Ni Cesar Santoyo
Maraming
mga babasahin sa Internet ang sunud-sunod na naglabasan nitong unang bahagi ng
buwan ng Oktubre na may kaugnayan sa pandaigdigang palapagan o international
airport ng Pilipinas. Una at may katagalan ng usapin ay ang pagtutol ng mga OFW
laban sa bagong patakaran ng terminal fee na inihain ng Manila Airport
Authority, ang pagtasa na ang Ninoy International Airport (NAIA) bilang numero
unong “worst airport” sa buong mundo, at ang maramdaming pahayag na trauma sa
airport bilang karanasan mula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal
Tagle.
Simula
sa November 1, 2014 ay ipapatupad na ng Department of Transportation and
Communication (DOTC) sa pamamagitan ng Manila Airport Authority (MMA) ang
patakarang Integrated Passenger Service Charge (IPSC). Sa pagpapatupad ng
bagong patakarang ISPC, kasama na sa serbisyo ng lahat ng airlines sa buong
mundo ang pangongolekta ng ISPC sa halaga ng bibilihing ticket ng eroplano. Sa
kasalukuyan at bago ipatupad ang ISPC ay exempted ang mga OFW sa airport
terminal fee.
Batay
sa pagpapatupad ng ISPC ay maaring i-refund ng mga OFW ang terminal fee sa mga
itinalagang lugar ng DOTC-MMA. Maaaring magawa ang pag-refund ng mga OFW kung
may kahabaan ang pananatili sa Pilipinas kagaya ng bakasyon o espesyal na
okasyon. Subalit mahirap at imposible ang pag-refund, kung hindi man malaking
sagabal, sa mga OFW na gipit sa oras dahil sa pangangailangang makabalik agad
sa trabaho abroad o sa panahon ng emergency ang dahilan ng pag-uwi sa
Pilipinas.
Kaya
sa naturang patakaran ISPC ay malinaw na nilabag at hindi inirespeto ng DOTC at
MMA ang probisyon ayon sa batas ng Migrant Act of 1995 at iniyamendahan ng
Republic Act No. 1022 na malinaw na nagsasabing exempted sa pagbabayad ng
airport terminal fee ang mga OFW.
Sa
probisyon mismo ng ISPC na kasama ang pagkuha ng refund ng OFW ay pag-amin
mismo ng ahensya na inalis nila ang munting benepisyo sa mga OFW para sa
libreng airport terminal fee na ginagarantiyahan ng batas.
Nakakapagtaka
rin ang probisyon ng ISPC sa paglikha ng trust fund sa ilalim ng MMA na
magsisilbing busluan ng mga hindi nai-refund na terminal fee ng mga OFW. Walang
linaw kung ano ang basehan sa ilalim ng batas ang paglikha ng MMA ng trust fund
at kung ano ang pangalan ng trust fund na ito.
Tinatayang
mabilis na aabot kaagad sa milyun-milyong piso ang papasok sa trust fund ng MMA
mula sa hindi makokolektang airport terminal fee ng mga OFW na gipit sa oras sa
sandaling pananatili sa bansa.
Malinaw
na nakasaad na ang layunin ng ISPC ay nakatutok lamang para paluwagin ang daloy
ng mga pasehero sa airport. Walang pagtukoy ang patakaran para pag-igihin o
pagandahin ang mga international airport.
Nanatiling
tahimik at walang pagtutol sa napalathalang pahayag ng Airport Sleeping
Community na ang NAIA ang tinaguriang worst international airport sa buong
mundo. Para sa mga OFW at mga immigrants sa iba’t ibang bansa na regular na
bumibiyahe ay may damang pagsang-ayon sa pahayag ng Airport Sleeping Community
kung hindi man naiinis, nahihiya, at nalulungkot sa mga pangitain ng lugar ng
palapagang pandaigdig sa lupang tinubuan.
Hindi
lamang sa tuwinang bumibiyahe ang mga Pinoy sa abroad nakakadama ng
pagkadismaya sa ating international airport. Kasama na rin ang hindi
maipaliwanag na kahihiyan sa pagtanggap ng puna mula sa mga local ng bansang
tinitirahan na bumisita sa Pilipinas sa naging negatibong karanasan sa ating
airport. Ang mga punang natatanggap ng mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa
mula sa lokal na mamamayan ay magsisilbing pagpiga ng kalamansi sa sugat na
matatamo mula sa patakarang ISPC na nag-alis sa benepisyo ng mga OFW sa
exemption nito sa airport terminal fee.
Trauma
naman ang karanasan ng ating giliw na Manila Archbishop Luis Antonio G.
Cardinal Tagle kung ang airport ang pag-uusapan. Ayon sa naging pahayag ni Archbishop
Tagle halaw sa Internet edition ng CBCP News “Alam ninyo ang airport ay naging
traumatic na lugar sa akin. Hindi dahil sa panganib ng pagbiyahe, kundi sa mga
nakikita at nadidinig, lalo na ang mga nanay na kinakausap ang anak sa airport,
nagpapaalam sa pagkawalay. At makikita mo kung papaano nabibiyak ang kanilang
mga puso.”
Isa
si Archbishop Tagle sa tatlong “Delegadong Presidente” sa idinaos na Third
Extraordinary General Assembly of the Synod of Bishops on the Family sa Rome,
Italy. Sa nasabing pagtitipon ay hindi maipaliwanag ang kinasasapitan ng
Pilipino sa ibayong dagat at ang kanilang mga pamilya, at pagpapahayag ng
pagasa na ang realidad sa pangingibang bansa ay mabigyan ng pagtuon ng kaniyang
ka-Synod Fathers.
Ayon
sa pahayag ni Archbishop Tagle sa nasabing okasyon, “ang isang madramang epekto
ng kahirapan ay migrasyon, na nagiging pansamantalang sanhi, subalit kadalasang
matagal na pagkakawalay ng pamilyan Pilipino dahil sa pang-ekonomiyang
kagipitan. Tanggap na may pagkawalay ng
mag-asawa, at ng magulang at anak. Hindi dahil sa hindi sila maaaring magsama
sa isa’t isa. Hindi dahil may sagabal sa komunikasyon. Hindi rin dahil sa may
alitan. Sila ay magkawalay dahil mahal nila ang isa’t isa. At ang mahusay na
tunguhin ay ang pagpapakita ng pagkalinga, at pagmamahal, at suporta sa
pagkawalay.”
Ang
palapagang panghimpapawid ay lugar ng pagtitiyak ng pagmamahal sa tuwinang
namamaalam ang mga OFW sa mahal sa buhay. Sa gusaling ito rin naghihintay ang
ipapadamang sabik na pagmamahal sa pagbabalik mula sa matagal na pananatili sa
ibang bansa ng mga OFW. Ang gusali ay lugar ng pagpapahayag ng tiyak na pag-ibig
at pagkalinga sa isa’t isa ng bawat asawa, anak, magulang at mga mahal sa buhay
ng OFW.
Sa
kabila ng itinakda ng batas ay pilit namang inalis ng patakarang ISPC ang
munting benepisyo ng mga OFW na maging libre sa airport terminal fee. Kaya kung iuugnay ang winika ni Archbishop
Tagle at naging trauma sa airport, mistulang ang DOTC-MMA at ang patakarang
ISPC lamang ang tanging walang pusong ipinapadamang pagkalinga, pagmamahal at
suporta sa mga OFW at pamilya na nasa loob mismo ng gusali ng paliparang panghimpapawid.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento