Linggo, Marso 29, 2015

Panaghoy ng mga ina

Cesar Santoyo

Masakit man na tanggapin ay anak ng isa nating kababayan na single mother ang nasangkot sa natagpuang bangkay ng 13-anyos na bata na si Ryota Uemurasa sa pampang ng ilog Tama ng Kawasaki. Ang istorya ay naging laman ng mga pahayagan at maging sa telebisyon sa buong Japan at social media sa pagpasok ng buwan ng Marso. Nangangailangan pa ng paghahatol ng hukuman kahit may pagpapahayag ng pag-amin sa krimen ang tatlong menor de edad na akusado.

Sa tuwinang may aberya ang anak, maliit man o malaki ay lagpas 10 ulit ng sakit na taglay ng anak ang dala-dalang bigat na damdamin ng ina. Mas mabigat pa rito, kagaya ng hinaharap ng mga ina ng Kawasaki, ay ang bagaheng kinakarga ng nanay na nawalan ng anak at ang ina na ang anak ay suspek sa pagpatay. Sa legal na labanan na ito ay pawang mga puso ng mga ina ang dinudurog bago at pagkatapos ng naganap na krimen hanggang sa paglilitis ng hukuman.

Ang mas mabigat na paghahatol ay mula sa publikong palagay na nakabatay sa sariling paniniwala at opinyon at sa partikular ay mula mismo sa komunidad ng mga Pilipino. Sa labas ng ating sariling bakuran ay ang mas malawak at mas matinding dagok sa imahe ng ating mga kababayan dala ng media sa wikang Japanese batay sa kaganapan sa Kawasaki.

Parehong single mother ang mga ina ng napaslang at akusadong pumaslang. Mga solong magulang na kapwa napagkaitan ng suporta sa pamumuhay at kapwa salat sa kabuhayan. Sa pagitan ng Pilipina at Japanese single mother, mas hirap ang sa una dahil sa pagiging dayuhan nito sa bansa lalo na’t obligadong magpadala ng suporta sa mahal sa buhay sa Pilipinas.

Dayuhan mula sa mahirap na bansa, entertainer, single mother ay mga bansag na may kaakibat na negatibong tono sakaling manggaling sa bibig ng mga lokal. Mas lalo pang idinidiin, kahit isulat man na balanse at hindi direkta ng Japanese media, ang negatibong imahe ng dayuhan dahil sa insidenteng naganap sa Kawasaki.

Lubhang mas maraming mga positibo at magandang buhay ang tinatakbo ng mga kabataang Japanese-Filipino dito sa bansa. Kahit na ang aking linya ng gawain ay makasalamuha sa pagpapayo ang mga nalalagay sa gipit na kalagayan na mga ina at Japanese-Filipino Children (JFC), sa abot dami ng aking nakikitang pamilya ng Japanese-Filipino ay sobrang mas marami ang bilang ng nasa positibong pamumuhay at bukod tangi ang naging karanasan ng isang JFC sa Kawasaki.

Sa ating panahon sa ngayon na talamak ang karahasan sa kapwa tao at sa pagsira ng kapaligiran na laganap sa media, mga palabas sa telebisyon at sinehan, sa mga babasahin kasama na ang Internet ay hindi malayong impluwensiyahan ang murang isip ng mga kabataan sa ngayon. Ang krimen na nagawa ng isang JFC sa Kawasaki ay bahagi lamang ng kabuuang problema ng pagpapalaganap ng kulturang bayolente na pinagdadaanan ng lipunan ng Japan, Pilipinas at sa buong mundo.

Karahasan ang ibinabandila ng mga malalaking international media kagaya ng palaging headline na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Kaya hindi nalalayo na ang pangalan ng gang sa Kawasaki kung saan narecruit ang napaslang na trese anyos, ang “Kawasaki State” ay impluwensya sa murang isip na maaaring ang  pinanggalingan ay ang mga balita gaya ng ISIS at iba pang dekadente at bayolenteng kultura.

Hindi bagong istorya ang krimen na naganap sa Kawasaki kung saan sangkot ang JFC. Lagpas 100 na marahil ang mga menor de edad na JFC ang nahatulan sa iba’t ibang uri ng krimen mula sa kasong pananakit, pagnanakaw, panggagahasa at pagpatay ang mga nakakulong sa ngayon. Sa dami ng mga pandinig na aking nadaluhan ay palaging may pagsisi sa ina sa kabila ng pagdurugo ng puso na tanggapin ang hatol ng pagkabilanggo ng anak.

Nais ko rin na ipaalala na ang kahit may kalakihan ang bilang na mahigit 100 nakakulong na mga JFC sa mga kasong krimen, huwag rin nating kalimutan na may mahigit hindi kukulangin sa 400,000 na mga JFC ang may mga positibong karanasan.

Katiting o halos wala akong narinig ng pagtukoy sa kapabayaan ng ama, Japanese o Pinoy, ng anak sa single mother. Ang nanay na solong magulang na pumapasan sa buong mundo para mabuhay ang nanay-anak na pamilya sa huli ay ang palagi na lamang may kasalanan sa negatibong kinasapitan ng anak. Absuwelto palagi ang ama na nag-abandona sa anak at pamilya at absuwelto rin ang pinalalaganap na bayolenteng kultura.

Dahil sa makaluma o piyudal na pananaw na ang babae ay babae lamang bilang palipasan at tagasalo ng mga problemang nilikha ng kalalakihan. Nakakulong sa ganitong kaayusan at kaisipan ang mga nananaghoy sa sinapit ng napaslang at pumaslang na mga anak ng single mother sa Kawasaki.

Biktima na kailangan na protektahan at ipagtanggol ang mga nanaghoy na single mother ng Kawasaki at lahat ng mga ina laban sa kahirapan at ng marahas na kultura laban sa kababaihan. Kung dito sa Japan ay wala ni bahid na tatayo para itaguyod ang kapakanan at kagalingan ng mga Filipino single mothers, may pag-asa pa rin kung titingin sa ating lupang tinubuan.

Mayaman at malalim sa ating kasaysayan ang iniambag ng mga dakilang bayaning kababaihan kagaya ni Gabriela Silang at marami pang iba. Magpasahanggang ngayon ay masigla at mas lalo pang lumalawak ang pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan sa ating bansang pinanggalingan. Sa kilusan ng kababaihan na ginugunita sa ating bayan at sa buong mundo, tuwing kabuwanan ng Marso lamang makikita ang pagyakap para iangat at arugain ang mga panaghoy ng mga single mother ng Kawasaki at lahat ng mga nanay laban sa kahirapan at bayolenteng kultura at para sa kapakanan ng mga anak na JFC.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento