Miyerkules, Mayo 10, 2017

Gerald Santos, pasok sa Miss Saigon UK Tour 2017



Nakuha ng singer na si Gerald Santos ang papel na si Thuy sa Miss Saigon UK Tour 2017 na tatakbo mula Hulyo 1 hanggang 22 sa Curve Theater sa Leicester, England. Bukod kay Gerald, kasama rin sa Miss Saigon ang dalawa pang Pilipino na sina Red Concepcion at Christian Rey Marbella, na magpapalitan sa paggampan sa papel ng Engineer, at si Joreen Bautista bilang kahalinlinan ni Sooha Kim para sa papel ni Kim.

Sa panayam ni Gerald sa ABS-CBN News, sinabi niyang sobra ang kanyang pasasalamat na makuha ang role na pinangarap at pinaghirapan niyang makuha. Si Thuy ang pinsan ng bida na si Kim, isang 17-taong-gulang na babae na napilitang magtrabaho sa Saigon bar na pinamamahalaan ng Engineer at na-in love sa Amerikanong sundalo na si Chris noong mga huling araw ng Vietnam war.

Kwento ng 26-taong-gulang na si Gerald, noong nakaraang taon pa si nag-audition sa papel ni Thuy kung saan kinanta niya ang “Kim’s Nightmare.”

“Grabe, sobrang overwhelmed. Grateful and thankful to God sa wonderful blessing na ito sa aking career and sa buhay po,” pahayag ni Gerald sa ABS-CBN News.

Dumaan sa ilang rounds ng audition si Gerald na umaming hindi madali ang mga audition piece na ipinagawa sa kanya.

“Sinubukan ko lang po. Nag-audition ako and then ito na at thankfully nakapasa ako sa four stages na rigorous audition ng ‘Miss Saigon.’ Medyo matagal po ‘yung paghihintay ng announcement but worth it po lahat,” ani Gerald na nagsimula sa showbiz matapos na manalo sa “Pinoy Pop Superstar” talent competition ng GMA-7.

Laking pasasalamat ni Gerald sa mga nasa likod ng Miss Saigon dahil sa pagtulong ng mga ito kung paano niya gagampanan ang role ni Thuy.

Umaasa si Gerald na mabibigyan siya ng tips ni Robert Seña na noo’y gumanap bilang Thuy sa Miss Saigon run sa London.

“Magre-reach out kami with them. Ang nakausap ko pa lang ay si Ms. Jamie Rivera. Nakapagbigay na siya ng ilang tips at kung ano ang mae-expect ko roon. Hopefully magkaroon ako ng time with them,” dagdag pa ng singer.

Sisikapin umano ni Gerald na gagawin niya ang lahat ng makakaya para maitayo ang bandera ng Pilipinas sa international scene.

“Ipakita natin sa buong mundo kung gaano kagaling ang talento ng Filipino and I will do and give my best to make our country proud. Iwawagayway po natin ang bandila ng Pilipinas sa Europe.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento