Miyerkules, Agosto 6, 2014

Filipino English teachers bilang mga propesyonal

Ni Cesar Santoyo

Nailathala sa mga pahayagan kamakailan ang pinakahihintay na resulta ng deliberasyon ng pamahalaan ng Japan ukol sa pagbibigay ng visa sa mga mamamayan ng Indonesia, Vietnam at Pilipinas. Tanging ang mga Indonesian lamang ang nabigyan ng pahintulot ng libreng visa patungong Japan at ang mga Vietnamese at Pilipino ay binigyan ng mas madaling paraan ng pagkuha ng visa para sa turismo.

Madali na sa mga kababayan nating turista ang magpunta sa Japan. May mga nakatalagang travel agencies na pinahihintulutan ng Embahada ng Japan na magproseso ng visa application. Ibig sabihin nito ay package tour o group tour na may nakatakdang destinasyon sa pangangalaga ng travel agency bilang dokumento sa pagproseso ng visa at takdang panahon ng pananatili sa bansa. Nauna sa kalalabas na patakaran ay ang pagbibigay ng multiple re-entry visa sa mga indibidwal na aplikante ng tourist visa sa Japan.

Pareho pa rin ang proseso ng aplikasyon para sa “visiting relatives visa” at huwag nating ipagkamali na may pagluluwag sa ganitong uri ng visa application. Kaya kung tutuusin ay para lamang talaga makaakit ng turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam ang bagong panukalang patakaran sa pagbibigay ng visa.

Niluwagan rin ang pagbibigay ng “permanent professional visa” at may probisyon na rin ng “domestic helper visa” na limitado ang pag-isyu sa sakop lamang ng Kansai region. Tatlong taon na lamang ng pananatili sa bansa ang kinakailangan para mag-apply ng permanent visa ang may mga kategoryang professional visa.

Bagama’t ang bagong patakaran para sa mga propesyunal ay nakatuon sa mga pangunahing industriya gaya ng Information Technology at iba pa, laganap na rin ang pagkuha ng mga Filipino English teachers mula sa Pilipinas patungo sa Japan. Professional ang kategorya ng English teacher sa ating bansa subalit nasa ibang kategorya ng aplikasyon ng visa rito sa Japan.

Kahit na sa ngayon ay ilang daan pa lamang ang mga guro na direct-hired mula sa Pilipinas ay dapat lamang na maayos ang kategorya ng English teacher bilang professionals. Sila ay dapat na  mapabilang sa luwag ng pag-apply ng permanent visa sa loob ng tatlong taon ng paninilbihan sa Japan. Dahil sa pirmihan na ang pangangailangan ng English teachers sa mga paaralan ay importanteng mailagay sa tamang kategorya ng visa ang mga English teacher na mula Pilipinas bilang professionals.

Hindi imposibleng ihanay sa kategoryang professionals ang mga English teachers kung may tamang pamamaraan ng paghiling at sapat na pagbibigay ng batayan para pagbasehan ng mga mambabatas ng Japan. Sa Japan, ang batas ay nakabatay sa bawat isinumiteng dokumento para iwasto ang mga patakaran. At kung umaayon tayo sa kultura ng Japan maging sa gawi ng paggawa ng mga mambabatas, palagi silang bukas at handang makiharap sa may mga kahilingan kahit sa mga dayuhan.

Ang pag-aangat ng kategorya ng mga direct-hired English teacher bilang mga professionals sa industriya ng edukasyon ay may malaking kaugnayan sa libu-libong bilang ng mga Assistant Language Teachers o ALT sa mga pampublikong paaralan. Bago pa man iangat ang kategorya ng mga manggagaling sa Pilipinas ay nararapat na unahing iangat ang kalagayan ng mga ALT na kasalukuyang naninilbihan.

Ang direct hiring ng mga local Board of Education sa ALT ay lumalaganap na sa ngayon sa maraming siyudad at mga prefectures. Dati ay sa mga agency o “hakengaisha” lamang ang paraan ng pagkuha ng English teacher ng mga pampublikong paaralan. Sa kasalukuyan ay marami pa rin ang mga ALT sa ilalim ng mga agencies bilang direktang employer ng mga ALT.

Sa darating na taong 2018 ay ang takdang panahon na ipapatupad sa grade five elementary students ang English bilang isang buong subject. Sa mga nagdaang panahon ay kasama sa pag-aaral ng kultura ang wikang English sa  mga paaralan. Sa taong 2020 naman ay magsisimula na rin ang pag-aaral ng English sa mga batang nasa grade three ng pampublikong paaralang elementarya.

Pundasyon ng programang pang-edukasyon na ito ang mga English teacher na marami sa ating mga kababayan, na dahil sa karamihan ay mga permanent visa at bihasa sa pagsasalita ng Japanese ay nasa mabuting puwesto para punuan ang pangangailangan ng English teacher ng mga pampublikong paaralan.

Bukas ang pinto ng pamahalaan ng Japan para suriin kung sakaling may mag-apela para iangat ang kalagayan ng mga dayuhang English teachers. Subalit wala yatang may lakas ng loob na English teacher mula sa hanay ng ating mga kababayan na kumilos para iangat ang propesyon bilang guro ng wikang Ingles.

Maraming mga grupo at samahan ng mga Filipino English teachers dito sa Japan. Subalit, para bang istorya ng dalawang kalabaw na nakatali ang mga leeg sa iisang lubid ang kanilang sitwasyon. Gustong kumain ng isa sa kanan at ang isa ay sa kaliwa ang hatak. Kaya ang parehong kalabaw ay hindi makakain at hindi maabot ang pagkain dahil sa paghihilahan sa magkahiwalay na direksyon.

Dapat lamang na matuto ang ating mga kababayan na English teacher na magkaisa at sama-samang kumilos para iangat ang kanilang propesyon sa antas ng lipunan ng Japan.

May sapat na bilang ang libu-libong mga kababayan natin na mga English teacher para dumulog at iapela sa pamahalaan ang pag-aangat ng propesyon ng English teacher sa tamang kategorya. Kinakailangan ng kinatawan para isagawa ito upang magsilbing hamon para tugunan ang pagiging tunay na lider ng komunidad ng English teachers na hindi lamang sa pagbigkas ng tamang wikang Ingles ang inaatupag kundi pati na rin ang proteksyunan ang kapakanan at kinabukasan ng propesyon sa lipunan ng Japan.

Bukas palagi ang pintuan ng pamahalaan ng Japan para sa ganitong ehersisyo ng paggigiit ng karapatan dahil ito ay hindi lamang para sa sariling propesyon lamang kundi para sa pagpapaunlad pa ng lipunan na multi-cultural.

May aral tayong makukuha sa mga batang Japanese-Filipino na nagawang baguhin ang Family Law ng Japan para sila kilalanin bilang mga Japanese. Kung ang mga paslit at mga ina nito ay may nagawang pagbabago sa batas, hindi nalalayo ang paghirit ng mga Filipino English teacher.

Patotoo lamang na kung ang mga may nagmimithi sa pagluwag sa pagbibigay ng visa para sa ating mga kababayan, ang mga Filipino na naninirahan dito sa Japan mismo ay may taglay na lakas para tulungan ang mga mambabatas ng Japan sa kanilang pagsusulat ng mga patakaran.

Sana magising ang mga magigiting na English teachers at kanilang mabatid na hindi kailanman ang kanilang husay sa pagbigkas ng tamang English grammar ay maitatanghal sila bilang propesyunal. Kundi sa kanilang paninindigan sa pamahalaan upang kilalanin at ilagay sa tamang kategorya bilang propesyunal, at higit sa lahat, bilang etnikong kasapi ng lipunan ng Japan ang mga Filipino English teacher. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento