Maraming
bentahe ang palilinis gaya ng pagkakaroon ng malusog na kapaligiran at mainam
na kalusugan. Sa usapin ng mapagkakakitaan,
ang paglilinis ng bahay ay magdudulot din ng kabuhayan o dahilan para
makatipid. Kaya kung tinatamad kang linisin ang pinaglumaan mo noong 2018 ay narito ang ilang dahilan para sipagin
ka:
Handmade products made in recycled materials. Offline o online ay marami ang handmade
business na may kinalaman sa paggamit ng
recycled materials. Kung ikaw ay malikhain, dapat kang maglinis ng iyong
kuwarto o bahay para makaipon ng materyal
na iyong mare-recycle at maibebenta.
Ilan
sa posibleng mapaggamitan ng iyong recycled materials ay pagdidisenyo ng
scrapbook, dekorasyon sa bahay, at ilang
kagamitan. Maaari rin na recycled material mismo ang magamit para makagawa
ng burloloy, bag, damit, apron, at
organizer.
Kumita sa segunda-manong gamit.
Maaaring ang iyong pinaglumaan pero may maganda
pang kalidad na kagamitan ay maibenta online.
Kung tutuusin nga ay kahit ano ay pwedeng ibenta sa mga online buy and
sell sites. Kaya tiyak na kung maglilinis ka ay may mapagkakakitaan ka.
Ilan
sa pwedeng maibenta online o offline ay segunda-manong libro, mobile phone,
printer, music player, camera, accessories sa camera o computer, cabinet, at iba
pang gamit sa bahay.
Magbenta sa junk shop.
Magpahanggang sa ngayon ay patok pa rin ang mga junk shops sa Pilipinas. Ilan
sa mabenta sa mga ito ay boteng babasagin o plastic, bakal, diyaryo, papel na
puti, karton, at kahit mga sirang
appliances.
Bukod
sa mga junkshops ay mayroon din iba pang namimili ng junk materials. Ilan na
rito ang namimili ng tansan, retaso ng damit para gawing basahan, foil wrapper
ng mga junk food para ipalaman sa stuff
toys, papel para sa paper mache crafts, at iba pa.
Makamenos sa sunod na pagbili.
Maituturing na gastos ang pagbili ng bagay
na hindi naman kailangan. Hindi
kailangan kasi mayroon naman pala sa bahay na natatago o natatakpan lamang. Sa
paglilinis ay nakikita ang mga bagay na nawawala o maaaring magamit muli.
Isa
pa’y maoorganisa rin ang mga ito sa tamang lagayan para madaling makuha sa
susunod na kakailanganin. Kadalasan ang
mga bagay na nakukuha sa paglilinis ay maliliit pero malaki ang pakinabang gaya ng paper clip, hairpin, safety pin, tape, panulat, can opener, at screw
driver.
Gayon
din ay maaaring makita ang pwedeng gamitin na alternatibo. Halimbawa ay bag na
pamasok, container para sa mga pagkain sa
kusina, o kaya lalagyan ng mga libro.
Masuri ang mga kagamitan para makatipid sa bill.
Maraming bahagi ng bahay na hindi kadalasang napapansin maliban na kung ikaw ay
maglilinis. Kasama sa mga bahagi nito ang malalaking kasangkapan gaya
ng refrigerator, heater, air-conditioner, oven, at mga ilaw. Ganoon din ang mga
kable, tubo, at bubong.
Hindi
ba, sinong makakaalam na may butas ang tubo na pwedeng sanhi ng mataas na bill
sa tubig? O kaya malapit na palang mapatid ang kable sa bahay na kapag nangyari
ay disgrasya ang hatid. Kung makikita ang mga ito agad ay ‘di ka lang nakatipid
kundi naligtas mo rin ang iyong sangbahayan.
Sa
kasangkapan naman ay pwedeng masuri ang kalidad gaya sa mga ilaw na kaya pala
hindi ganoon kaliwanag ay dahil puno ng
alikabok at mga appliances na kailangan ng palitan dahil mataas na ang konsumo
sa kuryente.