Miyerkules, Nobyembre 1, 2017

Bagong sistema ng earthquake alert sisimulan sa Nobyembre

Maglalabas ng bagong warning system ang Japan Meteorological Agency (JMA) simula sa Nobyembre para alertuhan ang mga residente na maaaring maapektuhan ng malakas na lindol sa Nankai Trough.

Ayon sa mga ulat, hihimukin nito ang mga residente na nakatira sa central at southwestern Japan pati na rin sa mga baybaying lugar sa Pasipiko na siyasatin ang mga daanan sa mga evacuation sites pati na rin ang emergency supplies na magagamit sa lindol.

Ang bagong sistemang ito ng earthquake alert ay base sa mga obserbasyon ng foreshocks at ginawa matapos mapagpasyahan ng mga eksperto ng Central Disaster Management Council sa kanilang ulat na isinumite kay Hachiro Okonogi, minister of disaster management na mahirap tiyakin kung kelan tatama ang isang malaking lindol.

Ito ang unang beses na babaguhin ang patakaran ng warning sytem ng malakas na lindol sa bansa sa loob ng 40 taon.

Matatandaang sinabi ng pamahalaan noong 2012 na aabot sa 300,000 katao ang maaaring mamatay sakaling tumama ang magnitude 9 na lindol sa Nankai Trough. Inilathala naman noong 2014 ang isang 10-year program na layong mabawasan ng 80 porsyento ang mga maaaring mamatay sa malakas na lindol. 

Naganap ang magnitude 8.4 na lindol sa Nankai trough noong Disyembre 24, 1854 na naging sanhi ng tsunami at ikinamatay ng libu-libong katao.

Ang Nankai Trough ay sumasaklaw sa mga lugar na malayo sa pampang mula sa rehiyon ng Tokai hanggang sa Kyushu.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento