than that. The hardest thing when you start over, you have to quiet the ego and begin again. You have to learn the basics of things,” ang pagbabahagi ni Black Mamba sa kanyang acceptance speech.

Nagsalita rin siya ng Italian habang pinapasalamatan din ang kanyang asawang si Vanessa at tatlong anak na babae at sinabing “You are my inspiration” sa kanyang pamilya.

Nagbigay din siya ng kredito kina Oprah Winfrey at writer-producer Shonda Rhimes sa kanilang pagbabahagi ng kaalaman sa industriya ng entertainment. “When you have mentors like that in your life, everything tends to work itself out,” ang dagdag pa nito.

Nagpaabot naman ng mga pagbati ang mga kaparehas nitong Hall of Famers na sina Magic Johnson, Bill Russell, Shaquille O’Neal, gayon din ni LeBron James at ang Los Angeles Lakers sa Twitter.

Abala rin si Bryant bilang writer, producer, presentor ng “Detail,” isang ESPN series kung saan aanalisahin niya ang mga detalye ng isang game, gayon din ang isang series of novels.

Libreng Wi-Fi sa bullet train ilulunsad ng Japan Railway


Para matugunan ang demand ng mga dayuhang turista bago sumapit ang 2020 Tokyo Olympics and Paralympics ay sisimulan na ng Japan Railways (JR) ang paglalagay ng libreng serbisyo ng wi-fi sa mga Shinkansen bullet trains nito.

Nakatakdang ilunsad ng East Japan Railway Co. (JR East) ang free wi-fi service nito sa Akita, Hokuriku at Tohoku Shinkansen lines sa darating na Mayo, sa Yamagata Shinkansen Line sa fiscal 2019 at sa fiscal 2020 naman sa Joetsu Shinkansen Line.

Sisimulan naman ng Central Japan Railway Co. ang free wi-fi service nito sa Tokaido Shinkansen Line sa kalagitnaan ng 2018. Sa parehong taon din ay isasagawa din ito ng West Japan Railway Co., Kyushu Railway Co. at Hokkaido Railway Co.

Una nang naglunsad ng libreng serbisyo ng wi-fi ang Toei subway at Tokyo Metro subway noong 2015 at inaasahang mailalagay sa lahat ng tren nito pagsapit ng 2020.

Isinagawa na rin ito ng Toei buses na una nang nagpatupad sa libreng serbisyo ng wi-fi noong Marso 2014.

Target ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe na magtala ng 40 milyong foreign tourist arrivals pagsapit ng taong 2020 kasabay ng pagho-host ng Tokyo sa Olympic at Paralympic Games.

Spring in Nikko

Rinnoji Temple

Isa sa mga pinakapopular na destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista sa Japan ang Nikko. Matatagpuan sa Tochigi Prefecture, isa itong ancient town na puno ng mga makasaysayang lugar kabilang ang “World Heritage site of the Shrines and Temples of Nikko.”

Tuwing panahon ng tagsibol ay namumulaklak ang mga puno ng cherry blossom dito kung saan ang iba ay lampas 300 na taon na ang edad. Sa paglalakad dito mula sa istasyon ay masisiyahan na ang mga turista sa mga nakamamanghang flower show sa paligid.

Mula Abril 6 hanggang 30 ay isasagawa rito ang Nikko Cherry Blossom Festival kung saan bukod sa naggagandahang cherry blossom ay mae-enjoy ng mga tao ang espesyal na confectionary na gawa mula sa cherry blossoms. Sa ibang bahagi ng lugar ay napapailawan ang mga cherry blossom tuwing gabi na lumilikha ng kahanga-hangang tradisyonal na Japanese atmosphere.

Cherry blossom spots

Ang weeping cherry blossom tree sa Takada family house ay isa sa mga popular na spots dito kahit na matatagpuan sa isang pribadong lugar. Tinatayang nasa 370 na ang edad nito na mamumulaklak mula sa kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Abril.

Ang Kokuzoson temple na itinalagang cultural property ng Tochigi Prefecture ay tahanan ng isa pang weeping cherry tree na ang edad ay nasa 350 taon na mamumulaklak mula sa kalagitnaan hanggang huling bahagi ng Abril.

Ang “Kongo-zakura” cherry tree sa Rinno-ji Temple ay nakarehistro bilang natural monument na namumunga ng puting bulaklak mula pink buds na mamumulaklak mula sa huling bahagi ng Abril hanggang sa unang mga araw ng Mayo.

Recommended shops

Meiji-no-yakata Cake Shop. Ito ay matatagpuan sa harap ng Tobu Nikko station. Nagbebenta rito ng cakes, tarts at cookies. May café sa 2nd floor nito. Ang mga pound cakes at cheesecakes na gawa na may cherry blossoms ay mabibili tuwing spring.

Yubatei Masudaya. Pamoso ang restaurant sa kanilang yuba (tofu skin). Nagbukas ito sa publiko noon pang Meiji period. Matatagpuan ito limang minuto mula sa istasyon. Kabilang sa full yuba course ang cherry blossom deserts na matitikman lamang tuwing spring.

Ganso Nisshodo. Mahigit sa 80 taon nang bukas ang tindahan na ito kung saan makakabili ng kankintsuba na gawa sa salted cherry tree leaves sa sweet bean paste.

Nikko Kanaya Hotel Craft Lounge. Bukas sa publiko noon pang 1873, mae-enjoy ng mga bisita ang masarap na cherry blossom parfait dito tuwing Nikko Cherry Blossom Festival.

Lunes, Abril 2, 2018

Abe, Trump magpupulong sa Abril tungkol sa North Korea

Sina President Donald Trump at Prime Minister Shinzo Abe sa
 isang joint press conference sa Akasaka Palace, Tokyo, Japan
noong  Nobyembre 6, 2017. (Kuha ni Andrea Hanks/White House)

Nakatakdang lumipad sa Estados Unidos sa Abril si Japanese Prime Minister Shinzo Abe upang makipagpulong kay U.S. President Donald Trump tungkol sa iba’t ibang isyu na may kinalaman sa North Korea at nuclear weapon and missiles program nito.

Ito ay matapos na tanggapin ni Trump ang imbitasyon ni North Korean leader Kim Jong-Un na makipagkita sa darating na Mayo, na ayon kay South Korea National Security Office head Chung Eui-yong.

Sa isang tawag sa telepono, nagkasundo ang dalawang lider ng Japan at U.S. na patuloy na hikayatin ang North Korea na itigil na ang kanilang nuclear weapon and missiles program na tinututulan ng maraming bansa.

Naniniwala rin si Abe na ang ginawang hakbang ng North Korea na maging bukas sa pakikipag-usap kay Trump ay isang senyales na maaaring mag-iba na ang desisyon ng North Korea tungkol sa kanilang ipinapatupad na programang nuclear.

“I agreed with President Trump that (this development) is the result of Japan, the United States and South Korea, together with the international community, having continued to put a high level of pressure on North Korea,” pahayag ni Abe.

“The solid position of Japan and the United States — that we will continue to put maximum pressure on North Korea until it takes concrete actions toward the complete, verifiable and irreversible abandonment of its nuclear (weapons) and missiles — is absolutely unwavering,” dagdag pa nito.

Tinalakay din nina Abe at Trump ang ginawang pagdukot ng North Korea sa ilang Japanese nationals noong 1970s hanggang 1980s. Nakiusap si Abe kay Trump na tulungan siya upang maresolba ang isyung ito sa North Korea.

“I want to work even more closely with President Trump to resolve various issues related to North Korea, such as its nuclear weapon and ballistic missile programs and the abduction of Japanese nationals,” giit ni Abe.

Matatandaan na ilang beses nang kinondena ng Japan ang mga isinasagawang nuclear missile tests kung saan nakadirekta ito sa Japan. Noong nakaraang Setyembre ay isang missile mula sa North Korea ang bumagsak sa karagatan ng Hokkaido.

“The Self-Defense Forces detected and tracked the missile perfectly from launch through landing,” ani Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga noong Setyembre.

“We didn’t intercept it because no damage to Japanese territory was expected,” dagdag pa nito.

Japan, ‘world’s most powerful passport’ ng Henley Index; PH nasa pang-75 pwesto


Ni Florenda Corpuz


Inungusan ng Japan sa unang pwesto ang Germany sa pagkakaroon ng travel freedom dahil sa visa-free access nito sa 180 bansa sa buong mundo, ito ay ayon sa Henley Passport Index.

Kapantay ng Japan sa unang pwesto ang Singapore.

Ayon sa Henley Passport Index 2018 na inilathala noong nakaraang buwan, nalipat sa pangalawang pwesto ang Germany matapos itong maghari sa loob ng nakalipas na limang taon, sa pagkakaroon nito ng visa-free access sa 179 destinasyon.

“Japan and Singapore rose to the top of the index after, among other developments, Uzbekistan lifted visa requirements for Japanese and Singaporean nationals in early February. Uzbekistan’s efforts to increase tourist inflows saw a number of other countries in Asia and the Middle East (including Turkey, Indonesia, and Israel) gaining access,” saad sa website ng Henley & Partners, isang law firm.

Sinabi naman ni Dr. Parag Khanna, Senior Fellow sa Centre on Asia and Globalisation sa National University of Singapore na patuloy na lumalago ang kapangyarihan ng mga bansa sa Asya.

“It is perhaps long overdue that wealthy Asian states such as Singapore and Japan would equal and now even exceed Germany’s ranking among the world’s most powerful passports,” aniya. “These two states in particular are identified as peaceful commercial powers, with their citizens interested primarily in business and investment activities.”

“For its part, Japan has long been one of the world’s leading capital exporters, and this role has grown in the wake of ‘Abenomics,’ the set of economic policies implemented by Japanese Prime Minister Shinzo Abe at the outset of his second term. Singapore, which has long been the portal for investment into Southeast Asia, is now also the major conduit for outbound Asian investment as well,” dagdag pa niya.

Nasa ikalimang pwesto ang Japan noong nakaraang taon na may visa-free access sa 172 bansa.

Kabilang naman sa top 10 ngayong taon ang mga sumusunod: Denmark, Finland, France, Italy, Sweden, Spain, South Korea na may visa-free access sa 178 na bansa; Norway, United Kingdom, Austria, Luxembourg, Netherlands, Portugal - 177; Switzerland, Ireland, United States, Canada -176; Belgium, Australia, Greece - 174; New Zealand, Czech Republic, Malta - 173; Iceland -172; Hungary - 171; at Latvia -  170.

Ang Pilipinas naman ay nasa pang-75 pwesto kasama ang mga bansang Cuba, Cape Verde Islands at Azerbaijan na may visa-free access sa 63 bansa.

Huli naman sa listahan ang Afghanistan na may visa-free access sa 24 na bansa.

Ang Henley Passport Index ay base sa eksklusibong datos ng International Air Transport Association (IATA) na may hawak ng pinakamalaki at pinakatiyak na database ng travel information ng buong mundo.       

PHL Embassy pinag-iingat ang mga Pilipino sa mga alok na refugee visa


Ni Florenda Corpuz

Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Tokyo ang mga mamamayang Pilipino laban sa mga indibidwal at organisasyon na nag-aalok ng refugee visa kapalit ng malaking pera para manatili at makapagtrabaho sa Japan.

Ayon sa advisory na inilabas ng Pasuguan sa kanilang website nitong Marso, nanguna ang mga Pilipino sa bilang ng mga aplikante na umabot sa 4,895 batay sa talaan ng Ministry of Justice subalit wala kahit isa sa mga aplikasyong ito ang naaprubahan.

“Ayon sa batas ng Japan, ang mga aplikante para sa refugee visa na hindi kikilalanin ng Ministry of Justice ay hindi na mabibigyan ng pagkakataong mamalagi at magtrabaho sa Japan,” saad sa advisory.

“Ang pagtrabaho sa Japan na walang working visa ay paglabag sa Immigration Control Act ng Japan na may kaparusahang pagkulong, deportasyon at isa (1) hanggang sampung (10) taong hindi pagpasok sa Japan,” dagdag pa rito.

Inilarawan din dito ang refugee bilang “isang taong napilitang lumikas sa kanyang bansa dahil sa pag-uusig, digmaan, o karahasan. Ang isang refugee ay may malinaw at matatag na batayan ng pagkatakot sa pag-uusig dahilan sa kanilang lahi, relihiyon, nasyonalidad, opinyon sa pulitika o pagiging kasapi sa isang partikular na grupo ng lipunan.”

Dinagdag pa ng Embahada na “hindi kinikilala na refugee ang mga mamamayang lumikas ng kani-kanilang bansa dahil may kaalitan na kapitbahay, kakilala, o gang dahil sa pagkakautang at iba pa; may kaalitan na kamag-anak dahil sa mana, away ng mag-asawa, pagkakautang at iba pa; nagnanais magtrabaho sa Japan; at nagnanais na magpagamot sa Japan.

Matatandaang nauna nang pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Pilipino na iwasan ang mga alok na trabaho sa Japan gamit ang “tourist-to-refugee” recruitment scheme.

Ito ay matapos iulat ng Office of the Undersecretary of Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang nagngangalang “Mara” na nanghihikayat sa mga aplikante na pumunta sa Japan gamit ang tourist visa at tinuturuan sila na mag-apply ng refugee visa sa Immigration Bureau ng Japan para sa employment purposes sa pamamagitan ng social media.

Hiniling ng OUMWA sa POEA na magsagawa ng imbestigasyon para sa posibleng kaso ng illegal recruitment o trafficking in persons kung saan sangkot ang sindikato na nag-o-operate sa Saitama Prefecture.

Binanggit din sa ulat na isang broker na nakabase sa Maynila ang naghahanda ng mga pekeng dokumento tulad ng certificate of employment at bank statement para sa visa application ng aplikante. Naniningil umano ang sindikato ng Php55,000 hanggang  Php95,000 bawat aplikante para sa mga pakunwaring serbisyo.

Sa hiwalay na ulat, sinabi ng refugee recognition office ng Immigration Bureau na ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong aplikante bilang technical trainees ay nag-a-apply ng refugee status kapag mawawalan na ng bisa ang kanilang visa.