Martes, Marso 3, 2015

Pinakamalaking nail festival sa buong mundo ginanap sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Facebook ng Japan Nailist Association
Nagtipun-tipon ang mga nail artists at nail aficionado mula sa iba’t ibang bansa para daluhan ang pinakamalaking nail festival sa buong mundo, ang Tokyo Nail Expo 2014, na ginanap sa Tokyo Big Sight kamakailan.

May temang “Nail Magic That Brings Happiness,” layon ng dalawang araw na expo na ipamalas ang ganda ng Japanese nail art.

Nagkaroon ng mga programa tulad ng nail competition, stage show, trade show, workshop at free manicure para sa mga dumalo. Naglagay din ng café at museum bilang suporta sa cancer research na Pink Ribbon campaign.

Pinakatampok sa expo ang nail competition sa pagitan ng mga top nailists na nagwagi sa iba’t ibang nail contests sa Japan at maging sa ibang bansa. Pinaglabanan nila ang titulong “Best of the Best” sa kumpetisyon na tinawag na “Naitiful Contest.” Itinanghal na Grand Champion sa professional category si Naomi Ota na tumanggap ng ¥300,000, trophy at kotse mula sa Honda. Ilan pa sa mga nagwagi mula sa iba’t ibang kategorya ay sina Kusakabe Yuko, Kawase Natsuko at Iida Akiko. Sila ay pinili base sa kanilang magagandang mga kuko, buhok, make-up at pananamit.

Inanunsyo rin ang mga napiling “Nail Queen (and King) 2014” na ibinibigay ng Japan Nailist Association (JNA) sa mga artistang may pinakamagandang nail art. Kabilang sa mga napili ay ang figure skater na si Miki Ando (Sports category), Mirei Kiritani  (Actress category), May J (Recording Artist category), Youn-A (Model category), Rola (Talent category), Naomi Kawashima, (Special category) at Matsuya Onoe (Men’s category).

Pinakaabangan din ang paglulunsad ng “Tokyo Nail Collection 2015 S/S” kung saan ipinakita ang latest trends para sa spring at summer na may temang “Gentle and Graceful.” Layon nitong bigyang pugay ang “strength, gentleness, and the sparkle inside in a modern day woman.” Nangibabaw ang kulay na frosty yellow, ang kulay ng haring araw.


Taun-taon, simula 1999, ay isinasagawa ang Tokyo Nail Expo sa pamumuno ng Japan Nailist Association, magandang pagkakataon para sa mga kababaihan upang masilayan ang latest nail trends at beauty products. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento