Mapapansin
natin na marami na ang nagbago sa pagdaan ng panahon kung teknolohiya ang
pag-uusapan – kung dati’y makinilya ang gamit, ngayon ay computer na o kaya
kung dati’y nagpapadala ng sulat sa mga kartero, ngayon ay sa pamamagitan na ng
e-mail, at kung dati’y telepono lamang ang paraan ng pakikipagkomunikasyon,
ngayon ay may mobile phones na may iba’t ibang applications.
Isa
rin patok na patok na ngayon ay ang pagba-blog na isang makabagong bersyon ng
pagsusulat sa diary. Sa pamamagitan ng blog
na maaaring makita sa pamamagitan ng Internet, naipapahayag ng isang blogger
ang kanyang mga kaalaman at opinyon sa maraming bagay na maaaring mabasa ng netizens.
Marami
na ngayon ang kilalang bloggers sa larangan ng pulitika, fashion,
entertainment, teknolohiya, negosyo, pagluluto, relihiyon, at iba pa. Bukod sa
nagagawa nila ang kanilang hilig sa pagsusulat tungkol sa mga
pinagkakainteresang mga bagay, naibabahagi rin nila ito sa maraming mambabasa
at maaari rin silang kumita rito batay sa popularidad ng kanilang blog.
Kung
nagbabalak na gumawa ng blog ay narito ang ilang tips na dapat ikunsidera:
Nilalaman ng blog. Isa sa pinakakritikal
sa paggawa ng blog ay ang pag-iisip at pagdedesisyon kung ano ang nilalaman
nito. Maganda na isulat sa iyong blog ang mga bagay na mayroong kang sapat na
kaalaman at kinahihiligan mo dahil sa pamamagitan nito ay mararamdaman ng mga mambabasa
na gusto mo ang ginagawa mo. Ito ba’y tungkol sa mga bagong gadgets? Sa mga
artista? Sa mga pagkaing iyong niluluto? Sa mga nagaganap sa iyong kapaligiran?
Musika? Gawing kakaiba at makabuluhan ang bawat isusulat dahil nais ng iyong
mambabasa na matuto at malibang.
Layout ng blog. Mas babasahin ang iyong
blog kung kanais-nais ang layout nito, “reader-friendly” kumbaga. Siguraduhin
na maganda ang disenyo ng iyong blog; iyong paraan na unang kita pa lamang sa
iyong isinulat ay maeenganyo na silang basahin ito kaysa tamarin. Marami ng themes
na maaaring pagpilian kapag gagawa ng blog sa Wordpress, Blogger o Tumblr.
Subalit, kung mayroon ka namang sapat na pera o mga kaibigan na may kaalaman sa
pagdidisenyo ng website ay huwag magdalawang-isip na magbayad o humingi ng
tulong.
Paglalaan ng oras. Matrabaho rin ang
pagba-blog. Upang hindi mawalan ng mambabasa ay dapat na mag-post ka ng isang
entry sa iyong blog ng regular. Dapat ay kada araw o dalawa ay mayroong bagong
nababasa sa iyong blog at hindi iyong kung kailan mo lang gusto magsulat at
mag-post. Dapat ay laging may aabangan ang iyong mga mambabasa upang makagawian
nila ang pagpunta sa iyong blog.
Litrato. Mas magiging kawili-wili ang iyong
blog posts kung may kasama itong magagandang litrato. Mas tatangkilikin ang
iyong blog kung maganda at makabuluhan na ang nilalaman ng iyong post ay
mayroon pa itong kasamang litrato.
Mga komento. Gawing madali para sa
iyong mga mambabasa na makapaglagay ng komento sa iyong isinulat. Ugaliin na
sagutin ang kanilang mga komento sa maayos na paraan at kung maaari ay
makipagkaibigan sa kanila sa pamamagitan din ng pagbisita sa kanilang blog kung
mayroon man.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento