Lunes, Marso 2, 2015

Tokyo Harvest: Pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisda

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Facebook ng Tokyo Harvest
Isa sa mga dahilan kung bakit dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista ang Tokyo ay dahil sa masasarap na pagkain dito kaya naman kilala ang siyudad bilang “City of Gourmet.” At bilang pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisda na naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan, muling isinagawa ang Tokyo Harvest.

Unang inilunsad ang Tokyo Harvest noong 2013 sa pangunguna ng The Tokyo Harvest Committee (Oisix Inc., Cafe Company Inc., Higashi-no-shoku-no-kai Association) kung saan umabot sa humigit-kumulang 30,000 katao ang nakisaya at nakilahok sa mga programang inihanda para sa pagdiriwang.

Sa ikalawang taon ng Tokyo Harvest na ginanap sa Roppongi Hills Arena at iba pang lugar sa lungsod kamakailan, muling kinilala ang malaking ambag ng mga producer ng bansa habang nilalasap ang sarap ng mga autumn harvests. Maraming programa ang inihanda para sa pagdiriwang kung saan nakibahagi ang libu-libong katao mula sa iba’t ibang bansa at umuwing masaya dahil sa mga kakaibang karanasang dito lamang nila naranasan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

1. Cropping experience in Roppongi Hills - Naiibang cropping experience ang naranasan ng mga dumalo sa bukid na inilagay sa gitna ng Arena. Dito ay naranasan nilang maputikan ang mga kamay at paa tulad sa isang magsasaka.

2. Tokyo 2020 Minolympics - Hango sa salitang Hapon na “mino” na ang ibig sabihin ay “harvest,” nagsagawa ng “Minolympic” kung saan nakilahok ang mga manonood sa iba’t ibang palaro tulad ng rice planting competition na may layong maipabatid sa mga tao ang kahalagahan ng bigas sa Japanese staple diet. Si Kumamon, ang mascot ng Kumamoto prefecture, ang nagsilbing cheerleader sa nasabing sports festival.

3. Thanks producers through arts - Kilala ang mga Hapon sa pagkain ng mga hilaw na isda tulad ng sushi. At bilang pagpupugay sa mga mangingisda ng bansa, nagsagawa ng art workshop kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga tao na gumawa ng sariling big-catch banner para ipahiwatig ang kanilang pasasalamat.

4. Feel Japanese autumn in farm market booths - Ang panahon ng taglagas ay ang itinuturing na “harvest season” ng bansa. Sa Tokyo Harvest 2014 ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao na matikman ang masasarap na root vegetables, sweet fruits at sweet potatoes na ginagawang yakiimo.

5. Taste Japanese cuisine “umami” - Isa sa pinakamahalagang elemento ng Japanese traditional broth ay ang tinatawag na dashi na may iba’t ibang sangkap at paraan ng pagluluto. Ang mga Japanese cooks ay lumilikha ng lasang tinatawag na umami. Nagkaroon ng mga workshops at kitchen cars upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na gumawa at makatikim ng dashi. Pinatikim din ang umami na gawa nina Yoshihiro Murata, isa sa pinakasikat na washoku cooks, at Ninben, espesyal na dried bonito shop sa Tokyo mula pa taong 1700.

6. In winter, families gather in the living room and eat Japanese pot cooking, “nabe” - Tuwing panahon ng taglamig, pinagsasaluhan ng magkakapamilya ang masarap na nabe – bawat pamilya, sariling recipe. Dahil dito, nagkaroon ng nabe competition sa Tokyo Harvest, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga manonood na matikman ang tatlong klase ng nabe na orihinal na recipe ng tatlong pamilya.

7. Looking at scarecrows - Mayroong 47 prefectures sa buong Japan. Bawat isa sa mga ito ay may sariling scarecrow na ang ilan ay idinisplay sa Arena upang magkaroon ang mga tao na magpa-picture kasama ang mga ito.

8. Music as a common language - Hindi kumpleto ang autumn festival kung walang musika. Nagsagawa ng mga live music performances sa kabuuan ng dalawang araw na programa upang ipagdiwang ang harvest season.

9. Pounding on a rice cake - Naniniwala ang mga Hapon na sa buwan (moon) ginagawa ng mga kuneho (rabbit) ang rice cake dahil sa pagkakatulad ng ilaw at anino ng buwan sa kuneho na nagbabayo ng rice cake gamit ang malyete. Pinatikim sa mga dumalo ang sarap ng freshly pounded rice cake.

10. Do you really know about what you eat? – Ginanap ang harvest quiz rally upang magbigay kaalaman tungkol sa pagkaing Hapon. Sinagot ng mga kalahok ang limang katanungan para makakuha ng stamps na maaaring ipalit sa masarap na vegetable juice.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento