Lunes, Hunyo 2, 2014

Pagtawag ng turista sa ating bayan

Ni Al Eugenio

Wala man sa sentro ng kabihasnan tulad ng Tokyo at Osaka, ang mga lugar na kung tawagin dito sa Japan ay “inaka,” ay malayo naman kung ihahambing sa mga probinsya sa atin sa Pilipinas. Maaaring pitong oras o mas malayo pa ang biyahe ng bayang ating pupuntahan, ngunit sa ating pagdating dito ay makakatiyak tayo na halos lahat ng ating mga pangunahing pangangailangan ay hindi mahirap hanapin at laging mayroon lamang. 

Ang bawat bayan dito sa Japan ay mayroong maayos na pamamalakad para sa kanilang mga mamamayan. May mga pagamutan kahit na kaunti lamang ang populasyon sa naturang lugar. May mga pulis, bumbero, post office, munisipyo at community hall na maaaring pagganapan ng mga pagtitipon para sa anumang okasyon ng mga taga-roon.

Bukod sa maaayos na mga tindahan sa mga “shotengai” o shopping streets ay pangkaraniwan na rin ang mga convenience stores. Kung malaki naman ang populasyon, ay siguradong mayroon na rin silang mga shopping malls.

Sa mga probinsya ay pangkaraniwan na pagsasaka o pangingisda ang hanapbuhay ng marami. Bagamat may mga office buildings din na pailan ilan, ay halos ang pinakamalaking pinanggagalingan ng buwis ay ang mga nasabing hanapbuhay.

Marami rin naman ang may maliliit na pagawaan ng kung anu-anong kalakal tulad ng mga piyesa ng mga sasakyan, mga electronics at mga pagkaing  popular sa lugar na iyon na ikinakahon upang dalhin sa mga pamilihan sa malalaking siyudad. Dito sa Japan ay may hanapbuhay kahit saan ka man naninirahan. Bagama’t malayo sa mga kamodernohan ay hindi rin naman sila nahuhuli sa maraming bagay. Ang mga bagay na nagaganap sa buong Japan at maging sa buong mundo, dahil sa maayos na komunikasyon ay palagi lamang nakararating sa kanilang kaalaman.

Dahil sa suporta na rin ng pamahalaan, nakakapagsimula sila ng mga gawaing nakakalibang. Halimbawa, para sa mga kabataan ay pangkaraniwan na ang mga lugar palaruan ng baseball o soccer na pinupuntahan kasama ang mga magulang. Ang ibang lugar naman, bago pa man mag-taglamig ay nagpapakawala na sa mga ilog ng malilit na isda upang pagdating ng tag-araw ay may mapaglilibangan ang mga kabataan na mamingwit.

Para sa mahihilig sa kultura at sining ay lagi lamang may mga nagaganap na mga konsiyerto at mga exhibition ng mga artists. Nagkakaroon din ng mga open market sa mga inilaang lugar para sa mga gustong magtinda ng mga bagay na maaaring hindi na nila kailangan sa kanilang mga tahanan o mga produkto mula sa kanilang mga bakuran. Kahit na masasabing ang mga pook na ito ay may kalayuan sa malalaking siyudad, hindi natin maaaring sabihin na sila ay naiiwanan ng kabihasnan.

Ang bawat lugar dito sa Japan ay nag-iisip ng mga bagay na maaaring maging atraksyon upang sila ay bisitahin ng mga taong hindi tagaroon, mga turistang masasabi na maaaring makatulong sa ikakaunlad ng ekonomiya ng kanilang maliit na lugar. Maaaring isa itong tanawin, halamanan o isang lugar na may historical value ng pook na kanilang kinalakihan. Mga pagkain o mga palamuti na doon lamang ginagawa.

Kaugalian ng mga tao sa Japan na ihanda ang kanilang lugar sa mga pangunahing pangangailangan ng mga taong bibisita sa kanilang lugar. Tulad halimbawa ng maaayos na toilet na kung minsan ay mas magaganda pa sa mga makikita natin sa malalaking bayan. Mga direksiyon papunta sa mga lugar na maaaring puntahan ng sino mang hindi tagaroon upang kahit na walang mapagtanungan ay hindi magiging sagabal sa maikling oras na kanilang ilalagi sa naturang lugar.

Sa matagal na nating pamamalagi rito sa Japan, naranasan na natin kung papaano pinapahalagahan ng mga Hapon ang kanilang mga lugar. Lahat ay nagkakaroon ng tungkulin, kahit na ang maayos na pagtatapon ng basura lamang ay mayroong naitutulong  sa ikakaayos at ikakaunlad ng kanilang lugar.

Ang  Department of Tourism sa Pilipinas ay gumugugol ng libu-libong halaga upang makaakit ng maraming turista sa ating bansa. Ngunit ang malalaking budget na ito ay parang hindi nila alam kung papaano gagamitin nang tama. Halos ang malaking bahagi nito ay napupunta sa mga promosyon ng pag-iimbita ng mga turista na bumisita sa ating bansa. Kung mayroon man mga dumating, marami rin kaya sa kanila ang muling babalik?

Marami kaya sa kanila ang maghahatid ng magandang impresyon sa kanilang  mga pinanggalingan tungkol sa kanilang mga naging karanasan sa pagbisita sa ating bayan? Marami sa mga ipinagmamalaking lugar ng ating bayan ay marami pa ring malalaking kakulangan. Tulad na lamang halimbawa ng maaayos na palikuran na pangunahing pangangailangan ng bawat tao.


Mas makakabuti sana kung iisipin ng ating pamahalaan ang mas pangmatagalang  kapakinabangan na maidudulot ng maraming salaping iginugugol upang ibayo pang  mapaganda ang imahe ng turismo ng ating bayan. Nakahihiya tuloy isipin na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pa lamang ay mas nakararaming hindi magagandang impresyon na ang maaaring makita kahit na ng ating sariling mga kababayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento