Ni MJ Gonzales
Ang paglalakbay sa iba’t ibang
lugar o travel ay isa sa paboritong hobby ng karamihan sa mga Pinoy. Maraming
hatid na bentahe ito sa personal na aspeto lalo na’t nakakapagpahinga at
lumalalim ang pang-unawa ng isang manlalakbay. Subalit paano naman niya magagamit
ang kanyang mga karansan sa kanyang pagnenegosyo?
Magagamit mo sa iyong pakikisama o pamamahala sa iyong tauhan.
Kapag nakakarating ka sa isang lugar ay hindi lamang bato, gusali, o tampok na
lugar ang iyong matatagpuan. Kasama sa magbibigay ng kulay sa iyong travel
experience ay ang pakikisalamuha sa mga lokal ng isang lugar. Malalaman mo na hindi
lamang ang kanilang lengguwahe o tradisyon kundi matututuhan mo rin ang
kanilang paraan ng pamumuhay.
Anu-ano ba ang kanilang
ikinabubuhay? Paano nila napagtatagumpayan ang kanilang negosyo, teknolohiya o
kaya naman sa pagiging magaling rito? Alam mo na ba kung paano sila
pakikitunguhan?
Magagamit mo para maging kakaiba at malikhain. Maliban sa pagpapalawak
ng iyong pang-unawa, kasabay rin nito ang pagkuha ng naiibang ideya. Kapag nasa
iisang lugar ka lamang kasi ay nagiging limitado ang iyong ideya sa iyong
paligid. Mag-iiba iyan kapag nakagala ka sa ibang lugar dahil nakakakuha ka ng
bagong konsepto. Maaaring ang mga konseptong ito ay magagamit mo sa pagpapatakbo
at pagresolba sa problema mo sa iyong negosyo. Kasama na rito ang pagpapainam ng iyong
customer service, disenyo ng iyong
puwesto, at paraan para makaakit pa ng
kliyente.
Samantala, ang maaangkat mong produkto
mula sa isang pook ay bago sa panlasa sa inyong lugar. Isang magandang
halimbawa rito ay ang pagkauso ng bubble tea na nagmula sa Taichung at Tainan,
Taiwan. Sinong mag-aakala na may iba
pang inumin na sisikat bukod sa sago’t gulaman at samalamig o isasarap na
timpla ang tsaa kung hahaluan ito ng
gatas o prutas? Sa pagdaan ng panahon ay parami ng parami ang nag-aalok ng
bubble tea at karamihan ay nasa mga nasa
sosyal na mall pa.
Mas malawak na koneksyon at pag-abante sa kumpetisyon. Sa internet ay marami kang mahahanap na pwedeng
mapagkunan ng produkto. Subalit, hindi lahat ng mahusay, naiiba at orihinal ay
mase-search mo sa internet. Ang ilan pa nga na may social media at website ay
mga dealer, distributor, at resellers na. Ilan pa man din sa traditional
business ay hindi pa maalam sa paggamit ng internet.
Maliban sa suppliers, ang posible
rin na makadaupang-palad mo sa paglalakbay ay ang mismong kliyente at handang
mamuhunan sa iyong negosyo. Maraming nasa mga probinsya ang naghahanap din ng
maghahatid sa kanila ng maititinda at makakatuwang sa kanilang negosyo.
Kung babalikan din ay mayroon
talagang tinatawag na business trip na ginagawa ang mga opisyal at lider ng gobyerno. Hindi
nga ba’t ang mga pangulo ay dumarayo sa iba’t ibang bansa para makahikayat ng
foreign investors na magtayo ng negosyo sa bansa?
Maliban sa mga nabanggit sa
itaas, ang paglalakbay ay mainam din para malayo ang mga negosyante sa stress
ng kanilang gawain araw-araw. Ito ang pagkakataon para kahit panandalian ay
makapagpahinga sila, na sa bandang huli ay nakatutulong para sila ay maging mas
produktibo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento