Ni MJ Gonzales
Palaging may kinalaman sa
pera ang nangungunang dahilan kung bakit gustong maging negosyante ng karamihan.
Kung magagawa nga namang mapalago ang itinayong kumpanya o tindahan ay susi ito
para umalwal sa buhay. Subalit, totoo
rin na pagdating sa pagnenegosyo ay hindi lamang sa pera ito iikot at lalago.
Katunayan ay marami pang ibang bentaheng personal ang pagiging negosyante gaya
ng mga sumusunod:
Malalaman mo pa ang iyong kakayahan
Sabi nga ni Bob Marley,
“You never know how strong you are until being strong is your only choice.” Sa
pagnenegosyo ay masusukat ang iyong determinasyon sa kabila ng matumal na
benta, kumpetisyon, kung paano mo kaya pamahalaan ang hindi magkamayaw na pangungulit
ng iyong mga kliyente, at iba pang pagsubok.
Kung hindi mo naman
sisipagan, lalakasan ang iyong loob, at gagawan nang mainam na diskarte ay wala
rin mangyayari. Sa ibang banda, ang pagharap
o hindi sa hamon ng pagnenegosyo ay magpapakilala sa iyong tunay na
kakayahan. Tandaan na kapag ikaw na ang
negosyante, ikaw na mismo ang kapitan ng iyong kabuhayan. Masusubok dito kung
gaano ka kagaling bilang pinuno, sa pagdedesiyon, sa iyong disipilina sa sarili,
at pakikisalamuha sa iba’t ibang klase ng tao.
Nakatutulong ka sa iyong kapwa
Bagaman may kapalit na
pera ang ibinibigay mong produkto o serbisyo ay hindi rin maikakaila na
nakapagbibigay ka ng ginhawa (convenience) at kasiyahan (satisfaction) sa ibang
tao. Halimbawa ay may tutorial school ka
na nagtuturo ng Nihongo sa kapwa mo Pilipino, ang iyong maituturo ay makakagaan sa kanilang paghahanapbuhay at
pamumuhay sa Japan sa mahabang panahon.
Hindi ba’t masarap sa
pakiramdam na ikaw ay may natulungan at naging tulay sa kanilang pag-asenso sa
buhay?
Katunayan, ang pagiging
negosyante ay magpapalawak ng kaalaman sa iba pang bagay na labas sa iyong
larangan o nalalaman. Ito ay dahil na rin sa nakakakuha ka ng mga ideya sa
iyong mga kliyente. Bukod pa rito, iba
rin ang kasiyahan na makatanggap ng pasasalamat sa iyong nagawa para sa kanila.
May kakayahan kang matamasa ang “work-life balance”
Maliban sa layunin na “financial
freedom sa hinaharap,” ang isa pang maaaring matamo sa pagiging entrepreneur ay
pagkakaroon ng “work-life balance.”. Ito nga rin ang isang dahilan kung bakit dumarami
ang bilang ng mga babae, lalo na iyong mga ina, na negosyante na kung tawagin
ay “momtrepreneur.”
Gaya ng nabanggit, bilang
lider o kapitan ng iyong negosyo ay ikaw ang bahala kung kailan ka at saan ka
mag-oopisina. Kung sa bahay pa nga
magnenegosyo o magkakaroon ng “home-based business” ay makakasama pa ang
pamilya araw-araw. Maliban pa rito ay maasikaso ang iba pang hilig, lalo na
kung may maaasahan kang sariling mga empleyado. Ito ay dahil nakatutulong na tumatakbo ang iyong kumpanya kahit
nagbabakasayon ka pa sa Palawan o Amerika.
Dadalhin ka nito sa iba’t ibang lugar at tao
Kadalasan sa pagiging
manggagawa, ang palagi mong makakasalamuha ay mga kasama mo sa kumpanya o sa lugar kung saan ka
madedestino. May kaibahan dito ang pagnenegosyo dahil may pagkakataon na ikaw
mismo ang dadayo sa iba’t ibang lugar.
Ito ay maaaring upang humanap ng murang produkto, kumuha ng
konsepto, matuto mula sa mga eksperto o kaya makadaupang palad pa ang iyong mga kliyente.
Para sa mahilig sa pagbiyahe at sa sosyalan, masayang bahagi ito lalo
na’t may mas makahulugang dahilan ang kanilang paglalakbay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento