Miyerkules, Marso 4, 2015

Hale nagbabalik sa music scene

Ni Jovelyn Javier

Hale members Sheldon, Champ, Paolo and Roll
Limang taong nagpahinga sa music scene ang alternative rock band na Hale at  ngayong 2015 ay sabik at masayang nagbabalik ang banda sa pamamagitan ng bagong single na “See You” na isinulat ng vocalist na si Champ Lui-Pio. Pinasikat ng banda ang mga kantang “Broken Sonnet,” “The Day You Said Goodnight,” “Kahit Pa,” “Kung Wala Ka,” “Shooting Star,” “Blue Sky,” “Waltz,” “Bahay Kubo” at marami pang iba.

Gitna ng 2004 nang nabuo ang banda na binubuo nina Champ (vocals/guitar), Roll Martinez (lead guitar), Sheldon Gellada (bass), Paolo Santiago (drums) at Geronimo Saroca (drums). Dalawa sa miyembro, ang lead guitarist na si Roll at bassist na si Sheldon ay mga music majors mula sa Unibersidad ng Santo Tomas; si Champ naman ay isang Business Administration graduate ng De La Salle College of Saint Benilde at anak ng respetadong musician na si Nonoy Tan ng grupong “Wadab” noong 1980s at mula naman sa Technological University of the Philippines. Pumirma sila sa EMI Philippines.

Naghiwalay ang mga miyembro noong 2010 para sundan ang kanilang mga personal na interes. Ang miyembrong si Sheldon ay nagpunta ng Canada at nagpakasal, pinagtuunan naman ni Roll ang kanyang sariling musika, nagpatayo naman ng indie record label, ang Mecca Music, si Champ at ang resto-bar na 12 Monkeys kasama ang kapwa musikerong si Chito Miranda.

5 years in the making: The next page and a more mature Hale

Ani Champ, malaking dahilan ng reunion ng grupo ang ideyang alam nilang mayroon pa silang dapat gawin sa industriya ng musika sa bansa, kabilang na rin dito ang magandang samahan ng mga miyembro. Dagdag pa nito, parang pangalawang tahanan na nila ang Hale lalo na tuwing gumagawa sila ng mga kanta at tumutugtog sila.

Nagsimula ang plano ng reunion ng bumalik si Sheldon sa bansa at nakipagkita kina Champ at Paolo. At nitong nakaraang taon, naging abala ang mga miyembro ng grupo sa paghahanda para sa kanilang malaking pagbabalik sa industriya. Mahalaga para sa kanila na synchronize ang lahat at ang mabuong muli ang koneksyon sa mga miyembro. Ginugol naman nila ang natitirang anim na buwan sa recording at
pagsusulat.

Ayon sa mga miyembro, sila pa rin ang mga dating miyembro ng Hale na nakilala ng publiko noon. Kung may nagbago man, ito ay mas marunong na sila ngayon, mas pinapahalagahan na ang isa’t isa at mas objective na sa mga bagay-bagay.

Para sa Hale, nagsisimula sila ulit at sila mismo ay sobrang natutuwa sa kanilang pagbabalik sa musika. Natutuwa ang Hale sa pangalawang pagkakataon na ito para muling tumugtog at ibahagi ang kanilang signature-style alternative rock na unang minahal ng mga Pinoy.  

Natutuwa rin ang banda sa naging tugon ng publiko ng unang mapabalita ang kanilang reunion nang tumugtog sila sa birthday party ni Monty Macalino, vocalist ng grupong Mayonnaise na ginanap sa 12 Monkeys Music Hall & Pub sa Makati kamakailan lang. Sa ngayon, pagtutuunan muna ng pansin ng Hale ang kanilang bagong single ngunit maaaring pinaghahandaan na rin nila ang isang full album.

The story and inspiration of “See You”

Isinulat ni Champ ang See You noong 2011 ngunit hindi sumagi sa isip niyang i-rekord ito bilang solo artist o ibigay sa ibang artist ang kanta. Aniya, itinakda talagang mailabas nila ang kanta bilang isang grupo ulit sa panahong ito. Sa tulong ng mga ka-banda niya sa arrangement ng kanta, natutuwa siya sa resulta na nagawa nila.

Malalim ang inspirasyon ng kanta na tungkol sa isang pag-ibig na hindi nakakalimutan. Ayon kay Champ, may mga tao talagang makikilala mo sa buhay na ito na mag-iiwan talaga ng marka sa’yo na kahit matagal na ang lumipas at anumang paglimot ang gawin ay nananatili pa rin ito. Buking naman ng mga ka-banda ni Champ, tungkol ito sa isang tao mula sa nakaraan ni Champ.

Hale’s early mainstream success earning the label “pogi rock”

Opisyal na inilunsad ang Hale bilang grupo noong 2005 kasabay ng paglalabas ng self-titled album na “Hale” at tampok ang 12 kanta. Ilang beses din na naging nominado ang The Day You Said Goodnight bilang OPM Song of the Year 2005 at nominado naman ang grupo sa Band of the Year at Best New OPM Artist 2005.

Itinuturing ng banda ang bansag sa kanila na “pogi rock” bilang isang papuri kaysa noon na medyo nahihiya sila sa tawag na ito. Dagdag pa nila, ibinigay sa kanila ang pangalang iyon dahil tunay na itinayo nila ang music genre na iyon noong mga panahong iyon.

Naging certified Triple Platinum ang kanilang unang album; certified Gold naman ang pangalawang album na “Twilight” (2006), kung saan kabilang ang mga kantang “Waltz” na paboritong nominado bilang Most Favorite Music Video, “The Ballad Of,” “Hide and Seek,” “Shooting Star” at 10 pang mga kanta; “Above, Over And Beyond” (2008) na may 13 kanta kabilang ang “Pitong Araw,” “Leap of Faith,” “Over And Over (And Over Again)” at “Sandali Na Lang” at “Kundiman” (2009) na may walong mga kanta kabilang ang “Bahay Kubo,” “Kalesa,” “Harinawa” at “Magkaibang Mundo.” 

Available na ang single sa iTunes, Deezer at Spotify mula sa Warner Music Philippines. Mapapanood na rin ang lyric video ng See You sa Hale Music sa YouTube. Ilalabas naman sa susunod na buwan ang isang dokumentaryo tungkol sa pagsisimula at mga pinagdaanan ng banda hanggang sa kanilang pagbabalik. Abangan ang anim pang kanta na ilalabas ng banda.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento