Ni Herlyn Alegre
Kuha ni Boy Yniguez |
Noong
nakaraang buwan ay dumating si Direk Lawrence Fajardo sa Japan kasama ang iba
pang miyembro ng aming grupo mula sa Pilipinas upang i-shoot ang aming independent
film na pinamagatang “Imbisibol.” Ang “Imbisibol” ay isa sa anim na entries ng “Sinag
Maynila” isang bagong local film
festival na nabuo mula sa pagtutulungan ng award-winning director na si
Brillante Mendoza at Solar Entertainment, Inc. Ang festival ay nakatakdang
ilunsad sa Pilipinas ngayong Marso.
Unang
itinanghal ang “Imbisibol,” na isinulat ko bilang dulang may isang yugto, noong
2013 sa Tanghalang Huseng Batute, Cultural Center of the Philippines bilang
bahagi ng Virgin Labfest 9 – isang taunang festival ng mga dula na nagbibigay
oportunidad sa mga manunulat, baguhan man o batikan, na maitanghal sa
kauna-unahang pagkakataon ang kanilang mga “birheng” katha na hindi pa
naipalabas o nailimbag.
Ang
mga artistang gumanap dito ay sina Lou Veloso, Lui Manansala, Only Torres at
Junjun Quintana. Nang sumunod na taon ay muli itong itinanghal sa Virgin
Labfest 10 kung saan pinalitan nina Bernardo Bernardo at Ces Quesada sina
Veloso at Manansala. Ang stage play version ng “Imbisibol” ay idinirehe rin ni
Lawrence. Dito kami unang nagkasama sa trabaho at parehas kaming naging
interesado sa mga buhay ng kapwa Pilipino nating nagtatrabaho sa ibang bansa.
Si Lawrence ay umani na ng maraming parangal sa iba’t ibang international
festivals. Ilan sa kanyang pelikula ay ang “Amok,” “Posas” at ang Metro Manila
Film Festival 2012 entry na “The Strangers.”
Ang
“Imbisibol” ay tumatalakay sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipinong “bilog”
sa Japan – sila iyong mga nanatili sa Japan ng walang legal visa o mas kilala
sa tawag na TNT, pinaiksing salita para sa Tago ng Tago.
Sinusundan
ng pelikula ang buhay nina Benjie, isang matandang bilog na gusto nang umuwi sa
kanyang pamilya; Linda, isang Pilipinang dating nagtatrabaho sa gabi at
nakapag-asawa ng Hapon; Manuel, isang hosto na adik sa sugal at lubog sa utang;
at Rodel, isang batang bilog na puno pa ng pag-asa at pangarap na mabibigyan niya
ng magandang buhay ang anak sa Pilipinas. Itinatampok sa pelikula sina Bernardo
Bernardo bilang Benjie, Ces Quesada bilang Linda, Allen Dizon bilang Manuel at
JM De Guzman bilang Rodel. Mayroon din na espesyal na partisipasyon sina Ricky
Davao at Cynthia Luster.
Mula
noong 1980’s, marami sa ating mga kababayan ang nagpunta ng Japan upang
magtrabaho. Marami sa kanila ang umuwi matapos ang ilang taon, pero marami rin
ang nagdesisyong manatili kahit na nag-expire na ang kanilang mga visa. Tiyak
na pamilyar tayo sa ganitong kwento. May mga kapamilya o kakilala tayo na
nangibang-bansa at nagtrabaho. Marami na rin na pelikula ang nagpakita ng
ganitong mga istorya, pero sa pagkakataong ito, gusto naming gawing “totoong
tao” ang mga karakter sa pelikula. Hindi iyong patuloy na “niro-romanticize”
sila bilang mga bagong bayani.
Ang
mga kababayan natin na nagtatrabaho at nagsisipag para sa ikagiginhawa ng
kanilang mga pamilya ay mga totoong tao – may sari-sariling mga problema at
pangangailangan, may kanya-kanyang takot at pag-aalinlangan. Kinikilala ng
“Imbisibol” ang katotohanang bawat isa ay may inner struggles na nakakaimpluwensya
sa desisyon nilang maging imbisibol at maglaho. Ika nga, “everday is a fight
not for existence, but for non-existence.” At sa patuloy nilang pagtatago,
nagiging imbisibol sila sa iba’t ibang aspeto – sa kanilang mga pamilya, sa
kapwa Pilipino, sa batas, pati na rin sa kanilang mga sarili.
Samahan
natin sina Benjie, Linda, Manuel at Rodel sa mga pakikipagsapalaran nila sa
buhay trabaho, buhay pamilya at buhay pag-ibig sa Japan. Ipapalabas ang
“Imbisibol” ngayong Marso sa mga piling SM Cinemas sa Pilipinas. Ang
“Imbisibol” ay kinunan sa Fukuoka at Hokkaido sa tulong at suporta ng Fukuoka
Film Commission, Fukuoka Independent Film Festival at Chinzei Group.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento