Nakikipagtulungan ang Japan Airlines sa Japan
Environmental Planning (Jeplan) at Green Earth Institute sa pagbuo ng isang
collaborative council sa unang bahagi ng susunod na taon na may layuning
i-recycle ang mga lumang damit para maging jet fuel na magagamit sa kanilang
operasyon.
Nakatakda namang simulan ang paggamit nito pagdating
ng 2020 kasabay ng Summer Olympics sa bansa.
Unang bahagi ng proyekto ang planong paggamit ng pinaghalong
cotton-acquired fuel at standard fuel sa ilang test lights. Isang experimental
fuel plant ang balak itayo sa isang factory ng Jeplan kung saan isasagawa ang
ilang pagsusuri sa proyekto. Susundan ito ng konstruksyon ng isang commercial
plant sa 2030.
Pinangungunahan ang Jeplan ng negosyanteng si
Michihiko Iwamoto at co-founder nito na si Masaki Takao, na ang pangunahing
proyekto ay ang pagbuo ng recycling technologies gaya na lang ng polyester
recycling.
Limang taon ang iginugol ni Iwamoto para mabuo ang
isang teknolohiya na gumagamit sa proseso ng fermentation para durugin ang cotton
fibers sa mga damit gaya ng T-shirts at denim jeans at gagawing alkohol. Mula rito
ay nabubuo ang tinatawag na bioethanol.
Nitong nakaraang taon lamang
ay inikot ni Iwamoto ang DeLorean car, ang sasakyang itinampok sa pelikulang
“Back to the Future II” sa mga shopping malls sa Japan para mangolekta ng mga
lumang damit.
Nakikipagtulungan na rin ang Jeplan sa may 12
retailers gaya ng Aeon Co., Ltd. (operates supermarkets and shopping centers)
at Ryohin Keikaku (Muji operator) sa koleksyon ng mga lumang damit mula sa
tinatayang mahigit 1,000 retail stores sa bansa.
Kaugnay ito ng
Bring Fuku-Fuku Project ng Jeplan na humihikayat sa mga consumers na dalhin ang
kanilang pinaglumaang mga damit sa mga clothing retail stores at dadalhin sa
isang sorting center kung saan ihihiwalay ang mga damit bilang reusable o for
recycling.
Sa tulong naman ng Green Earth Institute,
mapapakinabangan ang mga biofuel technologies na binuo ng Research Institute of
Innovative Technology for the Earth na sinusuportahan ng gobyerno.
Bagaman mayroon pa rin carbon dioxide emission mula
sa proseso nito, higit pa rin itong mas mababa kumpara sa fossil fuel
production gaya ng coal at makatutulong para mabawasan ang emissions na mula sa
mga eroplano.
Ayon naman sa Nikkei Asian Review, makakagawa lamang
ng 10 kiloliters ang 100 tonelada ng cotton at kahit pa pagsama-samahin ang
kabuuang cotton consumption sa bansa ay tinatayang 70,000 kiloliter bawat taon
lang ang mabubuo nito, na mas mababa sa isang porsyento ng jet fuel usage ng
Japan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento