Linggo, Nobyembre 9, 2014

Mga kakulangan sa ating pag-unlad

Ni Al Eugenio

Ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon na malaki na ang iniangat ng ekonomiya ng Pilipinas. Totoo rin na marami ng bansa ang nagpapahiwatig ng interes na mamuhunan sa  Pilipinas. Kahit na sa madaling panahon ay nakahanda na sana ang marami sa mga dayuhang ito na mag-umpisa na ng kanilang mga negosyo sa ating bansa. 

Ngunit bakit nga ba tila parang puro balak na lamang ang ating naririnig sa mga balita? Maraming manggagawang Pilipino ang naghihintay. Mahigit sa 10 milyong mamamayan ang walang trabaho at hindi nila malaman kung kailan sila magkakaroon ng pagkakataon na makapaghanapbuhay.

Nito lamang nakaraang buwan ng Setyembre ay galing lamang si Pangulong Aquino sa Europa at Amerika upang manghikayat ng mga mangangalakal na mamuhunan sa bansa. Dahil din sa pagiging agresibo ng China sa kanilang mga kalapit na bansa ay maraming kumpanya ang naghahanap na ng mapaglilipatan ng kanilang mga pabrika, at marami sa kanila ang  kinukunsidera ang Pilipinas.

Kung ang ating mga mangagagawa lamang ang pag-uusapan, marami na sa mga dayuhan ang naniniwala sa galing at abilidad ng ating mga kababayan. Madaling makaintindi sa mga ipinapagawa, hindi lamang sa dahil marunong tayong mag-Ingles, kundi natural na mabilis tayong makaunawa. Ang kahinaan lamang ng marami sa atin ay ang magpaliwanag.

Mayroong tanggapan sa ating bansa ang namamahala sa pag-aasikaso sa mga dayuhang mamumuhunan at kung papaano isasagawa ang mga posibleng hanapbuhay na  maaaring gawin ayon sa kakayahan ng ating bansa. Ayon sa kanila, hindi kaya basta- basta sa ating bansa na magtayo ng mga pabrika kung saan-saan tulad halimbawa ng sa Thailand, Indonesia at lalo na sa China.

Isa sa mga dahilan ay hindi tulad ng mga nasabing bansa, ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla. Kulang ang ating mga imprastraktura tulad ng mga maaayos na daan, mga tulay, mga airport at mga pantalan. Mga imprastrakturang makakatulong na makarating agad ang mga kalakal sa dapat patunguhan.

Sinasabi na mas mabilis pang maghatid ng mga kalakal patungo sa ibang bansa kaysa sa ibang lugar sa loob ng ating bayan. Walang sapat na sasakyan, walang sapat na daan. Isang halimbawa na lamang ang nagaganap na problema ngayon sa Puerto ng Maynila.

Napakaraming kalakal ang hindi mailabas dahil sa hindi makaraan ang mga trak na dapat ay hahakot sa mga kalakal na naiipit sa puertong ito. Hindi makadaong ang maraming barko na may dalang mga kalakal na kailangan ng ibaba upang huwag malugi ang mga negosyanteng nagpaparating ng mga produktong kailangan sa ating bansa. Marami sa kanila ang dumadaing dahil sa araw-araw ay patuloy ang kanilang pagkalugi.

Isa pa rin sa mga problema ay ang kakulangan sa kakayahan at mga kagamitan ng mga  nagpapagalaw ng trapiko ng barko, mga kalakal at mga sasakyan sa loob ng mga pantalan na mistulang noong panahon pa ng kopong-kopong ang kanilang alam na pamamaraan.

Parang kultura na rin ang kalakaran na ang lalo pang nakapagpapabagal ng galaw ng mga papeles ay ang mga tinatawag na “red tape” o mga kung anu-anong mga kailangan daw na kung lalagyan lang naman ng tinatawag na “pampadulas” ay maaaring mapabilis naman ang paggalaw ng mga dokumentong kinakailangan. Para bang hindi na mawawala ang ganitong kalakaran sa maraming departamento ng ating pamahalaan.

Sa mga bumibiyahe naman sa lupa, naririyan din ang abala at bahagi na rin sa puhunan na kinakailangang mag-abot sa bawat check point ng lagay upang makaraan at huwag nang abalahin pa ang dalang kalakal.

Sa panahon ngayon, ang isang maliit na bansa tulad ng Singapore ay nagagawa na maipasok, makapagdiskarga o magkarga ng kargamento ang isang barko at makalabas muli sa loob lamang ng maghapon. Bukod sa mahusay nilang sistema ay sapat pa sila sa mga makabagong kagamitan.

Dito sa Japan, ating mapapansin na kapag tayo ay bumabagtas sa mga lugar na malapit sa dagat ay palagi tayong makakakita ng maaayos na mga pantalan. Maging ito ay para sa malalaking kalakal o para sa maliliit na bangkang pangisda lamang. Ang mga daan dito sa Japan ay hindi ginawa para sa mga pribado at pampublikong sasakyan lamang. Ginawang matitibay ang mga daan upang ang mga mabibigat na mga trak na humahakot ng iba’t ibang kalakal ay madaling makarating sa kanilang pagdadalhan. Sa dami ng pagpipiliang daan, tuluy-tuloy ang mga sasakyang ito sa pagtahak patungo sa kanilang kanya-kanyang pupuntahan.

Dahil sa napananatili rito sa Japan ang kaayusan at katahimikan, malayang nakapaghahanapbuhay at nakapagnenegosyo ang kanilang mga mamamayan. Kung nais ng Pilipinas na pakinabangan ang mga pagkakataon na may mga dumarating sa atin na mga bagong mamumuhunan mula sa iba’t ibang bansa, kinakailangan din seryosohin ng ating pamahalaan ang pagpapatibay ng batas at mabigyan ng kapanatagan ng loob ang mga mangangalakal na dayuhan sa ating bayan.


Ang bawat pangulo ng ating bansa mula pa noong araw ay laging nanghihikayat ng mga mamumuhunan sa ating bansa. Sa tuwing sila ay darating, kanilang ipinagmamalaki ang mga mangangalakal na kanilang nahimok na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Ngunit bakit kaya hanggang ngayon ay parang wala pa ring pagbabago ang tanawin ng kahirapan? Hindi kaya dahil sa ang pagdating ng mga dayuhang kumpanyang ito ay hindi napaghandaan?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento