Ni
Florenda Corpuz
"Above the Clouds" na tinatampukan nina Pepe Smith at Ruru Madrid. (Kuha mula sa ©TIFF2014) |
TOKYO, Japan – Nakasali sa
prestihiyosong 27th Tokyo International Film Festival ang tatlong
Pinoy independent films.
Kabilang sa 15 pelikula na
maglalaban sa Competiton Section ang “Pusong Wazak!” (Ruined Heart) ni Khavn de
la Cruz na isa sa mga napili mula sa 1,373 pelikulang isinumite mula sa 92
bansa. Paglalabanan sa seksyon na ito ang Tokyo Sakura Grand Prix, Special Jury
Prize, Best Director, Best Actor at Best Artistic Contribution, Audience Award
at Best Actress na nasungkit ng multi-awarded actress na si Eugene Domingo
noong nakaraang taon.
Isinasalaysay dito ang kwento ng
pag-ibig sa pagitan ng isang kriminal at isang masamang babae. Tampok dito sina
Ian Lomongo at Cara Eriguel.
Lalaban naman sa Asian Future
Section ang “Above The Clouds” ni Pepe Diokno na pinagbibidahan nina Pepe Smith
at Ruru Madrid. Ito ay tungkol sa kwento ng isang 15-taong-gulang na bata na
nag-hiking trip kasama ang kanyang lolo at nalampasan ang kalungkutan ng
pagkawala ng kanyang mga magulang sa isang bundok sa itaas ng mga ulap. Paglalabanan
ng 10 pelikula na kalahok sa seksyon na ito ang Best Asian Future Film Award.
Ipapalabas naman sa World Focus
Section ang “Mula sa Kung Ano ang Noon,” ang limang oras na obra ng
award-winning director na si Lav Diaz. Tinalakay dito ang mga misteryosong
pangyayari sa isang baryo noong 1972, ang taon na idineklara ng dating pangulong
Marcos ang Martial Law.
Tanging mga internationally
acclaimed films ang ipinapalabas sa bahaging ito ng Festival. Matatandaang
ipinalabas din sa seksyon na ito ang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” na isa
pang likha ni Diaz.
Pangungunahan ni American
director James Gunn ang jury ngayong taon.
Inaasahan ang pagdalo ng mga
sikat na Hollywood actors at directors tulad ni Tim Burton sa Festival na
siyang kauna-unahang recipient ng Samurai Award kasama ang Japanese actor na si
Takeshi Kitano.
Ang Tokyo International Film
Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong
bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at
world-class films mula sa Japan at ibang bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento