Lunes, Enero 30, 2017

Book and Bed accommodation bookshop nagbukas ng ikalawang branch sa Kyoto


“The perfect setting for a good night’s sleep is something you will not find here. There are no comfortable mattresses, fluffy pillows nor lightweight and warm down duvets. What we do offer is an experience while reading a book. An experience shared by everyone at least once: the blissful ‘instant of falling asleep’.”

Mababasa ang mga pangungusap na ito sa about section ng website ng Book and Bed, isang “accommodation bookshop” na unang nagbukas sa publiko Nobyembre nitong nakaraang taon, na matatagpuan sa 1-17-7,  7th floor Lumiere Building, Nishi Ikebukuro, Toshima-ku, Tokyo at 30 segundo lamang ang layo mula sa C8 exit ng Ikebukuro station. Pinapatakbo ito ng kumpanyang R-Store.

The reader’s paradise

Ang konseptong accommodation bookshop ay hango sa pinasimulang trend ng Junkudo, isa sa mga pangunahing bookstore chains ng Japan, na nagsagawa ng trial run ng bookstore night camp sa kanilang branch sa Kasumigaseki kung saan ang mga guests ay pwedeng matulog overnight sa bookstore nang libre. Kailangan lamang bumili ng isang libro o magazine at magdala ng sariling sleeping bag at pwedeng mag-late-night reading sessions.

Sa pagbubukas ng Book & Bed Tokyo, ngayon ay hindi na pagtataasan ng kilay ang sinumang papasok sa isang bookshop, magbabasa at makakatulog sa pagbabasa. At mas may pagkakataon na ang marami pang mga travelling bookworms at maging mga Japanese locals na maranasan ito sa pagkakaroon ng bagong branch sa Kyoto ngayong Disyembre.

Tunay nga namang pambihira at ‘di pangkaraniwan ang experience sa Book and Bed, lalo na sa mga bookworms na gustong napapalibutan ng mga samu’t saring libro na pwedeng basahin nang libre.

Book & Bed & Beer

Kagaya ng Tokyo branch, sa bunk beds na ginawa sa istilong naglalakihang bookshelves matutulog ang mga guests. May 20 beds na dalawang klase – ang bookshelf (sleep behind the bookshelf) at river view (with Kamogawa river view) at dalawang bed sizes – standard at compact. Lahat ng bunk beds ay may book lights, outlet, curtain, clothes hanger, at free Wifi connection. Available naman nang 24 oras ang shared toilet/showers. Mayroon din na rental dryer (not available from 12am – 7am) at dial locker (limited).

May 2,500 book titles dito mula sa seleksyon ng bookstore na Keibunsha, na kumbinasyon ng Kyoto-themed travel guide books na nasa English at Japanese.

Dinisenyo ito ni Makoto Tanjiri ng Suppose Design Office, na siya rin nagdisenyo ng Tokyo branch. May dagdag na atraskyon naman sa Kyoto branch na matatagpuan sa 9th floor Kamogawa Building 200, Nakanocho-Nishiiru, Higashiyama-ku, Gion district at ‘di kalayuan sa Kawaramachi station, ito ang bar space tampok ang iba’t ibang klase ng craft beers na isang lumalaking industriya sa Kyoto.

Malapit din ito sa mga sightseeing spots gaya ng Yasaka Shrine, Nanzenji Temple, Fushimi Inari Shrine, Ginkakuji Temple, Keibunsha, Kyoto Museum of Contemporary Art, Rissei Cinema, UrBANGUILD, mga restaurants at cafes.

Makabibili rin ng exclusive items sa Kyoto branch gaya ng traveler’s factory (pens, notebooks, stationery, bookmarks) at japonica gown o yukata styled-pajamas. Nagsisimula ang rates sa ¥4,445 sa compact bed at ¥4,908 sa standard, check-in ng 4:00pm at check-out ng 11:00am.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento