Martes, Nobyembre 7, 2017

Personal Finance: Sulit ba ang pagbili mo ng gadgets?


Marahil sa isang taon ay makailang beses na may inilalabas na bersyon ang  iba’t ibang kumpanya ng smartphone o mobile phone, computer, camera at iba pa. Sa ganda nga naman ng mga features o gamit ng mga pinakabagong gizmo ay hindi naman kataka-takang mapabili ka.  Kung may nagsasabi na gastos lamang ito ay iba rin naman ang nagpapalagay na klase ng investment o puhunan ang pagbili ng mahal na gadget.

Bakit hindi investment ang pagbili ng gadget

Masasabing investment ang isang gamit kapag binili ito para mapagkakitaan ngayon o sa pagtagal ng panahon.  Hindi katulad ng ibang ari-arian, maraming uri ng gadget ang mabilis mag-depreciate o bumaba ang  halaga.  Kahit  pa nga ‘di pa nagagamit ang isang smart phone, kapag naglabas na ng bagong model ang isang brand ay pababa na ng pababa ang presyo nito.  Iba na rin ang usapan kung nagamit na ang  telepono, nagasgasan, naipagawa, at kulang na ang mga accessories.

Dagdag na rin dito ang iba pang gastos sa pagpapanatili ng gamit ng mga gadgets. Gaano ba katagal ang buhay ng  baterya nito at ilan beses kang mag-charge? Gaano kalaki ang iyong binabayaran sa prepaid o postpaid plan nito?  Ito bang mga kagamitan na ito ang dahilan kung bakit napapadalas ang iyong online shopping, pagkain sa labas, o pagliban sa trabaho?

Paano makatutulong ang gadget sa iyong pananalapi?

Sa ibang banda, ang pagbili ng gadget ay maikukunsiderang mainam kung unang-una ay pangangailangan na ito at pangalawa ay makatutulong ito sa iyong kabuhayan. Halimbawa na ang negosyo mo ay online selling. Ang isang mahal na smartphone pero maganda ang kalidad, matibay, at gamit na gamit mo ang features ay masasabing asset sa business mo.  
Katunayan sa smartphone pa lang ay kumikita ka na dahil ito ang gamit mo para kunan ng  larawan ang produkto, para makapag-post ng patalastas online, at makipagtransaksyon sa iyong mga kliyente.  
Gayon din sa pagpapalit ng luma at mabagal na computer o laptop. Hindi na praktikal na magtiis sa ganitong gadget kung nagiging abala na sa pagiging produktibo sa iyong negosyo o trabaho.  Baka ito pa ang dahilan sa mas mahabang oras na pagtatrabaho, mataas  na kunsumo ng kuryente, at hindi pagpapasa ng gawain sa takdang oras.

Paano makatitipid sa pagbili ng gadgets?

Sa ibang banda, hindi naman ibig sabihin na mahal ay maganda na at kapag maraming features ay mahusay na ang gadget para sa iyo. Mainam na magsaliksik muna kung ano ang brand at model na may kalidad, matibay, at tugma sa mga hinahanap mo. Katunayan ay  may ilan na bumibili ng digital camera at accessories nito na hindi naman ginagamit madalas.  Dagdag pa rito ay hindi pa pinag-aaralan ang features at tamang paggamit kaya naluluma ang kamera nang hindi napapakinabangan o nasusulit nang husto.

Hindi rin naman nangangahulugan na kapag kailangan mo ng gadget ay kailangan mo ng bago o  iyong sikat na brand. Maaaring bilhin mo ay second-hand pero subok pang maganda ang kalidad nito. Mas mabuti kung personal mong kakilala ang iyong mapagbibilhan, subalit mayroon namang mabibilhan na tindahan online at offline ng pre-loved gizmos.

Kung hindi ka rin sunod sa kung ano ang branded, mainam na mainam na  maghanap ka ng brand na nag-aalok ng kasing-husay na model ng phone pero mura. May ilang pagkakataon din kasi na napapamahal ka, hindi dahil sa magaganda features at itsura kundi sa tatak.

Ang isa pang makatutulong sa pagbili ng murang gadget ay “timing” at “promo.” May ibang  gadget store na may sale sa kanilang gadgets, kund hindi man ay naglalabas ng mga promo. Isa pang karaniwan tip ay hintayin ang paglabas ng bagong modelo dahil gaya nga ng nabanggit sa itaas ay kapag ganoon ay ibinababa ang halaga ng lumang unit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento