Ni
Len Armea
Sanay
ang mga tagapakinig at tagasuporta nina Kean Cipriano ng Callalily at Eunice
Jorge ng Gracenote na rock ang tema ng kanilang musika. Dahil parehong bokalista
ng kani-kanilang banda, kakaibang Kean at Eunice ang mapapakinggan sa kanilang inilabas
na bagong album na pinamagatang “Kean and Eunice --- Happy Together A Trip Down
Memory Lane” sa ilalim ng Universal Records.
Mga
lumang kanta, na karamihan ay mula sa 1960-1970’s, ang mga napili nilang kantahin
sa bagong album na nilagyan nila ng kakaibang areglo. Ani Kean, kinausap at
tinanong nila ang kanilang mga magulang at ilang tiyuhin at tiyahin kung ano
ang mga paborito at usong kanta noong kanilang henerasyon.
Ani
ng dalawa, layunin ng “Happy Together” album na pagbuklurin ang dalawang
henerasyon sa pamamagitan ng pagkanta ng lumang kanta na nilagyan ng modernong tugtog.
Pag-amin ng dalawa, hindi naging madali para sa kanila ang gawin itong album
dahil sa karamihan ay unang beses pa lamang nila napakinggan.
“Para
gumalaw ng isang kanta na sobrang ganda na at ginawa na ay hindi po madali.
Ilang gabi rin po kaming nagpuyat at nag-isip kung paano namin bibigyan ng
bagong areglo ng hindi namin nasisira iyong main element ng kanta,” pahayag ng
bokalista ng Callalily.
Sampu
ang nakapaloob na kanta sa album: “Islands in the Stream” (Kenny Rogers at
Dolly Parton), “Don’t Let Me Be Lonely Tonight” (James Taylor), “My Love” (Paul
McCartney), “How Can I Tell Her” (Lobo), “Can’t Take My Eyes Off You” (Frankie
Vallie), “To Sir With Love” (Lulu), “Never My Love” (The Association), “You’re
In My Heart (Rod Stewart), “Because” (Dark Clark Five), at “Happy Together” (The Turtles).
Nakikita
rin ng dalawa, na unang nagtambal sa special project na ito, na isang tulay ang
kanilang album para makapag-bonding ang kanilang mga fans at mga magulang nito
sa pamamagitan ng pakikinig sa album.
“The
album basically promotes love and happiness pero hindi siya necessarily for
couples lang. Kapag pinagtugtog sa harap ng parents mo pwedeng lumabas iyong
magandang relationship or connection between the parents and child,” ani Eunice
na bukod sa pagkanta ay sanay tumugtog ng gitara, piano, violin at drums.
“It’s
a perfect gift like iyong fans namin sa parents nila na pwede nilang sabay
pakinggan. Maganda itong pampa-good shot feeling ko,” dagdag pa ni Kean.
Different side
Aminado
si Kean, isang actor, director at
endorser na rin, na nagdalawang-isip siya na gawin ang album na ito dahil hindi
niya nakita ang sarili na gagawa ng isang cover album ngunit sa huli ay nagandahan
siya sa kinalabasan.
“At
first I was hesitant to do it because it’s very risky, I mean, I’ve never
imagined myself doing a cover album. But the fact that these songs are good –
timeless songs – and I had the opportunity to sing them for an album is a big
thing for me, for us,” ani Kean.
Pagkakataon
din umano ito na ipakita na bukod sa pagkanta at pagbabanda ay mayroon silang
bago na maibibigay sa kanilang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanila
simula nang mag-umpisa sila sa industriya.
“We’re
not trying to be someone that we’re not. It’s more of discovering the other side
of me, of us,” pahayag ni Eunice.
“While
recording the album, na-realize ko na hindi ko pwede i-box ang sarili ko na
iyon lang at iyon lang ang gagawin ko. We don’t tag ourselves as rock musicians
– we are musicians.
“Hindi
lang namin main point iyong to be famous or for our songs to be popular pero
iyong broader range na makukuha ng music namin. This is a very big part of our
musical journey,” dagdag pa ni Kean na malaki rin ang pasasalamat sa kanyang mga
ka-banda dahil sa suportang kanilang ibinigay sa proyektong ito.
Si
Kean ang pinakapopular na miyembro ng rock band na Callalily na nasa likod ng
mga kantang “Magbalik,” “Stars” “Ako’y Babalik,” “Trapped Inside the Moment” at
marami pang iba. Lumabas din siya sa ilang pelikula kabilang na ang hit movies
na “Ang Babae sa Septic Tank” at “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo?”
Bahagi
naman si Eunice ng Gracenote na mula sa indie scene at ngayon ay unti-unti na
rin gumagawa ng sariling ingay sa mainstream. Nagsusulat din siya ng kanta kung
saan ilan sa mga ito ay lumabas sa album na “First Movement.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento