Miyerkules, Nobyembre 1, 2017

UN Chief Guterres, planong bumisita sa Japan sa gitna ng tensyon sa NoKor


Nagkamay sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at 
U.N. Secretary-General Antonio Guterres nang magkita 
sa United Nations General Assembly sa New York 
nitong Setyembre. (Kuha mula sa Cabinet Public Relations Office)

Planong tumungo ni U.N. Secretary-General Antonio Guterres sa Japan sa huling bahagi ng taon para talakayin kay Prime Minister Shinzo Abe ang ilang isyu kabilang ang nuclear weapons program ng North Korea.

Ayon sa ulat ng Japan Times, inaasahan na pag-uusapan nina Abe at Guterres ang mga usapin tungkol sa global warming, U.N. reforms at sustainable development goals para solusyunan ang problema sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.

“Japan is a very important partner of the U.N. I am looking forward to that visit and talking about everything,” saad ni Guterres sa panayam.

Kapag natuloy, inaasahan na magaganap ang pagbisita kasabay nang pagsasagawa ng World Assembly for Women 2017 o ‘di kaya ay international conference on health and medicine sa Disyembre. Ito ang magiging unang pagbisita ni Guterres sa Japan bilang U.N. chief simula nang maitalaga sa pwesto noong Enero.

Matatandaang nagkita sina Abe at Guterres noong Setyembre 19 nang bumisita ang lider ng Japan sa New York para daluhan ang United Nations General Assembly.

Samantala, nagpahayag din ng pagnanais si Guterres na mabisita ang Hiroshima at Nagasaki sa hinaharap.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento