Lunes, Marso 30, 2015

Pag-aaral o pagtatrabaho?

Ni Rey Ian Corpuz

Dahil natapos ko ang aking pag-aaral sa Pilipinas ay nakikita ko kung gaano kalayo ang hirap ng pag-aaral ng mga batang nasa high school sa Japan kung ikukumpara ito sa atin sa Pilipinas. Masayahin tayong mga Pilipino at karamihan ng mga ginagawa sa paaralan ay halos may sayaw, kanta at kung anu-ano pang bagay. Kung ihahalintulad ko ang aking karanasan sa nakikita ko ngayon sa mga junior high school na mag-aaral sa Japan, ito ay napakasalungat.

Ang pagiging estudyante sa Japan ay hindi biro. Hindi biro ang pinagdadaanan nilang hirap. Kahit sabihin nating libre at sapilitan ang pag-aaral mula sa elementarya hanggang junior high school, ang realidad ng hirap ng mga entrance test para sa senior high school naman ang siyang napakahirap para sa kanila.

Ang kanilang sinasalihang club activities simula first year hanggang second year ay isa din na pahirap sa kanila. Umulan man o umaraw, holiday man o hindi o kahit Sabado at Linggo, kailangan nilang pumunta sa paaralan o ‘di kaya ay sa mga tournament kung saan-saan para makipagtagisan ng lakas.

Ultimo ang mga batang Hapon ay nahihirapan sa kanilang lenggwahe. Karamihan sa mga grade six sa elementarya ay may iilan pa rin ang hindi makapagsulat nang tama o malinis na “kanji.” Lahat ng mga ito ay pinagdadaanan ng mga ordinaryong batang Hapon. Ano pa kaya kung ang mga tipikal na batang Pilipino ay mag-aral dito sa Japan?

Ngayon, sa ibang dako, heto ang mga Pilipino sa Japan. Karamihan sa kanila, dahil sa tingin nila libre ang pag-aaral, pinapapunta nila ang kanilang mga anak dito upang mag-aral. Dito nagkaka-culture shock ang mga batang Pilipino. Kung ang bata ay nagsimula sa grade one sa elementarya, sa tingin ko makakahabol at makaka-adjust pa ang bata sa lenggwahe at sa paraan ng pag-aaral at sa buhay mismo rito sa Japan.

May nakasalamuha ako noong nakaraang taon kung saan pinapunta niya ang kanyang anak dito sa Japan para pumasok bilang third year student sa junior high school. Ano ba ang kaya niyang intindihin maliban sa Ingles na subject? Ang mahirap pa rito ang English na subject ay itinuturo sa wikang Japanese. Pinaki-usapan ako ng Vice Principal para gabayan ang bata.

Mabuti na lang at hindi siya sumuko. Isang beses sa isang linggo, may Japanese volunteer na marunong mag-Tagalog ang pumupunta para turuan siya ng Japanese. Natututo naman pero hindi pa rin ito sapat at masyadong mabigat para maintindihan ng bata. Sa awa ng Diyos ay nasa isang night school siya ngayon nag-aaral. Buti na lang ay nakapasok kahit na mababa ang kanyang nakuha sa entrance exam.

Karamihan ng mga Pilipina, hiwalay sa asawang Hapon at bigla na lang nilang kinukuha ang kanilang mga anak. Buti sana kung bata pa kinuha na nila kaso malalaki na at may ibang kultura nang nakasanayan. Papano kaya makaka-survive ang bata sa kanilang pinaggagawa?

Ang parating tanong ng mga kasamahan kong mga Japanese ay kung bakit daw nandito ang bata? Ang sabi ko naman ay dahil maraming mga dahilan ang kanilang mga magulang. Maliban sa pagkasabik sa kanilang anak ay ang isyu ng pera o ang pagtulong nila sa kanilang pamilya.

Pagkatapos ng junior high school, gusto na nilang pagtrabahuin ang kanilang anak. Biruin mo sa edad na 16 ay pinagtatrabaho na sa kung anu-anong kumpanya? Sa edad 16, may pinagpa-part-time sa construction, ang iba sa paggawa ng bento. May isa pa akong narinig na pinagtatrabaho sa fish port. Ang masaklap pa kung ito ay babae, pinapa-part-time sa panggabing trabaho sa mga Philippine pub o bars.

Nakakaawa lang dahil sa halip na bigyan nila ng pagkakataon ang kanilang anak na mabago ang buhay nila ay pinapasabak na kaagad sa trabaho. Hindi ba dapat responsibilidad nila iyon sa kanilang mga anak? Walang masama sa pagpa-part-time pero hindi ba dapat na mas pagtuunan ng kanilang mga anak ang pag-aaral?

Bilang isang magulang, responsibilidad po natin sa ating mga anak ang papagtapusin sila ng pag-aaral. Sana po sa mga Pilipinong ganito po ang ginagawa o may planong ganito ang gawin, pag-isipan po natin ng mabuti. Hindi po mga kalakal ang ating mga anak. Sana po ay bigyan natin sila ng pagkakataon na mag-aral at para magkaroon sila ng mabuting buhay. Mas mainam pa po sana na sa Pilipinas ninyo sila pagtapusin hanggang kolehiyo at saka ninyo papuntahin dito para mas malaki ang pagkakataon na makahanap ito ng magandang trabaho.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento