Miyerkules, Agosto 30, 2017

Japanese historian gagawaran ng Ramon Magsaysay Award

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa The Ramon Magsaysay
Award Foundation

Kikilalanin ang kontribusyon ng Japanese historian na si Yoshiaki Ishizawa para sa kanyang pagtulong sa mga tao sa Cambodia na mapanatili ang mga templo ng Angkor Wat sa gaganaping 2017 Ramon Magsaysay Award.

Kabilang si Ishizawa sa anim na bibigyan ng prestihiyosong parangal mula sa iba’t ibang bansa sa Asya na kinabibilangan din nina Lilia de Lima at Philippine Educational Theater Association (Pilipinas), Abdon Nababan (Indonesia), Gethsie Shanmugam (Sri Lanka), at Tony Tay (Singapore) dahil sa kanilang natatanging ambag para mapabuti ang buhay ng iba.

Ayon sa board of trustees ng Ramon Magsaysay Award Foundation (RMAF), kanilang kinikilala si Ishizawa para sa kanyang “selfless, steadfast service to the Cambodian people, his inspiring leadership in empowering Cambodians to be proud stewards of their heritage, and his wisdom in reminding us all that cultural monuments like the Angkor Wat are shared treasures whose preservation is thus, also our shared global responsibility.”

Inaasahan na tatanggapin ni Ishizawa ang sertipiko, medalya na may imahe ng dating pangulong Ramon Magsaysay at cash prize sa awards presentation ceremonies na gaganapin sa Cultural Center of the Philippines sa Agosto 31.

Si Ishizawa ay nagsilbi bilang presidente ng Sophia University mula taong 2005 hanggang 2011 at professor (by special appointment).

Natapos niya ang kursong French Language and Studies sa Sophia University noong 1961 at nakamit naman ang Master’s Degree in Oriental History mula sa Chuo University noong 1968 at Doctoral Degree in Oriental History noong 1977.

Itinatag niya ang Asia Center for Research and Human Development para sa  pagsasanay ng mga Angkor monuments conservators sa Siem Reap noong 1991.

Ang Ramon Magsaysay Award ay isang taunang pagkilala na nagsimula noong 1958 para bigyang-parangal ang mga indibidwal at organisasyon sa Asya na kumakatawan sa transformative leadership at selfless service ng dating pangulo. Ito ay itinuturing na Noble Peace Prize ng Asya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento