Martes, Agosto 8, 2017

Pagbubukas ng Studio Ghibli theme park sa Nagoya inaabangan na


Bago pa man opisyal na inanunsyo kamakailan ang konstruksyon at nakatakdang pagbubukas ng kauna-unahang Studio Ghibli theme park sa Expo Park (Moricoro Park/Love the Earth Memorial Park) sa Nagoya, nauna nang sumikat sa social media ang ilang conceptual designs sa posibleng maging itsura ng isang Studio Ghibli theme park.

Nariyan ang nakakamanghang gawa nina Disney artist-theme park designer John Ramirez at Japanese illustrator Takumi, na nagpapakita ng mga atraksyon ng Kingsbury Square (Howl’s Moving Castle), Cat Bus monorail at Totoro acorn hunt (My Neighbor Totoro), Aburaya Bathhouse at eat-like-a-pig food court (Spirited Away), Hotel Adriana (Porco Rosso), rollercoaster (Castle in the Sky), Princess Mononoke zoo, at iba pa.

Set in the world of Totoro: Respecting and embracing nature

Ngayon, hindi na mananatiling pangarap at imahinasyon na lamang ang Studio Ghibli theme park dahil sa isang press conference nito lamang mula kina Aichi governor Hideaki Omura at Studio Ghibli co-founder/producer Toshio Suzuki.

Aniya, ang bubuksan na theme park ay nakasentro sa tema ng ‘respecting and embracing nature’ mula sa 1988 fantasy “My Neighbor Totoro” na tungkol sa magkapatid na Satsuki at Mei sa paglipat nila sa isang lumang bahay habang nagpapagaling ang kanilang ina at kung saan magiging kaibigan nila ang mga forest spirits gaya ni Totoro.

Dagdag pa ni Omura at Suzuki, “Construction will be planned around existing clearing to avoid falling trees and there will not be any amusement park rides.”

Nagtataglay ang naturang park ng 460 acres ng preserved forest scenery at dito noon ginanap ang 2005 World’s Fair (EXPO 2005). Matatagpuan din dito ang life-size replica ng bahay sa My Neighbor Totoro na pinapalibutan ng iba’t ibang klase ng bulaklak at naglalakihang mga puno.

Alinsunod sa environmental protection passion ni Hayao Miyazaki na isa sa mga pangunahing elemento sa halos lahat ng Studio Ghibli films, ang theme park ay hindi magiging mala-Disneyland o Universal Studios kundi mas nakatuon ito sa “calmly exploring the quaint universes of the film while incorporating the surrounding scenery peacefully.”

Bagaman ang inanunsyo lamang ay tungkol sa My Neighbor Totoro, inaasahan ng mga excited na tagahanga sa buong mundo na magkakaroon pa ng iba pang atraksyon base sa ibang Ghibli films, lalo na’t malawak ang naturang parke.

Other Studio Ghibli attractions, collaborations, new projects   

Habang ‘di pa natatapos ang theme park, nariyan naman ang paboritong dinadayo na Ghibli Museum sa Inokashira Park sa Shimorenjaku, Mitaka matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Tokyo na binuksan noong 2001 at ang Dogo Onsen Honkan, isang Meiji period wooden public bathhouse na makikita sa Dogo Onsen na isa naman sa pinakamatagal at popular na hot springs sa buong Japan at matatagpuan sa central Matsuyama, Ehime Prefecture at inspirasyon ng 2001 fantasy-mystery film “Spirited Away.”

Nagdaos naman kamakailan ng Studio Ghibli film festival sa North America mula sa Fathom Events at animation distributor GKIDS kung saan muling ipinalabas sa big screen ang anim sa mga iconic films ng Japanese animation giant.

At nitong unang bahagi ng taon, ipinalabas sa Amazon Prime ang unang TV series ng studio na “Ronja: The Robber’s Daughter” sa direksyon ni Goro Miyazaki, anak ni Hayao Miyazaki at base sa children’s book na parehas ang pamagat. Nakipag-kolaborasyon din ang Ghibli kay Dutch animator Michael Dudok de Wit para sa award-winning film “The Red Turtle.”

Samantala, lumabas muli sa pagiging retirado ngayong taon si Hayao Miyazaki mula nang inanunsyo noong 2014 na hindi na gagawa ang studio ng animated films, para gawin ang short film na pinamagatang “Boro.”



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento