Lunes, Pebrero 3, 2014

Bagong taon, bagong sistema

Ni Cesar Santoyo

Patuloy na masasalamin ang mga pagkakahawig at kaibahan ng buhay at karanasan sa naging trahedya ng mga Japanese at Filipino sa Tohoku dulot ng delubyong tsunami noong March 11, 2011 at ng mga biktima ng supertyphoon Yolanda/Haiyan sa Eastern Visayas dalawang buwan na ang nakaraan.

Sa paghupa ng tubig-tsunami at ng typhoon surge sa Tohoku at Tacloban ay natambad sa mata ng madla ang maraming magkakahawig na tanawin. Isa rito ay ang mga naligaw na barko sa lupain ng Eastern Visayas at sa Tohoku naman ay sa ibabaw ng mga bahay at mababang building ang nagsilbing limliman ng mga sasakyang pandagat pagkatapos tangayin at iwanan ng alon ng tsunami.

Isang pambihirang karanasan ng isa nating kababayang naninirahan sa Kesennuma, Miyagi-ken, ay ang pagkakaroon ng kakaibang bisita ang naratnan pagkaraang ang pamilyang nagbakwit para makaligtas sa tsunami ay bumalik sa tirahan. Nasurpresa ang lahat sa isang malaking pating sa loob ng bahay na namatay pagkatapos ang tubig dagat ng tsunami ay bumaba at naiwan ang dambuhala sa loob ng pamamahay ng ating kababayan.

Ang mga naiwan na mga matitibay na mga bahay at gusali na hindi nakayang gupuin ng marahas na alon ng tsunami ang isa sa mga kaibahan sa Tohoku sa halos literal na pinatag na mga munisipalipad sa Eastern Visayas. At ang pagkakahawig: mayaman o mahirap man ang lahat ay patas na babawian ng taglay na yaman o maging buhay ng natural na sakuna.

Nagising ang buong sambayanan ng Pilipinas at Japan pati ang buong mundo para magtulungan at pawiin ang hirap ng mga biktima ng malubhang kalamidad sa Eastern Visayas at Tohoku. Sa bansang salat ang bulsa ng karamihan ay buong puso at sigasig na nag-alay ang mga tao ng makakayanang halaga at oras para sa mga nabiktima ni Yolanda/Haiyan. Sa bansang pangalawa sa pinakamayamang bansa sa buong mundo, tumigil ang buong sambayanan sa regular na pamumuhay upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng delubyo ng 3.11.

Malaki ang responsibilidad ng pamahalaan sa panahon ng mga nasabing natural na kalamidad at sa tinatawag na “man-made” na kalamidad kagaya ng pagsabog ng plantang nukleyar sa Fukushima. Sa Tohoku at sa panig ng mga dayuhan kabilang ang mga Pilipino ay kinailangan pang tawagin ang pansin at batikusin ang lokal at pambansang pamahalaan para maisama sa bilang ang mga dayuhang migrante sa relief at rehabilitation program.

Isang malinaw na halimbawa rito ay nang obligahin ng publiko ang Tokyo Electric Power Corporation o TEPCO na namamahala sa plantang nukleyar sa Fukushima na magbayad sa naging kasiraan sa kabuhayan ng mga mamamayan dulot ng nuclear radiation mula sa nasirang plantang nukleyar. Sa bawat notice ng TEPCO ay nakasulat ang mga pangalan ng ama at mga anak subalit wala ang pangalan ng Pilipinang ina ng pamilyang Japanese-Filipino sa talaan ng dapat na tumanggap ng kabayaran mula sa TEPCO. At para sa kaalaman ng lahat ay hindi kukulangin sa dalawang libo ang bilang ng ating mga kababayan nakatira sa Fukushima-ken.

Mabuti na lamang at nakapagtayo ng samahan ang ating mga kababayan sa prefecture, ang Hawak-Kamay Fukushima (HKF) na naipagwagi na kilalanin at isama sa mga dapat tumanggap ng kabayaran ang lahat ng mga dayuhan na nakatira sa Fukushima. Nagdaos rin ng mga konsultasyon at diyalogo sa pagitan ng mga representante ng lokal na pamahalaan ng Iwate, Miyagi, at Fukushima at mga lider at kasapi ng mga Filipino community organization sa tulong ng Sagip-Tohoku/Japan dahil sa pagkawalang bahala sa kalagayan ng mga dayuhan.

Tampok na usapin sa mga konsultasyon ay ang hirap ng buhay ng mga naninirahan sa temporary shelter. Sa kuwento ni Agnes ng Fukushima, nalalaman niyang siya ay may katabi at kasabay sa paggamit ng toilet na manipis na dingding lamang ang pagitan sa katabing silid. Maliit ang magkakatabing kuwarto at nagkakarinigan ang lahat sa ingay pati ang mga paghilik. Parang freezer sa panahon ng tag-lamig at parang pugon naman sa panahon ng tag-init ang mga temporary shelter.

Sa napahayag na kontrobersyal na itinayong bunk-houses para tirahan ng mga biktima ni Yolanda/Haiyan dahil sa nasabing sakit na korapsyon ng pamahalaan, isa itong kagimbal-gimbal na pangitain batay sa magtatatlong taon karanasan ng ating mga kababayan na naninirahan sa temporary shelter sa Tohoku. Kaawa-awa ang stress na inaabot lalo na ng mga bata sa temporary housing sa Tohoku na sana ay hindi na dapat sapitin pa ng mga bata sa Kabisayaan na patitirahin sa ginawang bunk-houses na hindi alinsunod na pamahayan sa international standard.

Magtatatlong taon na rin para muling gunitain ang 3.11 Great East Japan Earthquake and Tsunami at magdadalawang buwan naman makaraan ang pananalanta ng super bagyong Yolanda/Haiyan. Pinatutunayan ng panahon na ang ating kinalulugaran na bansa bilang dayuhan at ang ating bayan na sinilangan ay magkaparehong nakaharap sa peligro ng kalamidad kagaya ng lindol, tsunami at malawakang pagbaha na regular nang bahagi ng ating pamumuhay.

Sa Japan ay kasama na sa kultura ng mga tao at may takdang patakaran ang pambansa at mga lokal na pamahalaan para sa kahandaan sa mga darating na disaster. Sa katunayan ay may palagian na disaster drills mula sa prefectural level, munisipyo, mga opisina, iskuwelahan at maging sa mga kapitbahayan sa buong bansa.

Sa kabilang banda, isang malaking disaster ang pamahalaan na hindi gumagawa ng patakaran at bigyan ng pagsasanay ang mga mamamayan para harapin ang natural na kalamidad. Disaster ito kung panatiliing ipailalim at pakinangin pa ang “pork-barrel” sa kamay ng mga pulitiko bilang tugon sa paghihirap ng mga biktima ng super typhoon Yolanda/Haiyan sa Eastern Visayas.

Naipahiwatig na ng panahon kung papaano ang pagkilos ng mga mamamayan sa Tohoku at Eastern Visayas ay may kakayahan at ang mga tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga bikitima ng mga kalamidad. Kaya hindi nalalayo na sa panahon ng Year of the Horse ay sipain ng nagkakaisang sambayanan ang kinakaharap na pinakamalaking disaster -- ang iresponsable, corrupt at tiwaling opisyal ng pamahalaan sa likod at sa harap ng mga kalamidad.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento