Miyerkules, Agosto 30, 2017

PH officials nag-obserba sa Japanese subway bilang paghahanda sa Metro Manila Subway Project

Ni Florenda Corpuz

 
Pinangunahan ni DPWH Secretary Mark Villa
ang pagsasagawa ng test-drive sa isang tren sa Japan.
(Kuha mula sa Department of Transportation)
Nagtungo kamakailan sa Japan ang ilang opisyal ng gobyerno para sa dalawang araw na pagbisita na may kinalaman sa “Build, Build, Build” project ng administrasyong Duterte.

Binisita nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Mark Villar, at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim ang isinasagawang subway tunneling mula Hazawa hanggang Shin-Yokohama na may lalim na 48 metro. Ito ay bilang paghahanda sa pagtatatag ng Philippines Rail Institute at paggawa ng Metro Manila Subway na gagamitan ng Japanese tunneling technology.

Ayon kay Tugade, “very impressed” siya at ang kanyang mga kasamang opisyal sa rail at subway construction processes ng Japan pati na rin sa rail training dito.

Bago ito ay nakipagkita muna sila sa mga kinatawan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa isasagawang subway train inspection.

Nagtungo rin sila sa Tokyo Metro (Rail) Training Center at nagsagawa ng test-drive ng tren dito.

Dumalo rin sila sa isang classroom lecture tungkol sa rail construction sa pangunguna ng Japan Railway Construction, Transport and Technology Agency.

Popondohan ng Japan bilang tulong sa Pilipinas ang pagbuo ng Metro Manila subway, ang kauna-unahang subway system sa lungsod, upang maibsan ang lumalalang bigat sa daloy ng trapiko.

Ang naturang rail project ay nagkakahalaga ng $4.2 bilyon dolyar at magkukonekta sa FTI Taguig sa SM North EDSA at Trinoma Mall sa Quezon City.
           
Katulong din ng Pilipinas ang Japan sa pamamagitan ng JICA sa pagsasakatuparan ng dalawa pang railway projects – ang $2.7 bilyon dolyar na Manila to Los Baños railway at ang $1.9 bilyon dolyar na high-speed rail na magdurugtong sa Clark Green City sa Tutuban sa Maynila at Malolos sa Bulacan.

May kabuuang halaga na $8.8 bilyon dolyar ang tatlong proyekto na popondohan ng Japan sa pamamagitan ng mga loans at grants.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento