Martes, Nobyembre 7, 2017

5 tanda na hindi ka pa handang magnegosyo

Ni MJ Gonzales


Maraming nag-aakala na pera lamang ang dahilan para makapagsimula sa pagnenegosyo. Ilan pa nga sa  karaniwan tanong ay magkano ba ang kailangan para makapagpatayo ng tindahan? Malaki ba ang gastos sa pagkakaroon ng business permit? 

Totoo na pera ang isa sa nangungunang salik sa pagsisimula at pagpapatakbo ng negosyo. Subalit, may iba-iba pang indikasyon o tanda para masabi na handa ka nang maging negosyante.  

Nag-iisip at namumuhay ka pang parang empleyado.  Minsan hindi mo na kailangan na magkaroon ng sariling kumpanya para magkaroon ng mentalidad gaya ng isang negosyante. Subalit, mahirap kung nagtatayo ka ng kabuhayan, pero ang istilo mo ay parang empleyado ka pa rin.  

Kapag nagnenegosyo ka mahirap ipilit ang walong oras na pasok at limang araw sa isang linggo. Lalo na kung nagsisimula ka pa lamang, posibleng kulang pa ang 24 oras sa isang araw para tapusin ang dapat mong gawin. Gayon din, kung sanay kang may nagtuturo sa iyo kung anong dapat unahin ay mahihirapan ka. Dapat ikaw na ang kusang mag-iisip nito.  

Masyado kang abala sa iba’t ibang mahahalagang bagay.  Iba ang usapan sa magaling sa “time management” sa masyadong marami kang pinaprayoridad. Ang makakalaban mo rito ay “pressure” at “stress” na baka mismong katawan mo ay hindi kakayanin nang sabay-sabay. Sa pagnenegosyo pa lamang ay marami kang pwedeng ika-stress  gaya ng mahinang benta, mga reklamador na parokyano, o hindi maaasahang suppliers at partners.

Kung kaya mo na hindi alalahanin ng ilang oras o isang araw man  lang ang personal mong problema ay saka ka mabuting magtayo ng negosyo.

Gusto mo lang magpasikat at makawala sa pangangamuhan. Kung ang iniisip mo ay babango ang pangalan mo dahil hindi ka na nangangamuhan ay baka ito rin ang ikabagsak ng negosyo mo.  Tunay na maraming sikat na negosyante, pero bago nila nakamit iyon ay nagdaan muna sila sa masalimuot na proseso.  

May ilan na naglalako ng produkto kung saan-saan, nakikiusap kung kani-kanino na madalas silang tinatanggihan, at gumagawa ng iba’t ibang responsibilidad para lang kumita.  Gaano ka ba kahanda na mapuyat, mapagod, mawalan ng pera, mag-isa, at mapahiya nang husto?

Naniniwala ka  na napakadali lamang ng pagnenegosyo kung gagaya ka sa iba.  Nakarinig ka na ba ng katagang “madali lang itong negosyong ito kung susundin mo ang ginagawa namin”?  May mga kabuhayan na sinadyang may sistema na dapat sundin gaya ng sa “networking” at “franchising.” Subalit, hindi lamang ganoon iyon. Ang nakakaligtaan ng marami ay hindi lahat ng ganitong negosyo ay swak sa bawat tao. Hindi mo magagaya ang tagumpay ng ibang negosyante kasi maaaring:
·         Ikaw mismo ay wala kang tiwala o kagustuhan sa inaalok mo.

·         Hindi mo pinag-aaralan ang  bentahe at limitasyon ng iyong negosyo at kung paano palalaguin ito.
·         Ang taktika ng iba ay hindi saktong tugma sa iyo, sa iniisip mong kliyente, o sa inyong  lokasyon.
       
      Kaya nga sa pagnenegosyo ay napakahalaga ng sapat na plano at pag-aaral. Hindi lamang ito sa kung alin ang mabenta, kundi ano ang bagay at kaya mong pamahalaan na kabuhayan.  Sa bandang dulo ay marami ang inabandona ang kanilang ideya at negosyo na hindi nila gusto.

     Mahina pa ang iyong loob.  Mainam na sabihin na nasa husay sa pagdedesisyon ang ikakausad ng iyong pagiging negosyante. Subalit maliban sa tamang pag-aanalisa, ang nasa likod ng mahusay na desisyon ay lakas ng loob. Ibang usapan ang pinanghihinaan sa mahina pa, sapagkat mayroong pagkakataon na ang kailangan mo lamang ay payo ng ibang tao. Subalit kung marami kang kinatatakutan ay negatibo rin ang una mong naiisip at gagawin. Paano kung may biglang sumulpot na malaking problema? Susuko ka ba para matapos na o magpupursige ka kahit mahihirapan ka?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento