Ni MJ Gonzales
Taun-taon ay marami ang
gumagawa ng kanilang New Year’s Resolutions o mga kahilingan. Subalit, iilan
lamang ang pinagtutuunan na magkaroon ng S.M.A.R.T. goals. Gaano nga ba kahalaga ito lalo na sa
usapin ng pagnenegosyo?
Sabi nga nila ay hindi na
lamang “work hard,” kundi “work smart” na rin dapat. Bagay na bagay ito, hindi lamang sa mga
nagtatrabaho, kundi maging sa mga negosyante o balak pa lamang magnegosyo. Paano
at ano nga ba ang kahulugan ng S.M.A.R.T. goals?
Ang S.M.A.R.T. ay nangangahulugan ng
Specific, Measurable, Attainable, Relevant, at Time Bound. Bawat isang aspeto nito ay kailangang daanan
at bigyang-pansin upang makabuo ng malinaw at matatag na layunin.
Specific
(Tiyak) – Marami ang nangangarap na yumaman pero iilan lamang
ang nakatutupad nito. Ito ay dahil bukod sa wala namang eksaktong plano at
aksyon, wala rin specific o tiyak na nilalayon. Halimbawa na lamang sa pagsali
sa paligsahan sa pagtakbo o marathon. Hindi naman pwedeng paikot-ikot ka lang
para maunahan ang iyong kalaban.
Mahirap iasa sa iba ang
pangarap at nararapat mong gawin. Ang tama ay alam mo kung ano ang talagang inaasam
mong mapagtagumpayan sa buhay para kahit anong mangyari ay determinado ka.
Measurable
(Nasusukat) – Sa pagsusulat ng iyong business goals, napakainam kung
mayroong sukatan ang mga ito para masabi mo kung tama at nagtatagumpay ka
na. Katunayan, maraming bagay sa pagnenegosyo
ang kinakailangan na may sukat gaya ng kailangan na benta kada buwan, magkano
ang dapat na paikutin na kapital, at anu-anong produkto at ilan ang gusto mong
ialok.
Hindi man eksakto, nakatutulong
kung may sinusunod kang numero at klaro sa iyo ang iyong pinupuntirya.
Katunayan, ang mga malalawak na klase ng layunin lalo na sa usapin ng pera,
pagnenegosyo, at pagtatrabaho ay ang madalas na nananatiling pangarap lamang.
Attainable
(Nakakamit) – Sa totoo lang ay maraming bagay na
posibleng makamit basta maging pursigido lamang. Tandaan na hindi lahat ng
pangarap ay pare-pareho gayon din ang
panahon, pamamaraan, at perang kakailanganin.
Pwedeng hatiin sa
maliliit na short term goals ang bawat aspeto ng iyong ultimate dream. Kung
gusto mo agad makuha ang isang matayog na pangarap ay magiging imposible nga
ito. Maging realistiko at praktikal sa iyong mga hakbang para posible ngang
maging matagumpay sa iyong pagnenegosyo.
Relevant
(Katuturan) – Sumubok ka na ba na pumunta sa isang
lugar dahil sa wala lang? Pwedeng nakaka-excite ang ganoong aktibidad pero ano
nga ba ang saysay nito sa iyo? Ganito rin sa pag-iisip ng layunin para sa iyong
tindahan o kumpanya, nararapat lamang na alam mo ang katuturan nito sa iyo. Ito ba ay para sa iyong pamilya, hilig mo o may
kaugnayan sa iba mo pang gustong makamit sa buhay?
Sa ibang banda, ang uri
ba ng iyong itatayong negosyo ay may kinalaman sa iyong pinag-aralan, talento,
at interes? Kung hindi ay mas kailangan mong dagdagan ang iyong pagsusumikap
para matutuhan, mahalin, at magawa mo ng mahusay ang iyong trabaho.
Time
- bound (May takdang oras) – Sabi nga nila ay walang
forever at akma rin ito pagdating sa entrepreneurship. Kung walang itinatakdang
oras sa iyong nais na makamit ay mas matatagalan, katatamaran, at mapapabayaan
ang mga ito.
Bakit? Kapag walang
deadline ay magiging maluwag ka sa iyong mga gagawin at isasantabi kung ano pa ang
importante. Isa pa ay ang mga aspeto sa
pagnenegosyo na talagang may tamang
panahon para simulan gaya ng paglalakad ng business permits sa Bureau of
Internal Revenue (BIR) at City Hall.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento