Ni Joseph Gonzales
Louise delos Reyes |
May kasabihan na kapag dumating na ang panahon mo, wala nang makakapigil pa. Ito ngayon ang nagyayari kay Louise delos Reyes na isa sa maituturing na prinsesa ng GMA-7. Bida siya sa bagong fantasy-drama offering na “Kambal Sirena” kung saa’y katambal niya si Aljur Abrenica. Isa itong bonggang show na pinagkagastusan talaga ng Kapuso network upang maging panlaban nila sa prime time block.
Pero bago ito ay lumikha na ng ingay si Louise bilang ka-love team ni Alden Richards. Ang pinakahuling soap opera na pinagtambalan nila, ang “Mundo Mo’y Akin” ay isang certified top-rater. Nauna rito ay nagsama na rin sila sa “Alakdana”, isang pang-hapong drama na maganda rin ang naging resulta sa ratings chart.
Maagang nagsimula sa showbiz si Louise. Sa edad na 15 ay sumabak na siya bilang mainstay ng youth-oriented show ng Singko na “Lipgloss.” Lumabas na rin ito sa isang indie movie, ang “Agaton and Mindy” na idinirehe ng premyadong direktor na si Peque Gallaga. Para sa kanyang pagganap ay nakakuha siya ng nominasyon bilang Best New Movie Actress sa Star Awards ng Philippine Movie Press Club o PMPC. Noon ding 2013 ay nominado sila ni Alden bilang Loveteam of the Year sa OMG! Yahoo Awards.
Maganda, may tindig at matalino, hindi nakapagtatakang pumailanlang sa mundo ng aliwan ang dalaga. Marami siyang beauty pageants na sinalihan kung saan ay napanalunan niya ang title tulad ng: Ms. Teen Super Ferry (2007), Ms. Jag Teen (2007), Ms. Teen Philippines International-Luzon (2007) at Ms. Lyceum of the Philippines-Cavite (2010).
Nakasama rin siya sa hit soap na “Pilyang Kerubin” na pinangunahan ni Barbie Forteza at sa phenomenal na Sunday teen drama na “Reel Love Presents: Tween Hearts.” Kabilang dina siya sa cast ng malaganap na sopa opera’ng “My Beloved” na pinagtanbalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Noong 2011 ay pinarangalan siya ng FAMAS bilang recipient ng German Moreno Youth Achievement Award dahil sa kanyang yumayabong na popularidad.
Lumabas siya sa critically-acclaimed movie ng GMA Films, ang “The Road” noong 2011 at gayundin sa kapapalabas lamang na “Basement” na isang horror-suspense.
Marami nga ang nag-aabang sa lalong pamumukadkad ng career ni Louise ngayong 2014, lalo na’t pinagkatiwalaan siya ng GMA ng isang malaking proyekto, ang “Kambal Sirena.” Buhos ang atensyon ng dalaga sa pagbibigay-buhay sa dalawang karakter, ang kambal na sina Alona at Perlas na isang sirena.
Sa ipinapakitang dedikasyon, tiyaga, sipag at husay, asahan nang lalong magniningning ang pangalang Louise delos Reyes sa larangan ng lokal na aliwan!