Ni Florenda Corpuz
Iba’t ibang klase ng musika man ang hilig, sila naman ay pinagbuklod ng adhikain na pangalagaan ang kalikasan, mahalin ang bayan, tulungan ang kapwa at pag-ibig.
Ang mga miyembro ng grupong LUMAD o Likha ng Ugnayang Musika Alay sa Dalita ay nagsama-sama at naghanap ng paraan upang ang kanilang mga musika ay magkatugma-tugma. Ito ay upang maipahayag nila ang ganda at yaman ng kulturang Pilipino sa Japan sa pamamagitan ng kanilang mga awitin.
Sino ang LUMAD at kailan ito nabuo?
Ang LUMAD ay isang grupo ng mga mang-aawit na binubuo nina Eugene “Butch” Abangan, food factory worker; Liberty Ito, simpleng maybahay; Annabel Kawano, supermarket worker; Christopher Rambano, manggagawa; Vergel Sansano, ALT at manunulat; at George Nakashita, factory worker. Nabuo ang grupo noong Enero 2010.
Bakit ninyo napili ang pangalang LUMAD?
Ang katagang “lumad” ay isang salitang Bisaya na ang kahulugan ay “katutubo.” Minabuti namin na gamitin ito bilang acronym ng mga katagang nagpapahiwatig ng aming samahan – ang Likha ng Ugnayang Musika Alay sa Dalita na nabuo upang ipahayag ang pangkalahatang puso ng aming pagkakatatag.
Ilang album na ang inyong nailabas?
Sa kasalukuyan, inaayos namin ang aming mga orihinal na komposisyon upang gawing album sa hinaharap. Ilan sa mga awiting kasali rito ay tinugtog na namin sa aming mga shows.
Ano ang bagong aabangan mula sa inyong grupo?
May mga upcoming concerts po ang LUMAD sa iba't ibang lugar sa Japan. Iniimbita po kami sa mga international festivals at charity events upang tumugtog bilang kinatawan ng mga Pilipino sa Japan.
Sino ang inyong musical influences?
Ang bawat isa sa amin ay may hinahangaan. Ngunit bilang LUMAD, kami ay umaayon sa mga musika nina Joey Ayala, Bayang Barrios, Noel Cabangon, Maan Chua, Gary Granada at ASIN.
Ano ang layunin ng LUMAD bukod sa pagpapalaganap ng musikang Pilipino sa Japan?
Ang maipakilala ang kulturang Pilipino sa iba't ibang lahi. Nais din namin na makatulong sa mga biktima ng sakuna at sa mga abandoned children.
Ano ang inyong adhikain?
Simple lang po ang aming adhikain – ang makatulong sa kapwa na biktima ng mga sakuna sa pamamagitan ng musikang Pilipino.
Ano ang mayroon ang LUMAD na wala sa iba?
Siguro ang pagiging organiko ng aming tugtugan. Hindi kami umaawit nang hindi sa saliw ng aming sariling tugtog. At siguro iyong walang tumatayong lider, lahat ay pantay-pantay sa grupo. Nirerespeto ang boses ng bawat isa, pinapahalagahan ang kakayahan ng mga kasapi at pinupunan ang anumang kakulangan at kahinaan ng bawat isa.
Ano ang mga pagsubok na inyong naranasan bilang Pilipinong musikero sa Japan? Ano rin ang masasayang karanasan?
Bilang mga musikero para sa charity, nahihirapan po kami sa gastos ng aming ginagawa. Kami ay pawang mga pangkaraniwang manggagawa na kailangan magtrabaho para sa aming ikakabuhay. Ito rin ang nagbibigay sa amin ng dahilan upang hindi magkasama-sama upang makapag-ensayo.
Ang pinakamasaya naman ay ang magkasama-sama kaming tumugtog at sa pamamagitan nito ay naibabahagi namin ang mensahe ng mga awit, napapalaganap namin ang ganda ng kulturang Pilipino at ang aming pinaghihirapan ay nakakatulong sa ating mga kapwa na nagdarahop.
Paano ninyo gustong makilala ng mga tao ang inyong grupo?
Hindi namin naiisip na kami ay kilalanin. Basta kami ay makapagbahagi ng aming sining at makatulong sa kapwa. Ang hangad lang namin na sana kapag dumating na ang panahon na hindi na kami makatugtog ay may iba pang magpapatuloy ng ganitong adhikain.
Bilang grupo, ano ang inyong pangarap na nais makamtan sa hinaharap?
Ang maipahayag sa buong mundo ang mensahe ng aming layuning magkaisa sa pagtulong sa kapwa na nasalanta ng kalikasan at mga musmos na mga bata na biktima ng pagkakataon.
Ano ang inyong mensahe sa inyong mga fans at mga mambabasa ng Pinoy Gazette?
Sana po tangkilikin at itaguyod natin ang kulturang Pilipino. Sa mga sumusuporta po sa amin, maraming salamat, kayo po ang inspirasyon namin. Kung may pagkakataon po na makadalo kayo sa aming mga palabas ay inaanyayahan po namin kayo at sama-sama tayong ipakita sa mundo ang ating kultura bilang iisang lahi. Mabuhay po kayo!