Ni Rey Ian Corpuz
Bilang
isang OFW, nakakainis na marinig sa balita na ang mga magagaling nating pulitiko
at mambabatas ay sangkot sa pangungurakot. Sabi nila, minana raw natin ito sa
mga mananakop na Kastila kasi halos lahat daw ng mga bansang dating kolonya ng
Espana ay mahihirap na bansa.
Marahil
totoo pero hindi ako naniniwala na hindi natin kayang magbago sa ating sarili.
Nagiging palusot lang natin na dahil sinakop tayo ng mga Kastila. Mahigit 400
na taon na ang nakakalipas simula noong masakop tayo ng Espanya, nasaan na ba
ang bansang Pilipinas?
Kaliwa’t
kanan ang kurapsyon sa ating gobyerno. Dahil nakikita ng mga tao sa baba na ang
kanilang mga pinuno sa taas ay nagbubulsa ng pera mula sa kaban ng bayan ay
ganoon din ang kanilang ginagawa. Minsan, napagtanto ko na tayo rin mismo ang
may kasalanan.
Halimbawa,
karamihan sa ating mga OFWs, kaya nasanay ang mga nangongotong sa Immigration
at Customs sa Pilipinas dahil pinipilit nating magpuslit ng mga bawal na bagay.
Mga pasalubong na dapat i-quarantine tulad ng mga manggang hilaw, bagoong,
tinapa at kung anu-ano pav na dapat huwag nang ipilit na bitbitin sa eroplano. Tayo
mismo ang nagbibigay ng dahilan upang sila ay gumawa ng kalokohan. Tama ba?
Kaya dapat, kagaya rito sa Japan, ang bawal ay bawal. Kapag sinabing hindi
pwede, huwag ipilit ang hindi pwede.
May
kakilala ako dati na gustong mag-export ng mga sasakyan sa Pilipinas. Tinanong
niya ako kung may kilala raw ba ako sa Customs na baka pwedeng makamura. Ang sabi
ko naman ay huwag nang magnegosyo kung may “under the table” na gagawin. Sabi
ko sa kanya ay dapat baguhin na natin ang ating pag-uugaling ganyan. Buti naman
at hindi na niya binalak magnegosyo ng mga lumang sasakyan. Kung magnenegosyo
ng export, dapat bayaran ang tax na naaayon
sa batas. Hindi na dapat idaan sa bigayan ng pera papunta sa bulsa nang kung
sinuman sa gobyerno.
Marami
din sa atin ang nagrereklamo hinggil sa mga mandurugas na taxi driver lalo na
sa Maynila. Sa labas pa lang ng paliparan ng NAIA ay naglipana ang mga taxi na
kontrata at humihingi pa ng dagdag na pera kasi matrapik daw at kung anu-ano pa.
Di ba tayo rin ang dahilan kung bakit sila naging ganoon? Karamihan kasi sa
ating mga OFWs ay galante masyado.
Dahil
galing abroad, okay lang sa atin na magbigay ng extrang pera kaya karamihan sa
kanila ay naging gahaman na. Ang mahirap
pa ay akala nila na lahat ng sumasakay sa NAIA ay mga may perang OFWs. Kung
alam lang nila ang hirap at pagod ng mga OFWs natin. Kaya sa susunod, mas mainam
na sakto lang ang hlagang ibibigay. Huwag magbigay ng sobra-sobrang tip para
hindi lumaki ang ulo ng mga ito.
Hinggil
sa mga kurakot na pulitiko sa atin ay tayo ang nagluklok sa kanila kaya “we get
what we deserve” ika nga sa wikang Ingles. Ibig sabihin, kung naging maingat
tayo sa pagpili sa iluluklok sa gobyerno, sana ay mas napabuti pa ang ating
bayan.
Kaya
sa darating na halalan, sana’y maging aral sa maraming Pilipinong botante at
maging sa OFWs na bumuboto sa pamamagitan ng absentee voting ang mga isyung
naglalabasan ngayon hinggil sa pangungurakot ng mga pulitiko. Responsibilidad
natin bilang mabuting Pilipino na maghalal ng tamang mga lider na pagyaman ng
bansa ang adhikain at hindi ng kanilang bulsa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento